Wangwang imbis na sirena, na malamang ay halaw sa mitikal na nakakapanghalinang tinig ng kalahating-isda, kalahating-tao na nilalang. Sa panahon ng Griyego, inaakalang nakakapagpatulog ito ng mga manlalakbay-dagat na kalalakihan para iligaw sila at hindi na makauwi sa kanilang kinalakihang bayan. Sa epikong Illiad ni Homer, naglalagay ang mga lalake ng wax ng kandila para takpan ang kanilang teinga at hindi makatulog.
Kung sa Ibong Adarna, ang nakakapanghalinang awit ay nakapagpatulog sa mga prinsipeng madungis ang kalooban para maiputan sila at gawing bato, ang sirena ay hindi permanente ang epekto sa pangangatawan kundi sa lokasyon ng katawan sa kanilang bayan. Ang rekurso sa epikong Filipino ay maghiwa ng balat at patakan ng kalamansi-ang asim at hapdi kapalit ng pagiging bato, tulad ng epekto ng titig ni Medussa.
Ang wangwang ay isang onomatopoeia, na ang salita ay halaw sa mismong tunog. May pagka-infantile ang pagbuo nitong salita dahil may pananalig na ang kahulugan ay matutunghayan sa mismong karanasan sa salita. Pavlov's dog lamang o ang pagdanas ng kaalaman batay sa repetisyon sa karanasan, at sa kalaunan dahil artifisyal lang naman ang konstruksyon, hindi na matatanggap ang arbitraryong kawalan-pagtalaga sa operasyon ng salita.
Hindi matatanggap na ang 5.0 ay pasado o ang kablag ay marahang pagbagsak. At ito naman ang operasyon ng pagpapakahulugan sa mga salita, ang sapilitang pagdulog ng kalapitan at kaisahan ng salita at imahen sa kanilang mga kahulugan. Kaya ang wangwang ay nagiging inaasahang tunog sa mga sasakyang may awtoridad na bumili ng sirena, patugtugin ang sirena, at umastang sasakyang may sirena: nagmamadali't pwedeng mag-overspeed, pwedeng humawan ng ibang sasakyan, may entourage, may kapangyarihan.
Ang gesture ni President Noynoy Aquino na hindi gumamit ng wangwang at magdusa, tulad ng ibang regular na nasa sasakyan ay tila isang pagpapakumbaba at pagtiwalag sa astang kapangyarihan. Pero ito ay isang fallacy lamang-dahil katawan ng presidente at kapangyarihang pambansa ang nasa sasakyan, kahit pa walang wangwang, may absolutong kapangyarihan sa bansa ito.
At ito ang bagong saklaw ng kapangyarihan ni Aquino, ang piliing huwag itong gamitin. Parang ang astang mayaman, pwede itong mag-integration, makisalumuha sa mahihirap at ang komunidad nito dahil pinili niyang makibahagi-hindi ni-require sa klase o naitalagang programa. Ang resulta nito ay ang magnanimidad (magnanimity) ng kapangyarihan. Piniling hindi umastang nakakaangat at nakakalamang sa mismong komunidad na sistemikong nagdusa dahil sa paghahari ng pribilehiyadong uri.
Magnanimous pero hindi naman aktwal na nababago ang kapangyarihan. Dapat ganito, kung ikukumpara nga naman kahit sa First World na kapangyarihan. Kaya hindi rin arbitraryo ito dahil pinili itong gawin (o hindi gawin) ng pinakamakapangyarihang katawan at awtoridad sa bansa. Tunay pa nga itong subhetibo dahil tanging ang subhetong katawan ng presidente ang makakagawa nito.
Kaya parang may lifestyle check na nagaganap sa mga may kapangyarihang mas mababa sa presidente, sila man ay kinukumpiska ang kanilang wangwang sa sasakyan. Marami pa rin ang hindi magtatanggal ng wangwang sa kanilang mga sasakyan dahil nga subhetibo ito. Maaring maiba ang ihip ng hangin, tunay na nagmamadali ang presidente dahil nahuli sa biyahe mula sa Times Street patungong Malacanang, at maaring ma-tempt itong gamitin-kahit minsanan man lang-ang kanyang wangwang. O ang susunod na presidente, ayaw nang mag-antay sa trafiko at ibalik itong wangwang.