Share |

Ang Mahal na Birhen ng Pagsalat

Huling Bahagi

Isang kabalintunaang kailangang tingnan sa debosyong Penafrancia ang matinding pangangailangang masalat ang imahen ng Birhen. Kailangang may panghawakan dahil umiinog lamang ang buong selebrasyon sa Ina sa dalawang mahalagang pagdaloy: ang paglipat at ang pagbabalik, ang Traslacion at ang Sakay sa ilog. Mayaman sa simbolohikal na pagpakahulugan ang nasabing debosyon sa Ina na kung matutukoy lamang ng mga Bikolnon, maaninag nila ang kanilang nakaraan at ang mga di-mawaring hamon ng hinaharap. Kung matuklasan at maunawaan na ito ng marami sa mga deboto, higit nilang makikita na ang tunay na kahulugan ng debosyon sa Ina ay paggawad ng tingin sa iprinuprusisyon ding Divino Rostro.

Bata pa ako noon nang una kong masaksihan ang prusisyon sa ilog. Maaga pa lamang ay lumisan na kami sa aming bahay, upang maglakbay ng isang oras patungo sa Naga. Sakay kami ng inupahang dyip, kaming magkakamag-anak at ilan pang mga kinumbidang kapitbahay. Tamang-tama ang dating namin, nagsisimula pa lamang ang misa at may garahe pa kaming nakuha sa loob ng seminaryong malapit sa katedral. May bayad ang parking lot dahil nakita kong nag-abot ang tiyo ko ng pera sa security guard. Mula sa katedral, kahit hindi pa naigagawad ang huling basbas ng pari ay nagsimula na kaming bagtasin ang daan patungo sa malapit na tulay, sa may Colgante, kung saan nangyari ang malagim na trahedya noong 1972, ilang araw bago tuluyang ideklara ang Batas Militar. Ilang oras ang ginawa naming paghihintay sa pagdaan ng pagoda ni Inâ. Habang naghihintay, nang-aakit naman ang mga kalembang ng mga sorbetero sa paligid habang may isang booth ng Pepsi ang may napakamalaking megaphone kung saan lumalabas ang mga dasal: ang mga misteryo ng santo rosaryo. May mga lobong napakawalan kung kaya paminsan-minsan may umiiyak na bata at may nagmumurang matanda. May naglalako ng panyo, pamaypay at may mga naka-unipormeng nagroronda sa Colgante, samantalang nakahanda naman ang isang ambulansya.

Matapos ang ilang oras na paghihintay sa ilalim ng araw ay nagsimula ng magsigawan ang mga tao na parang may parating na artista, parang dumalaw si Nora Aunor, paglalarawan ng isa kong tiya. Inilabas ng mga taong naghihintay sa tulay ang kanilang mga puting panyo. Iwinagayway, parang akto ng pagsuko. Habang nag-ayos ng kanilang puwesto ang mga nasa tulay at ang mga nasa pampang ng ilog. Naglabas ng mga sagradong bagay na pinaniniwaalang magkakaroon ng pagbasbas sa pagdaan ng birhen. Sa may pampang at sa tulay, nakahilera ang mga pula at puting kandilang may sindi, paminsan-minsan, sa isang nagmamadaling sandali, maaninag ang kanilang mga liyab sa rabaw ng malabnaw na tubig ng ilog. Nakapuwesto ako noon sa isang bahagi ng tulay kung saan tila binigyan ako ng pagkakataong makita at marinig ang lahat sa aking paligid. Ilang minuto pa'y mas lalong lumakas ang hiyaw, iba't ibang tinig subalit tila iisa ang sinisigaw, Viva La Virgen! Viva Patrona kan Kabikolan! Pagbubunyi sa birheng ina na napapalibutan pa rin ng mga boyadores at saserdotes sa kanyang pagodang hila-hila ng mga bangkeros. Kinakanta ang himno opiysal-ang Resuene Vibrante, sa Kastila ang koro samantalang ang mga berso ay sa Bikol.