Submitted by Vox Bikol on
Inihanda na ang alagang hayop. Hindi na mahalaga kung sino ang nag-alaga kung kayâ hindi na rin kinuha ang pangalan nito ng eskribano na siyang nakatalagang mangasiwa sa buong ritwal. Hindi nga rin tiyak kung inaalagan nga talaga ang nasabing hayop. Basta ang mahalaga naroroon ito at walang pakiwari sa kung ano ang nakatakdang maganap sa umagang iyon.
Dumating ang hari at reyna sakay ng karwahe. Naroroon din ang mga kawal at ang buong taong-bayan. Ginagawa lamang sa loob ng isang taon sa bukana ng bayan, ang nasabing ritwal bago ang ikalawang pamimilog ng buwan at ang paglitawan ng mga kakaibang bulaklak sa parang kung saan bago ito sumibol, madalas na makita ang mga ligaw na tupa, kambing at paminsan-minsan naliligaw din dito ang mga baboy na hindi rin nila pinapansin dahil sa paniniwalang mga naparusahang anghel ang mga baboy. Subalit minsan may isang ketongin na humuli, kumatay at kumain ng nasabing hayop. At balitang may ilang tao sa kaharian na kumakain na rin nito mula nang makita nilang nagpipiyesta ang ketongin. Lasang anghel daw ang laman ng mga hayop. Ngunit hindi tungkol sa baboy ang parabulang ito.
Hila-hilang inilabas ang kambing sa kanyang hawla. Katulad ng ibang kambing naging maingay din ang nasabing hayop dahil na rin sa pangangaladkad ng kawal. Sa ritwal na ito, pamumunuan ng eskribano ang panimulang panalangin para sa kapatawaran ng kasalanan ng buong bayan. Ito ang taunang pampublikong pangungumipisal kung kailan ginagamit ang isang kambing bilang alay sa kanilang diyos.
Kinakailangang lumahok sa nasabing ritwal ang lahat ng mamamayan ng lungsod, simula sa edad na pito hanggang pitumput-pito. Ang mga wala na o wala pa sa edad ay hinahayaan na lamang na magsunog ng kamangyan at mag-alay ng isang dosenang itlog ng pugo sa templo. Ang mga magulang naman ang nag-aalay para sa kapatawaran ng kasalanan ng kanilang mga anak na hindi pa abot sa hustong gulang ng paglahok sa kumpisal ng bayan. Sa pag-usal ng mga dasal ng eskribano, lumakas ang ihip ng hangin at tinangay nito papasok ng bayan ang mga buhangin na nagmumula sa disyerto— dito nila itinataboy ang alay na hayop upang gumala at maligaw at sa kalauna’y inaasahang mamamatay sa gitna ng pag-iisa kasama ang kanilang mga kasalanan.
Pagkatapos ng dasal ng eskribano, unang lumapit ang hari sa kambing, na para sa ritwal na ito’y nagsuot ng sako ng abono at naglagay ng abo sa kanyang ulo. Pagkalapit ng hari, lumuhod ito sa harapan ng hayop na walang muwang na ang hari ng lungsod ang naninikluhod sa kanya. Pinigilan ng ilang kawal ang hayop na nababalisa sa kahit anumang nangyayari paggalaw.
Sa kaliwang tenga ng kambing, ibinulong ng hari ang kanyang mga kasalanan. Inabot ito ng limang minuto. Agad na tumayo ang hari pagkatapos ng pagbuyboy at nakayukong tinungo ang karwahe habang nakalagay ang kanyang kaliwang kamay sa kanyang dibdib. Sumunod naman ang reyna na para sa okasyong ito nagsuot ng itim na belo. Sa araw na ito, may ilan pang ginawang penitensya ng reyna. Napansin ng taumbayan na hindi ito nagsuot ng sapatos sa kabila ng balitang may isang silid ito na puno ng mga bulawan na sandalyas. Nang umagang iyon, nakayapak itong naglakad patungo sa kambing. Samantalang napansin din ng mga kawal na hindi gumamit ng anumang pabango ang reyna na balitang naliligo sa pinaghalong gatas, tubig mula sa natunaw na niyebe ng isang bundok na, katas ng mga rosas at iba pang mamahaling samyo na regalo sa kanya ng iba pang pinuno.
Katulad ng hari, ibinulong din ng reyna ang kanyang kasalanan. Kanang tenga ng kambing ang nakalaan para sa kanyang pangungumpisal. Inabot ng anim na minuto ang reyna. Ngunit sa totoo lang, tatlong minuto lamang siyang bumulong ng kanyang mga itinuturing na kasalanan. Halimbawa, ang pagkalimot niyang magsuklay at magsepilyo. Nagkunwari na lamang siyang nagbubuyboy hanggang sa makaabot ang anim na minuto. Nakakahiya kasi na lumabas na mas makasalanan ang hari kaysa sa kanya. May ilang kawal at ilang babaeng alalay ang nagsabing hindi raw sinabi ng reyna ang lahat ng kasalanan nito dahil dapat daw ay buong araw itong nakaluhod sa hindi kukulangin sa sampung kambing. Samantalang nag-aamoy alimuom na ang paligid. Ito raw ang amoy ng kasalanan ng kanilang mga pinuno.
