Share |

Major Major

Ang tanong ni William Baldwin, judge sa 2010 Miss Universe beauty pageant, kay Venus Raj, ang Miss Universe Philippines, "What is one big mistake that you've made in your life, and what did you do to make it right?"

Ang sagot ng mestiza (Indian Filipina) ay, "You know what sir in my 22 years of existence I can say there is nothing major major, I mean problem that I have done in my life because I am very confident with my family with the love that they are giving to me. So thank you so much that I am here!"

At ang sumunod, gaya ng sabi-sabi ay makasaysayang pagkakataong naunsyami. Na-luseng (loser) si Venus, kulelat sa top five. Pero naging bukambibig-may tagasuporta gayong mas maraming tagalait-ang phrase na "major major," higit pa sa laman ng kanyang naging tugon. Botch up job, may pag-asa na sanang maging pangatlong Miss Universe mula sa bansa, pero naglahong parang bula ang pagkakataong ito.

Ang "major major" ay ang panunumbas ni Venus sa "bonggang-bongga." Parang Filipino English, pidgin na tayo-tayo sa 'Pinas ang nagkakaintindihan, tulad ng iba pang "come again" para sabihing paki-ulit ang sinabi, o "rest room" para sa toilet. Kaya nga ang payo sa mga kandidato (ng abang uri), gumamit na lang ng tagasalin, gaya ng gawain ng mga taga-Latin Amerika na nakakaintindi rin naman sa ingles ay piniling magsalita sa unang wika, sa Kastila.

Sa awit ng Hotdogs na "Annie Batungbakal" nang dekada 70 unang tumingkad ang salitang katumbas ng major major. Ordinaryong babaeng manggagawa (sales lady) ang personahe ng awit pero sa gabi ito ay umaariba sa diskuhan, ang gitna hanggang mataas na uring libangan ng panahon: Sa umaga, dispatsadora/ Sa gabi, siya'y bonggang-bongga/ Pagsapit ng dilim, nasa Coco Banana/ Annie Batungbakal, sa disco isnabera/ Sa disco, siya ang reyna.

Ito ang afinidad ni Venus at Ani-isang ordinaryong uring babae na nag-asam ng lampas sa kanyang uri, na hindi naman kakatwa, kundi ang regular na ruta ng pag-aasam at pagnanasa para sa global na gitnang uring panuntunan. Sinong batang babae at bading ang hindi nangarap maging beauty contestant? Sinong dispatsadora ang hindi nagnasang maging artista tulad ng mga sineng kanyang tinatangkilik?

Dalawa ang katangian ng sagot ni Venus. Una ay ang pagkilala na ang lahat ng kanyang nakaraan-mababang uring pinanggalingan, kasama ang turing ng pagiging mababang uring mestiza, kahinaan sa pag-ingles, pati ang kontrobersya hinggil sa kanyang tunay na nasyonalidad-ay so-so lamang. Pangkaraniwan kaya hindi major major. At honest naman ang beauty contestant hinggil sa kawalan ng napakalaking balakid na hindi pa niya nalulusutan.

Stereotipikal ang tanong ni Baldwin, ang pagtingin sa beauty contestant bilang santa: bilang may malaking pagkakamali sa nakaraan, may epiphany na naganap, at may pagwawasto sa kasalukuyan. Drama queen-turned-beauty contestant ang tunguhin ng katanungan. Na hindi naman pinapagpag ang drama, kundi itinatampok lamang ang kaangkupan ng pagtitika at pagbabanyuhay.

At ito ang pangunahing naratibo ng beauty pageants, ang transformasyon ng ordinaryong babae tungo sa pagiging beauty queen-angkop na pangangatawan (matangkad, sexy, may apila), at may kapasidad i-seize ang sandali (sa Q&A na pressure cooker mode na lalo pang pinatingkad ng isolation booth). Ang pagiging beauty queen ay normalisasyon ng pangarap ng babae tungo sa figurang plastik na nahuhulma sa panibagong anyo.

Kung gayon, ang beauty pageant ang vehikulo ng spektakulong transformasyon: kung paano ang nakalipas ay maaring gamiting hilaw na material para paningningin ang kasalukuyang katawan at karanasan. Para itong Strabucks lamang na ipinapaalaala ang kapeng iniinom sa pamamagitan ng mga larawan ng bunga ng puno ng kape, pamimitas nito, pagbilad sa araw at pagtosta. Ang nagdaan ay nagiging paalaala kung gaano na kalayo ang naabot sa kasalukuyan.