Ang Piniling Messiah

Saturday, May 15th, 2010
Feature
Mabigat ang atas kay Noynoy bilang presidente. Ipinakete kasi nito ang sarili bilang messiah, at kung gayon, ang bigat ng kanyang pinapasan sa susunod na anim na taon. Hindi ito hiwalay sa packaging ng kanyang amang Ninoy bilang oposisyonal na katubusan kay Marcos, at inang Cory bilang "exact opposite" ni Marcos.

Sa unang komersyal na ginawa ni Noynoy (di nga ba't puro palayaw lang ang pagkilala natin sa mga Aquino bilang familiar pero nakakaangat na nilalang?), malinaw ang pagsasaad ng pagiging liwanag sa kadiliman: Ang sabjek ng kanyang komersyal [2] ay kolektibong pagbabago, sama-samang tanglaw ng kanya-kanyang sulo ang pagtunghay sa liwanag, primaryong isinasaad ni Noynoy, at sekundaryo ang kinabukasan ng pagbabanhuhay.

Ang objek ng kanyang komersyal ay ang masa at showbiz, na higit na nakakaangat ang personalidad ng huli kaysa una. Dilawan ang lahat, maliban sa natatanging isa (si Kris, ang showbiz na kapatid) na nakaluksang itim. MTV-anthem ang modalidad ng paglalahad ng mensahe. Sulo ang tampok na imahen ng pagtanglaw ng liwanag laban sa imahinaryo ng kadiliman, na nakasadlak sa pre-modernong espasyo: gubat, dilim, kapanglawan ng paligid. Ang tagline ang recyclable na "Hindi ka nag-iisa."

Si Manny Villar [3] naman ay pumapaksa sa tema ng kahirapan, gamit ang primaryong objek ang mahihirap na bata sa pagmumunod nitong alamat ng kahirapan. Rap na jingle, pinakapopular sa kanyang repertoire sa eleksyon, ang gamit dito. Tunay na imahen ng kahirapan, batang mahihirap, espasyo ng kahirapan ang nagpapasaad ng pagka-otentitikong naratibo ni kahirapan ni Villar. Na hindi hiwalay sa tagline, "Si Manny Villa rang magtatapos ng kahirapan."

Si Gilbert Teodoro [4] ay naglalahad ng tema ng alituntunin para sa buhay na matiwasay. Ang objek ng kanyang komersyal ay mga ordinaryong tao, at mga sityo ng politika (bukid, lansangan, eskwelahan at iba pang maaring magkaroon ng politikal na kumbersyon ang botanteng mamamayan). Ito lamang ang may primaryong voice-over narration, na nagpapahiwatig ng pedagohikal na katangian ng kanyang kampanya. Ang kanyang tagline, "Dapat Gibo. Galing at talino."

Bakit pinili ang imahinasyong sinasambulat ni Noynoy? Hindi ito nag-uutos, tulad kay Gibo, at hindi rin ito nangangako ng kasukdulan, tulad ni Villar. Simple lang ang diskarte ni Noynoy: gawing abstraksyon ang kasalukuyan para sa konkretong pagkahalal sa hinaharap. May kasama ang naghihirap at gitnang uri, pati na rin ang parokayong elitistang sektor na may kumpiyansa sa uri at reaksyonaryong politika ni Noynoy.

At ito ang paradox ni Noynoy. Ang katubusan ay personal lamang. Ang ipinapangako ay pagkontrol sa korapsyon lamang. At maliban dito, same-same pa rin sa larangan ng neoliberalismong ekonomiya at fasistang paghahari. Na hindi rin naman radikal na kaiba kina Villar at Gibo, pati kay Joseph Estrada at iba pang kumakampanya. Iba lamang ang diin sa iba.

Sa kumparatibong pagsusuri ng tatlo, matutunghayan ang komonalidad ng kanilang paglikha ng imahinaryong ibinenta sa mga botante.

Ang sentralidad ng politiko/tumatakbo sa pagkapresidente ang binigyan-diin ng tatlong kandidato. Sila ang nagmundo sa problema ng naunang administrasyon, bilang lohikal na tuntungan kung bakit sila rin ang napipintong solusyon sa hinaharap na pagbabago.

Malinaw ang binaryong oposisyon na inilalatag bilang plataporma ng paglikha ng sabjek at objek bilang korolaryo lamang sa entidad na binibigyan-pribilehiyo: ang katawan ng politiko:

Ako vs. ikaw; lider vs. masa; tagapamuno vs. tagasunod; personalidad vs. panlipunang problema; personalidad vs. panlipunang problema; personahe vs. bagahe; solusyon vs. suliranin; kapangyarihan politikal vs. mito ng kapangyarihan; iboboto vs. boboto; ako vs. sila; eleksyon vs. hindi eleksyon; pag-asa vs. realidad. At kung gayon, ang exceptionalismo ng politiko bilang katubusan.

Sa huli ang exceptionalismo ni Noynoy ang pinakamabenta. Ang elitistang uri ay hindi suportado si Villar bilang bagong-yaman at Erap bilang pinaglumaang jologs. Wala rin itong kumpiyansa kay Gibo bilang xerox ng naunang mukha ng kagarapalan sa kapangyarihan. Ang abang uri ay matalino naman para hindi paniwalaan si Villar bilang tagapagligtas, si Gibo bilang ang dapat na mamuno. Ang kumpiyansa pa nga ay kay Erap dahil hindi ito tuminag sa posisyong makamasa.

Si Noynoy ang choice ng elite society, at maging ng masa na ang tanging naibigan ay ang hindi mag-iisa sa pagdanas ng abstrakto (hindi aktwal) na kadiliman. At kung magpakaganito, ang eleksyon ay nagpoposturang parang pagsisimba o kumpisal, na matapos ng paghuhugas ng kasalanan at muling pangungumunyon ay ang reafirmasyon ng pagiging tila bago, at kung gayon, ng muling pagdanas ng parehong kondisyon at pwersa hanggang sa susunod na metapisikal na pagbabanyuhay.

Ang eleksyon ang metapisikal na abstraksyon ng tunay na buhay, nagmumukhang bago dahil iba ang personalidad ng tumatakbo at nangangako ng pagbabago. Kahit naman sa panahon ng di-eleksyon ay pareho pa rin naman sa pangkalahatan at substansya ang luma dahil hindi naman ito makabuluhang nagbabago at binabago.

Sa katunayan, sa panahon ng eleksyon at di-eleksyon, ang kilusang masa ang tunay na pwersa ng pagbabago. At sa naratibo ng kilusang masa, ang kolektibong pagpapakapangyarihan sa mamamayan ang exceptional. At ito ang hindi ilalatag ng anumang eleksyon at kumakandidato sa pagkapangulo, dahil ang sistema ng patronahe ay sentral sa patrol, di sa masang pumapasan ng imahen ng patron.

Kung may natutunan ang kilusang masa sa eleksyon, masigabong pangangampanya para sa alternatibong politika at party-lists. Mananalo ang ilan, pero tuloy ang laban na sa pangunahin, batay sa aral ng kilusang masa, ay sa lansangan, pabrika, kanayunan at eskwelahan primaryong inilalaban. (Bulatlat.com)