Sa alingasngas na nalikha ng seleksyon ng 2009 National Artists Award (NAA), dalawang isyu ang tumitingkad na pangunahing diskurso: sa punto na may pakiwaring agrabyado-mga pambansang alagad ng sining, "lehitimong" artista, intelektwal, manggagawang pangkultura, at elitista-ang madalas masambit ay ang diskurso ng delicadeza o ang pagkilos ng tama at nasa lugar ng mga tao; at sa punto ng inaakusahang nakapang-agrabyado-Malacanang, Carlo Caparas, Cecille Guidote-Alvarez, at Vilma Labrador ng NCCA-kontra-masa (Caparas), competency (Labrador at Alvarez), at prerogatibong karapatan ng presidente (lahat).
Peligroso ang bawat panig. Walang batas na gumagabay sa delicadeza, nasa purview ito ng kagandahang asal. At tulad ng sinasambit ni Caparas, na siya ang tunay na artista ng bayan dahil galing siya sa masa at tinatangkilik siya ng masa, makauring diskurso rin ang pagbanggit ng delicadeza. Sino ba ang nagsasabi kung ano ang prim and proper? Kaninong pamantayan ba alinsunod ang dekorum na kahilingan ng delicadeza?
Ang isinasaad naman ng kampo ng nakapang-agrabyado ay ang kanilang moral at ligal na claim sa NAA. Moral dahil lehitimo naman silang artista, at kung pambansa ang saklaw ng pagiging artista sa NAA, tinatangkilik naman ng napakaraming ordinaryong tao bilang benefisyaryo ng kanilang sining, pati nga ang global na odyens (ang "diasporic theater" ni Alvarez). Legal dahil sa iisang entidad-ang prerogatibong kapangyarihan ng presidente na magfinalisa ng listahang ihihirang.
Malinaw sa batas na ang presidente ang may final na desisyon. Mula sa listahan ng NCCA at CCP, "The list is then forwarded to the President of the Philippines, who, by Presidential Proclamation, proclaims the final nominees as members of the Order of National Artists." Nakasandal itong kapangyarihang makapagproklama ng presidente sa pangkalahatang katagian ng NAA, "The Government of the Republic of the Philippines confers the award to deserving individuals who have been recommended by both the CCP and the NCCA."
Samakatuwid, ang NAA is ibinibigay ng estado, sa pamamagitan ng kasalukuyang pangulo, sa mga artistang nais nitong pagkalooban ng grasya at titulo ng pambansang artista. Mahaba naman ang kasaysayan ng interbensyon ng pinakarepresentatibo ng estado sa NAA: si Marcos kay Carlos P. Romulo noong 1982 para sa non-fiction nitong akda; si Fidel V. Ramos kay Carlos Quirino noong 1997 para sa "historical literature"; si Joseph Estrada kay Ernani Cuenco noong 1999 para sa musika; si Arroyo kina Alejandro Roces noong 2003 para sa literatura, Abdulmari Asia Imao noong 2006 para sa sining biswal; at sina Francisco Manosa, Jose Moreno, Alvarez at Caparas nitong 2009.
Kung gayon, ang pagsasalin ng prerogatibong kapangyarihan ng presidente ay nangangahulugan ng pagpapalaganap ng diskurso ng "gifting" o pag-aaginaldo at pagreregalo. Hindi hayagang umaasa ang tumatanggap. At sa dekorum ng gifting, hindi tumatanggi sa regalo. May moral ascendancy ang tumatanggap dahil mas hayag na may moral ascendancy ang nagbibigay ng regalo. At ang kapalit ng regalo sa taong tumatanggap ay ang loyalty, patriyotismo at hayagang papuri sa nagbigay.
Kapag binigyan ka, hindi lamang sasabihing "I thank you," tulad ng huling linyang sinasambit ng beauty contestant pagkatapos magpakilala ng sarili o sumagot ng tanong sa question-and-answer portion. Ang sasabihin ng nabigyan ay "I would like to thank..., without which I would not have been borne." Diyos, patron, nagmamay-ari ng buhay at pagkatao ang nagbibigay.