Share |

Pag-Aalaala at Paggunita sa Setyembre 21, 1972

Sa ika-38 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law

Sa mga nakakatanda, "Where were you nang ideklara ang martial law noong Setyembre 21, 1972?" Naalaala ko ang araw na ito, ominous na araw. Wala namang malakas na bagyo pero walang pasok. Higit na kakatwa na wala ring palabas sa telebisyon. Puro alitaptap lang, wala pa ang colored bars dahil hindi pa uso ang colored TV nang mga panahong ito. At ng mga bandang hapon, biglang lumabas ang makapangyarihang imahen ni Pangulong Marcos, medium shot, nakaupo sa Malacanang, may mesa sa harapan, nanduduro at nanlilisik, kalmante binabanggit na ibinaba na niya ang kautusang nagdedeklara ng martial law sa buong bansa.

Sa mga batang hindi inabot ang martial law, ang inyong alaala ng martial law ay sa pamamagitan ng ilang pagbanggit sa libro ng kasaysayan, pagpanood ng deklarasyon sa Youtube o kwentong parang Lola Basyang. Pero higit sa lahat, ang kolektibong alaala sa mga henerayon ay prinipreserba ng pagpupursigi ng diyaryo at media, ang tinatawag na "mosquito press" dahil sa paglikha ng matinding iritasyon ng pagbabalita laban sa Marcoses, at ilang dokumentaryo hinggil sa martial law at diktaduryang Marcos sa post-Marcos dictatorship era. Samakatuwid, nasa kasaysayan ng alternative press ang daluyan kung bakit hindi natin nakakalimutan ang kondisyon ng panunupil, posibilidad at paglaya sa ilalim ng isang diktadurya.

Kung hindi, paano aalalahanin ang mga bagay at kaganapang hindi naman dinanas? Paano aakuin ang etikong katotohanan (ethical truth) ukol sa mga traumatikong karanasan, tulad ng batas militar, rehimeng Arroyo, politikal na pagpaslang, at pagpatay sa peryodista, lalo pa't ang traumatikong karanasan ay nanatili pa ring bukal ng trauma at paranoia? Hindi naman nawala ang kondisyon ng panunupil sa batas militar, o ang Marcoses, ang fasismo ng estado, at ang nagpapalit nitong mukha batay sa kung sino ang katanggap-tanggap mag-pilgrimage sa Washington, D.C. sa unang mga buwan ng kanilang pagkahalal sa pagkapangulo. Nananalaytay pa rin ang kondisyon ng martial law, at ang kakatwa rito, hindi naman kailangan ng formal na deklarasyon. Sa maraming pagkakataon ng buhay ng bansa, ito ay de facto martial law.

Simula 1986 hanggang sa kasalukuyan, halimbawa, may 165 na peryodista ang pinaslang sa bansa. Isa kaagad sa ilang mga araw pa lamang ng pag-upo ni Aquino. May sariling buhay ang aparato ng fasismo, walang kinikilalang transisyon o honeymoon period. Patuloy pa rin ang politikal na pagpaslang at iligal na detensyon. Patuloy pa ring nakalagak sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan ang Morong 43. May template na ang fasismo ng estado, at itong template ay pangunahing hinalaw sa arkitektoniko ng martial law. Lubos na makapangyarihan itong template ng panunupil na pati ang mga pangulo at bagong administrasyon ay napapa-oo na lamang, napapasunod sa higit pang intensifikasyon ng paglupig sa karapatang pantao dahil ito ay karapatang pantao ng mga aktibista at politikal na nilalang. Ang partisanship ng peryodista-lalo na ang radio broadcasters-ang nagluluwal na kumbiksyon na tulad ng aktibista, ito ay mapanganib sa estado. At kung mapanganib, tulad ng mikrobyo sa komersyal para sa alcohol ni Maricel Soriano, ito ay hindi binebeybi kundi pinapatay.