Share |

ANG DAAN NG MAKATA

Hindi na bago ang karanasan ng pagtula para sa atin. Natuto tayong magmakata simula ng mapansin natin ang pinakamarubdob na emosyon, ng kagandahan ng sarili o kaya ng iba pang kapuwang.
Gusto kong isiping vice-versa ang prosesong ito— ang sarili patungo sa kapwa, at ang kapwa patungo sa sarili. Sa simula, naroon ang hiwaga ng iba, ang mga munting himala kung paano may mga tao at mga bagay na pumupukaw at ninanakaw ang ating atensyon, ang ating palagay, ang ating pagkatao tungo sa maraming kaisahan at ‘layered’ na karanasan.
Mabuti na lamang dahil nang dumating ang ganitong uri ng kalagayan at ‘kaligayahan’, (sabihin na natin), ng ating mga puso, o kaya ng ating mga isip ay naroon ang mga salita, ang salitang itinuro sa atin ng ating mga magulang, ng panahon, ng pagkakataon, ang baul at bukal ng bokabularyo, na humimok sa atin na kasabay ng paglilinaw sa nararamdaman, naroon din tayo, naghahanap ng mga salitang maaaring magbigkis, maaaring tumipon sa ating emosyon, sa ating sarili, sa ating binubuong kaganapan.
 
Ngunit, habang natututo tayo ng mga salita, nakalimutan o nakakalimutan natin ang karanasan ng unang tibok ng damdamin. Dumami nga ang ating mga salita, ngunit unti-unti naman tayong nailayo sa hiwaga ng ating pakiramdam. Dumami nga ang alam nating wika, ngunit naging tahimik na rin, na parang isang naka-mute na palabas ang ating mga panaginip.
 
Nawalan ng bisa ang salita. Natapos ang ating karanasan sa pagiging makata, sa mga linyang, ‘Ako’y tutula, mahabang, mahaba, ako’y uupo tapos na po.’ O kaya’y naging ordinaryo na lamang ang mga salita, sa dami ng alam nating salita, na hindi na nito taglay ang dating hiwaga. Nawalan na ng pagtatali ang mga hiwaga, nawala ang mga talinhaga. Lumalim ang makata, samantalang nalunod ang kanyang mga kasama. Nalunod sa mga salitang inaakalang sapat na, huminto sa pagtibok, lumagay sa tahimik, hininto ang mga pagtatanong, nagmemorize ng mga dasal.
Isang malaking pagkakamali para sa akin na isipin na ang salita ay mga titik lamang, higit sa titik, ang salita ay maaring maging tahimik na tapik sa balikat, ang salita ay maaaring isang sulyap ng mata, pakikipagkamay sa isang estranghero sa isang estasyon, isang yakap, isang yapak—payak, ang salita ay maaaring isang Diyos.