Pagkatapos ng anim na minuto, tumayo ang reyna kasabay ng eskribano na siyang naghatid sa reyna patungo sa karhawe kung saan naghihintay ang haring nakayuko pa rin. Sa pagtapos ng pangungumpisal ng kanilang mga pinuno, ang taumbayan, ang mga kawal at ang babaeng alalay ng reyna ang sunod na magsasabi ng mga kasalanan. Ngunit hindi ito gagawing pabulong. Tanging ang mag-asawang pinuno lamang ang may karapatan na gawin ang nasabing akto sa ganoong pamamaraan.
Pakakawalan ng eskribano sa pagkakatali ang kambing at dahan-dahang isasatinig ng lahat ang kanilang iba’t ibang kasalanan, habang itinataboy ang kambing palabas sa kanilang bayan patungo sa disyerto. May mga magsisimulang magpukol ng bato sa kambing na sa ilang pangyayari’y nagmistula na ring bato ang hayop. Hindi na ito gumalaw kahit anong pilit na pagtataboy. Kayâ minsan, inisip na lamang nilang sunugin ito mula sa hawla. At itapon palabas ng lungsod. Mahalagang mailabas ang labí ng kambing. Hindi kailangang manatili ang kasalanan sa kanilang gwardyadong teritoryo.
Sa maraming pagkakataon, hindi na nakalabas pa ng buhay ang kambing sa bayan dahil nasasapol kaagad ito sa ulo. At katulad ng nakatakda, itinatapon na lamang ito sa disyerto. Noong nakaraang ritwal napatay kaagad ng isang kawal ang alay na kambing kahit hindi pa nauubos na sabihin ng marami sa taumbayan ang kanilang mga kasalanan. Balitang nakiniig sa asawa ng iba pang asawa ang kawal na iyon na ibinunton sa kambing ang galit nito sa kanyang karibal. May mga nagagalit kung namamatay kaagad ang kambing dahil nangangahulugan daw ito ng kamalasan para sa mga negosyo ng kaharian. Dahil hindi lahat ng kasalanan ay naipapasa sa hayop. Ngunit may mga natutuwa rin dahil maagang matatapos ang taunang suanoy na ritwal.
At dahil sa napakaraming, sabay-sabay na tinig ng mga kasalanan, wala ring naiintindihan ang dalawang pinunong nag-aabang sa mga kasalanan ng taumbayan. Lalo na ang haring nagbabalak sanang ilista ang mga kasalanan ng kanyang mga kawal at ang reyna naman sa kanyang mga babaeng alalay. Maging ang eskribano'y wala ring nauunawaan. Ito rin sana ang okasyon ng isa’t isa na malaman ang mga lihim ng kanilang nasasakupan, subalit wala ni isa man na kasalanan ang nakakalusot sa kanilang mga tengang hawig sa kambing.
Sa pagpapatuloy ng ritwal, isang napakalaking halimaw na umuungol mula sa kailaliman ng kuweba, isang baliw na unos, o sigaw ng lehiyon ng mga pinalayas na anghel ang nalilikhang tunog ng pinaghalu-halong tinig ng mga kasalanan. Samantalang kumakaripas naman sa takbo ang kambing palabas sa bayan, palayo sa mga makasalanan.
Kapag tuluyan nang nawala sa kanilang paningin ang kambing dahil sa palagay nila’y kinakain ito ng mga buhanging naghuhugis alon sa disyertong kasing lawak ng dagat— isa-isa nang magsisipag-uwian ang lahat papasok sa kanilang bayan. Buong araw silang mamamahinga at patuloy na mag-aayuno.
Habang sa gawing silangan ng disyerto, may isang bayan din ang nagsasagawa ng isang mahalagang ritwal. Isang liturhiya, isang paghihintay at pag-aabang, kung saan ang kambing ang pinapaniwalaan nilang sugo ng kanilang diyos. Sa bayang iyon, walang nakakatiyak kung saan nagmumula ang mga naliligaw na kambing na ito. Mga kambing na dumarating na hapong-hapo. Sugatan. Mga kambing na kailangang iligtas sa kamatayan. Hindi sa lahat ng kanilang pag-aabang, may dumarating na kambing kung kayâ ganoon na lamang ang kanilang pasasalamat sa pagkakataon na may marinig na tinig ng kambing o kaya’y makakita ng aninong gumagalaw at may sungay sa gitna ng disyerto. Kapag dumating ang kambing itinuturing nilang parang ang diyos ang bumisita sa kanila at dahil mula sa sugong ito’y kukunin nila ang gatas at keso, dalawang bagay na pinaniniwalaan nilang kaloob ng diyos, na nananahan sa pusod ng disyerto, sa pinagmamasdang kawalan.