Share |

Mula Anak (F. Aguilar) Tungong Baby (J. Beiber): Humanidades at Kritikal na Pag-iisip

Nagbabago ang texto at kontexto ng humanidades. Pero hindi nagbabago ang layon o misyon nito: humanidades ang substansya ng pagkatao, ang bumubuo at bumubuhay sa tao lampas sa batayang pangangailangan. Sa maikling presentasyon, tatalakayin ko ang potensyal ng humanidades sa higit pang pagbubukas ng kaisipan tungo sa mapagpalayang pagkilos, hindi lamang sa formasyon ng manunulat at artista kundi sa formasyon ng mapagpalayang mamamayan.

Noong 1977, sumali ang folk singer na si Freddie Aguilar sa Metro Pop Song Festival, inawit ang "Anak," ukol sa mito ng prodigal son na siya namang autobiograpikal na kwento ng mang-aawit. Lumayas sa pamilya si Freddie, di tinapos ang pag-aaral noong 18 taon gulang siya, nag-asawa nang maaga; at matapos, pinagsisihan ang lahat. May resonance ang awit sa logos ng diktaduryang Marcos, ang pagbabalik-loob sa magulang, ang pagrealisa ng pagkakamali at higit sa lahat, ang pagsisisi ng anak.

Magiging pinakamatumpay na OPM (original Pilipino music) ang "Anak." Magiging hit sa 56 na bansa at masasalin sa 26 na wika. Ayon sa Billboard Magazine, ito raw ay isa sa dalawang world hits noong 1980s, at hanggang 2006, hindi pa nalalampasan ang benta nito sa kasaysayan ng musika sa bansa.

Hindi nanalo sa Metro Pop ang "Anak." Anti-establisyimento ang husga ng hurado, hindi pa sa laman kundi sa figura ng mang-aawit. Nang ideklara ang martial law, ang lahat ng lalaking may mahabang buhok, kung hindi pa voluntaryong ginawa, ay ginugupitan sa publikong mga lugar ng mga pulis at konstabularyo. Shame campaign kumbaga, kasama ng pagkukutya sa mga babaeng naka-miniskirt at pagbunot ng damo sa mga nahuli sa curfew.

Ang kakatwa, ang bersyon ni Aguilar ng "Bayan Ko," ang magiging anthem ng anti-Marcos na kampanya noong 1980s ang siyang magiging pinakapopular. Slaying of the father ito, at ang prodigal son ay hindi na prodigal at mapangsisi ngayon.

Humanidades ang siwang sa pag-unawa ng substansya ng pagkataong di lubos na napapaalinsunod sa namamayaning kalakaran. Ang papel ng humanidades ay dalawang bagay: una, ang lokasyon ng human at humane na konseptong binabagayan sa lahat ng kultura sa lahat ng panahon, ang transkultural at transhistorikal na siyang nananatili kung bakit tayo tao, makatao at may pakikipagkapwa-tao; ikalawa, ang self-referentiality ng una na siyang magmamarka ng sityo ng di-lubos na pagsunod at kung gayon, ng subersibong potensyal sa humanistikong kalakaran.

Para itong eksena sa pagkakataong napaupo tayo sa salaming bintana ng McDonald's o Jollibee, habang kalalapag ng Quarter pounder meal, halimbawa, may gusgusing paslit na namamalimos sa kabilang panig ng salamin. Ito ang sityo ng kawalan-katarungan: ang mayroon at wala sa lipunang Filipino. Paano makakain ang Quarter pounder meal? Ang humanistikong tendensiya ay ibigay ang Quarter pounder meal, kundi man ang matira o ang inuming kasama nito, sa paslit. O kumain na may mindset na invisible ang paslit. Kahit anuman ang desisyon, may kulang sa eksena: at itong kulang ang siyang nagdidikta kung bakit hindi tayo lubos na tao at makatao.

Ang "Baby" naman ng Canadian na mang-aawit na si Justin Bieber ay tungkol sa juvenile love, kung sila na nga ba o sila pa ba ng kanyang true love sa edad na 13. Ito ay magiging pinakamaraming views sa Youtube, may 250,000,000 hits ito na pinakamalaki sa kasaysayan ng viral media. Si Charice Pempengco ay kakantahin ito at malalagay din sa Youtube noong Mayo 2010. Ang mga preso sa Cebu ay isasayaw ito ng Agosto 2010.

