Maliban sa Endo (2007) na ukol sa kabataang subkontrakwal na manggagawa at sa My Fake American Accent (2008), walang presensya ang paggawa sa maigsing kasaysayan ng Cinemalaya. At ngayong iniisip ko, tila wala rin namang substansyal na papel ang paggawa sa indie film movement sa kabuuan.
Ang usapin ng paggawa at manggagawa, at ng anakpawis ay may makauring batayang kalikasan: sinisiwalat nito ang panlipunang relasyon ng may ekonomikong kapangyarihan at wala. Sa usaping uri, ang diegesis (mundo sa loob ng pelikula) na inaasahang sumaklaw sa buhay ng manggagawa at kapitalista, halimbawa, ay ang estado: ang kuntsabahan ng malalaking negosyo na nakakapanghatak sa manggagawa na gumawa sa pinakamatipid na sweldo at pinakamarahas na kondisyon ng paggawa, at ng gobyerno na nag-aalay ng kanyang mamamayan-sa kalakarang tinatawag ni Foucault na "docile bodies" o minangmang na pangangatawan-sa poder ng negosyo.
Kung titignan ang pelikula at media bilang kabahagi ng negosyo, kasama ang mga aparatong ito sa paghaltak ng mamamayan para maging docile leisuring bodies-na ang panonood ng pelikula at iba pang pagtangkilik sa kulturang popular na binabayaran ay nagiging isang kasiya-siyang aktibidad, depolisado sa anumang nosyon ng paggawa at politikang kalahok nito.
Sa mga teleserye, halimbawa, walang nagtratrabaho. Bigla na lamang sa Agua Vendita ay may mayaman at mahirap, pero walang batayang nagtratrabaho sa kalakarang alam natin: walong oras kada araw, maliit na sweldo, may pamilyang pinapakain, walang panahon at kakayahan para sa aktibidad ng libangan. Naka-built in na ang politikal na sistema ng isang maliit na bayan, tulad sa May Bukas Pa, at sa suspension of disbelief na inaasahan sa manonood, mayroon nang mayor, hipokritong mayayaman, mabubuting mahihirap, pari, baliw, at santong musmos.
Sa mga romantikong comedy ng Star Cinema, kahit pa nasa advertising at events management agency sina Sarah Jane Geronimo at John Lloyd Cruz, ito lamang ay para magsaad ng diegesis ng naratibo ng pelikula: ang paglikha ng mundong iinugan ng love story. Walang exploitasyon isinasaad, walang naapi, walang nang-aapi dahil sa katapusan ng pelikula, tanging ang individualistang humanidad at inaasahang resolusyon-ang happy ending-ang siyang mananaig.
Kung gayon, walang sistematikong paglalantad ng makauring relasyong umiinog sa diegesis. Walang karahasan maliban sa pangdedeadma ng uptight na lalakeng boss na magto-torment sa masipag at bibong babaeng subordinate. At kahit mag-show of hands tayo, ilan ang kilala ninyong mayaman na bosing na pinakasalan ang bibong subordinate? Pero ito ang gustong ending na tunghayan ng manonood.
Hindi ang "Lino Brocka mode" ng realismong makauring relasyon sa pelikula: kung bakit ang isang wanna-be na guardya ay may kahandaang umako ng kasalanan ng kanyang boss o ang mega-fan na willing din na magpakaalipin sa isang wanna-be na artistang hindi sisikat. Hindi rin ito ang "Ishmael Bernal mode" na ang double-burden ng babae bilang housewife at working woman ay sumasagka sa relasyon sa asawa o ang love triangle ng isang lalakeng journalist, isang babaeng botanist, at isa pang spoiled brat.
Sa madaling salita, ang makauring katangian ng lipunan-kasama ang integral na subtansya ng paggawa, lumpeniko man tulad ng walang sweldong fan na handang magpakaalipin sa artistang walang pag-asang sumikat, o manggagawa tulad sa Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1985) na nag-eeskirol at nang magipit ay hinostage ang may-ari ng pabrikang pinagtratrabahuan, o white collar na profesyunal na nagdudulot ng ambivalence sa paninidigan sa pag-ibig at buhay-ay angkop na nailalantad bilang mahalagang sangkap sa naratibo ng pelikula.