Share |

Glee at ang Gitnang Uring Buhay Bilang Musical

Sa isang forum, dahil puro high school ang mga estudyanteng nakikinig, humugot ako ng isang baraha para ipasok sila sa diskusyon. Tinalakay ko ang opening episode ng second season ng "Glee." Kapapalabas pa lang nito, at siempre ay hit dahil nga si Charice Pempengco ang kasama rito. Sa nakaraang gabi lang ito pinalabas, pero marami na ang nakapanood nito.

Ang pangunahing atraksyon ng "Glee" ay ang pagpasok ng musical na anyo sa telebisyon. Ibig sabihin, tulad ng film genre, bigla na lang sa matinding hapis ng emosyon, kakanta at sasayaw ang mga bida at iba pang tauhan. Mawawala sila sa sarili nilang mundo at tutungo sa mundo ng introspeksyon at pagpapaliwanag ng kanilang dinaranas.

Siempre ay thought balloon lang ito. Sa utak lang nila nagaganap ang mga bagay-bagay. Dahil sa utak nila, sila ang bida, ang sentro ng mundo kundi man ng unibersong sa tunay ay nagkakait sa kanila ng kaligayahan. Kaya nga "L" sa itaas ng noo, na sa unang panahon ni Ninoy at Cory Aquino ay ibig sabihin, "Laban," pero sa "Glee," ito ay simpleng "loser" o sa makulay na salitang bading, Lucila Lalu, Luz Valdez, Arturo Luz, Luzviminda, at iba pa.

Hindi naman hiwalay ang sandaling "Glee" sa pagkaunlad ng teknolohiya ng mobile music players, MP3 at ngayon ay MP4, at ang pinakanakakapagpalaway na ehemplo, ang I-pod player. Dati ito ay Walkman na cassette ang naglalaman ng musika, naging Diskman nang mauso ang CD format, at sa edad ng computer at internet compatibility, ito na ngang MP4 player.

Higit na interaktibo ang tunguhin ng pagkaunlad na nagpapaunlad din ng nosyon ng individual na ahensya. Ang individual ang pumili at bumibili ng hardware, siya ang maglalagay ng playlist batay sa musikang gusto niyang mapakinggan, siya ang makikinig sa sandaling may pagnanasang magsarili, humiwalay sa aktwal na mundo. "Tune-off" mode, huwag mo akong salingin, este kausapin dahil nga nakikinig ang sarili sa sariling playlist.

Distansya sa aktwal na realidad, pasok sa intimate na realidad na fantasya ng sarili-ako, ako, puro na lang ako (hindi maysala, kundi ang bida ng uniberso ng musika at metapisika ng pagpili at resepsyon nito). Segue-way sa "Glee" at ang visualisasyon nitong narsisistikong fantasya ng sarili. Mash-up mode o ang pagsasama ng dalawang di naman lubos na magkatugmang melodya pero makatugmang tematiko ng awit, at ang sarili ay naisasabuhay.

Hindi nga ba ito ang ethos ng pangunahing karakter na pabidang si Rachelle Berry na kahit nga siya loser sa kanyang social skills at mundo, siya naman ay nagiging bida sa pamamagitan ng kanyang lead role sa Glee Club. Kada awit niya-formal sa entablado at informal sa hallways at iba pang sityo ng kanyang pagdarahop-ay natratransforma ang loser para maging winna (winner).

Ang nangyayari sa ganitong transformasyon ay ang mismong fantasmagorikong transformasyon ng manonood: double-detachment sa double-attachment. Detachment dahil nga hindi naman siya ang aktwal na karakter sa "Glee" na namamantasya rin ng kanilang pagkabaklas sa sariling mga mundo. Attachment dahil ipinapakat ng manonood ang kanyang sariling fantasya (aksesorya ng sarili) sa fantasya ng mismong karakter (dobleng-fantasya dahil nga ang parehong tauhan at ang kanyang alter-ego ay hindi naman tunay kundi imahen lamang sa telebiswal na mundo).

Ang detachment-attachment ay hindi naman hiwalay sa uri ng identifikasyon ipinapahiwatig, primaryo sa noontime gameshows at iba pang genre sa telebisyon-mula "Wish Ko Lang" hanggang sa mga medikal na palabas-na nakabatay sa pag-ani ng bulto ng tematiko ng kahirapan ng mga tunay na taong nanghihingi ng tulong, at ang debosyon ng mga manonood nito. Napaghandaan na ng telebisyon sa Pilipinas ang pagkatagumpay ng "Glee" bagamat sa ibang demograpiko-may pinag-aralan, may panlipunan at intelektwal na kapital, at may cable at internet-akses na kabataan.