Share |

Panigan Ang Buhay, Tanggihan Ang RH Bill

Liham Pastoral ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas

Aming mga kapatid na Pilipino,

Pinahahalagahan ng Estado ang dangal ng bawa’t tao at tinataguyod ang ganap na paggalang sa karapatang pantao (Art II, Seksyon 11). Kinikilala ng Estado ang kabanalan ng buhay pampamilya at ipagtatanggol at palalakasin ang pamilya bilang isang batayang institusyong panlipunan na may karapatang itaguyod ang sarili. Ipagsasanggalang din nito ang buhay ng ina at ang buhay ng di pa isinisilang mula nang ito ay ipaglihi (Art II, Seksyon 12).

Bakit itong Liham Pastoral?

Nagsimula tayo sa paghalaw mula sa Saligang Batas ng Pilipinas. Ginawa namin ito dahil nilalayon naming gawin ang sulat na ito batay sa saligang pinahahalagahan at mga hangarin ng sambayanang Pilipino at hindi batay sa mga katuruan ng Simbahang Katoliko lamang.

Bilang isang bansa tayo ay nasa sangandaan. Hinaharap natin ang ilang bersyon ng isang panukalang batas, ang Reproductive Health Bill o ang pinagandang Responsible Parenthood Bill. Ang panukalang batas na ito, sa lahat ng bersyon, ay humahamon sa atin na gumawa ng isang pasyang moral: piliin ang buhay o piliin ang kamatayan.

Sa pasimula, pinasasalamatan namin ang pamahalaan sa pagkakaloob ng  pagkakataon na ipahayag ang aming mga pananaw sa isang mahinahong talakayan. Subali’t lumabas sa aming talakayan kung gaanong magkalayo ang aming mga paninindigan. Kaya nga, sa halip na magkaroon ng mga maling inaasahan, ibig naming liwanagin ngayon ang aming mga tinututulan at ang aming mga pinaninindigan.

Kapasyahang Moral sa Sangandaan – Sa EDSA I at Ngayon

Dalawampu’t limang taon na ang nakararaan (1986) gumawa kaming mga Obispong Katoliko ng isang moral na paghatol tungkol sa pamunuan sa politika. Sa pamamagitan ng pahayag na iyon, naniniwala kaming nakatulong kami sa isang makabuluhang paraan na pagbibigay daan sa EDSA I at wastong pamumuno sa politika.

Ngayon nasa isang bagong sangandaan tayo sa kasaysayan ng ating bansa. At kailangan nating gumawa ngyayon ng kahalintulad na pagpapasyang moral. Pinukaw ng ating Pangulo ang bansa sa kanyang sigaw noong halalan, “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Bilang mga namumuno sa larangan ng relihiyon, naniniwala kaming  may higit na uri ng katiwalian, walang iba kundi ang katiwalian sa moralidad, na siyang tunay na ugat ng lahat ng katiwalian. Sa hinaharap nating usapin, isang katiwaliang moral ang ipagwalambahala ang mga kinalamang moral ng RH Bill.

Ito ang aming nagkakaisang paghatol na moral: Mariin naming tinututulan ang RH Bill.

Sama-samang Pinahahalagahan sa ating Pagkatao at Kalinangan (Kultura) –

Dalawang Batayang Paninindigan