Share |

Niche Magazines at Papuri sa Kapitalismo

Sa isang lektura, binanggit ng taga-Summit Media, industry leader sa magazine publishing, at kung tama ang aking nadinig, na ang market nito ay P4 bilyon kada taon, at lumalaki pa. Talo ng magazines ang pinagsamang kita ng pelikula at musika.

Hindi naman spekulasyon na ang pangunahing mabebentang magazines ay mga local franchise ng global na produkto, tulad ng Cosmopolitan, Playboy, Men's Health at Women's Health o lokal na adaptasyon nito, tulad ng Yes, Candy at Chalk. At kung gayon, malinaw din ang foregrounding ng isang global na (gitnang uring) pagkamamamayan-alam ang uso at may brand recognition, nakakapamili, may hangaring bumili, at mapabilang sa kumikitid na entrada sa konsumeristang mamamayan-sa nahuling yugto ng kapitalismo.

Sa halaga mula P100 hanggang P300, o sa pagbabasa nito sa mga sityo ng gitnang uring konsumpsyon (parlor, lounge sa opisina, klinika, coffee shop, at iba pa), dinidiin ang kosmopolitan na lifestyle na maghahatid sa mambabasa-nilalang sa pagkakamit ng gitnang uring fantasya. Ito ang bagong global na pagkamamayan na hatid ng magazines at ang pinakahuli nitong morphing: glossy, hindi mahalay (tulad ng naunang gay magazines), tadtad ng pahina ng advertising, at tampok ang ideal na pangangatawan ng kabataan: lean na maskulado (may "abs factor" bilang tampok na body part) sa kalalakihan, at payat na ideal sa kababaihan.

Nang minsan kailangan kong mag-ubos ng oras dahil maaga ako sa pagdating sa tagpuan, minabuti kong magparaos sa isang bookstore. Ayaw kong pumunta sana dahil kalakhan ng gusto kong buklatin ay nakabalot na sa plastik (na gitnang uring fantasya ng underclass dahil lahat ng bago't mamahaling gamit ay binabalutan ng plastik, tulad ng sala set, dining set, kutson ng kama, at iba pa). Pero ito o magkape na naman sa isang mamahaling kapihan?

Nagulat ako sa natagpuan ko sa magazine shelves. Di lamang mas dumami pa ang mainstream magazines, lumalawak na rin ang bilang ng "niche magazines" o lokal at tila subkultural na magazines para sa spesifikong mambabasa: Clavel Sneaker Mag para sa nangongolekta ng rubber shoes, Ketchup para sa bading at lesbiana, Adobo the world of advertising (na tunay na walang pagtatago sa kanyang cause for being), Monday corporate culture consumerism lifestyle, Contemporary art Philippines, at siempre Pulp para sa alternatibong musika.

Kapag flini-flip ang mga pahina, bukod sa klase ng advertising at tila edgy na laman, tila wala rin namang pinagkaiba maliban sa pagtataguyod ng niche na politika ng kasarian, sexualidad, preferensiya sa musika, sapatos at corporatism. Na itong mga niche na politika ay kaya rin namang ikeri ng advertising ay hindi naman din pagpapatamlay, bagkus pagpapasigla pa nga sa brands at mismong konsumerismo at kapitalismo.

Kapag ang major brands ng denims, tulad ng Lee halimbawa ay nag-a-advertise na rin sa Pulp, hindi ba ito ay vote-of-confidence na rin ng fashion na negosyo sa magazine publishing? Hindi ba't isinasaad nito na saleable na rin ang niche na politika dahil sa huli ay maari itong ikonvert bilang marketable na produkto para sa spesifikong mamimili?

Ang sinasaad na bisyon ng Summit Media ay ganito: "Every Summit product-every brand, every issue-must touch, inspire, and entertain those who spend their time and money on them. Ibig lang sabihin, value-for-money na ang ibinabayad ay katumbas ng binibili. At ang sinasaad din ay ang pagtutumbas ng pagbibili ng produkto bilang pagbibili ng isang brand, isang matagumpay na naratibong kaakibat ng pagbili sa produkto sa labis na halaga.