Sa katunayan, wala pang true love si Bieber, hindi pa ito nagkaka-gf (girlfriend). Lahat ito ay guni-guni lamang niya na pinaniwalaan ng milyon-milyong tagahanga. Ang teen at pre-teen girl niche markets ay isa sa pinakamalaki sa First World. Kaya rin hindi kakatwa na salat sa karanasan ang singer at kanyang tagahanga, at kung gayon, nabubuhay sa mundo ng isang imahinaryo ng pagnanasa: kung ano ang gustong maging, kung ano ang dapat na mangyari na may dalawang imperatibo-una, may pinaniniwalaang ahensya na itong teeny bopper generation, at ikalawa, may pagtanggap na sila sa postmodernong global na mundong malinaw ang panuntunan ng teeny bopper generation.

Nabubuyanyang sa humanidades ang limitasyon nito: na nakakapagbigay ito ng ahensya at rasyonal kahit wala naman talaga, at may tasitong pagtanggap sa panuntunan ng texto at kontextong tinatalakay. Kaya kailangang ipaloob ang pangatlong papel ng humanidades: ang kritikal nitong pag-iisip lampas sa humanistikong panuntunan. Kung babalikan natin ang example sa Quarter pounder meal, tunay namang humanistikong dilemma ito: wala tayong matatanggap, at ang ahensya ng gitnang uring kumakain ang magdidikta ng pagsasara at paghuhusga sa kanyang piniling gawin. End of discussion.

Pero kung susuriin ang eksena na may kritikal na pagbasa, na nakaugnay sa lipunan at kasaysayan, ng espasyo at panahon, may matalas itong sinasaad ukol sa kalidad o kawalan nito sa kontemporaryong pagkatao. Na paano sa eksena ng matinding panlipunang karahasan, ang gitnang uri ay papanig sa kanyang pagiging gitnang uri, na magkakaroon ng mas mataas na valuasyon ang paglikha ng invisibilidad sa paslit, makakain na parang wala ito, at ang kahalintulad na pagbura sa historikal para paboran ang imahinaryo ng pagiging gitnang uri, pati ang entitlement at karapatang kaalinsunod nito.

Pangunahing nagagawa ito ng humanidades. At hindi para lumikha ng kultura ng pagtanggap o tolerance dahil ang mismong konsepto nito ay nagsasaad na may nagdidikta pa rin kung ano ang katanggap-tanggap. Ito yung nagsasabi na "may isa o dalawa ka lamang mamulat sa pag-iisip sa klase ay sulit na ang pagtuturo" dahil natatanggap ng guro na ang hindi katanggap-tanggap na pagkaunawa sa humanidades ay katanggap-tanggap din. Antitetikal ang pagtanggap sa kritikal na ideya ng humanidades na ang punto ay kwestyunin, huwag i-keri ang konsepto at karanasan. Na hanggang hindi nawawala ang dilemma ng sarili at kapwa-tao, walang human at humane na kalakaran.

Kaya natutuwa akong nasa larangan ako ng humanidades. Ang babasahin ay lunduyan lamang ng talakayan ng nauna't kasalukuyang kaganapan sa kasaysayan, lipunan at modernidad, ng iba pang babasahin at iba pang pagkaunawa sa espasyo, panahon at pagkatao. Sa kondisyon ng Pilipinas, makauri ang tampok na dalumat ng karanasang humanidades, kung bakit hindi lubos na nagtatagumpay ang pagiging tao at makatao sa lipunang ito. May historikal na batayan kung bakit nananatiling said sa katarungan at kalayaan ang bansang ito, at dawit at accountable ang mismong guro at estudyante sa historikal na komplisidad.

Ang papel ng kritikal na humanidades ay hindi gawing ordinaryo ang karanasan, ikumplikado ito, ipaliwanag kung bakit ang un-pleasure ay mas mapagpasya, na hindi na lubos na mag-enjoy ang estudyante sa panonood ng sine o DVD, pagbasa ng graphic novel, pag-surf sa internet, o pag-download ng musika.

Sa rap section ng "Baby," sinabing: "When I was 13, I had my first love/ There was nobody that compared to my baby[...]/ She had me going crazy, oh I was starstruck/ She woke me up daily, don't need no Starbucks[...]/ And now my heart is breakin' but I just keep on sayin'/ Baby, baby, baby, oh[....]" Sa humanidades, hindi bine-beybi ang karanasan, ang kontraryong historikal at panlipunan ay ina-anak nito.