Share |

Pelikula at Relihiyosidad

MANILA - May afinidad ang pelikula at relihiyon. Ang partikularidad ng katangian ng pelikula sa iba pang media ay dalawang bagay: lumilikha ito ng ritualisado at personalisadong intimacy kada boluntaryong pagbabayad ng manonood. At ang pagbabayad natratransforma ang sweldo sa paggawa na ipinambayad sa pagdanas ng sine bilang kasiyahan o pagtransforma nito sa domeyn ng leisure.

One-time bigtime ang pagbili ng telebisyon, MP4 player o cellphone pero wala itong kahilingan ng dekorum tulad ng sine na nangangailangan ng gitnang uring pagbibihis, pagtse-check ng ugali sa mall na kinapapalooban ng maraming sine, at pinamamagitnaan ng iba pang ritual ng konsumerismo: malling, pagkain sa restaurant, pagkakape para matalakay ang merito ng pelikula, at iba pa.

Kahit pa buwanang nagbabayad ng cable, pwede pa ring nakatihaya habang nanonood ng palabas. Ang kautusan sa sine ay ito lamang ang tangkilikin ng limang senses dahil sa paglulunan sa manonood sa nakahilerang silyang magkakatabi pero hindi magkakakilala at kahit magkakakilala, hindi naman mahalaga sa pagpatay ng ilaw at pag-project ng higanteng imahen sa screen.

Tulad ng relihiyon, parang nagsisimba ang manonood para hanapin ang kanyang sarili. Ginagamit ang media at simba bilang filter sa pagproseso ng nilalang sa kanyang buhay. Nakikinig siya sa sermon, nanonood ng sine, at sa ilang tiyak na sandali, natutunghayan niya ang buhay sa banal na pananalita ni Hesus o ni Robert Pattinson.

Nawawalay ang sarili sa individual, nagkakaroon ito ng identifikasyon sa mga tauhan at inaalok ng kanyang tinatangkilik na sine. Ito ang sinasabing "dreamlike" na nananaginip siyang ang lahat ng kanyang natutunghayan ay ukol sa kanya. Siya ang bampira at werewolf sa Twilight, ang mananakop at sinakop sa Avatar, o ang ina (Sharon Cuneta) at anak (Heart Evangelista) sa Mano Po 6. Hindi ba't ganito rin ang panaginip: ikaw ang tumatakbo, nanghahabol, nananakot, tinatakot, ang bangin, ere at pangamba?

At kung magpakaganito, ang pagbubukas ng subhetibismo ng sarili ay parang pangungumpisal. Inaako mo ang lahat bilang bahagi ng iyong kasalanan at salbasyon, makasalanang kamunduhan at sagradong kaluwalhatian. Tulad ng pangungumpisal, ang panonood ng sarili ay pagbubukas ng loob para makakuha ng temporal na katubusan.

Inilalahad sa kumpisal ang naratibo ng kulang at labis para mapunan ito sa metapisikal na antas, at magkaroon ng pagbabalik-loob na muling makakapamuhay sa manonood. Ito ang relihiyosidad ng simbahan, kahit pa halata naman ang iba pang paralelismo: mas matayog na ideal ng ikonikong nilalang (diyos, santo't santa, artista), camp (damit ni Birheng Maria, sado-masokistang postura ng nakapakong Hesus, werewolf na palahubad ng matipunong katawan, muli't muling pagkabuhay ng Panday), bite-size na mensahe sa ritual gayong sinasaligan ang pangkalahatang katotohanan.

At tulad din ng sine, ang ritual ng panonood at ang transformasyon ng paggawa bilang katawang pagkakakitaan ng kapitalista at gobyerno (mall owner, fastfood, producer, MTRCB, MMDA, lokal na pamahalaan, at iba pa) ay siya ring tinutumbok ng simbahan. Kada Katolikong ritual, may bayad. Pero sa simbahan, ang donasyon ay hindi nakatakda, sa panonood ng sine ito ay fixed na.