Binago at binabago ng SM Naga ang landscape at mindset natin. Katulad ng iba pang malls, ang SM Naga ang tumatayong sityo kung saan ini-stimulate at vinavalidate ang karanasan ng modernong indibidwal bilang pag-aangkop ng sarili sa mas malawak na kalakarang nangyayari. Mga transaksyong hindi na lamang pumapadron sa kung ano ang maaaring bilhin at iuwi, kundi dito mismo, nagaganap ang pormasyon ng 'yong opinyon at ng maaari mong mga pagnasaan, dahil naririto na rin ang lahat na maaring makita at tingnan dahil they got it all for you. Mula sa bagong mga palabas sa sine, mga pa-art exhibits, mga bagong usong damit at menu ng mga fastfood chains, hanggang sa kung sino ang susunod na dadalaw na artista na makikita rin sa mga posters at billboards ng Penshoppe at Bench hanggang sa pagpasok mo sa iyong pribadong silid o sa sala kung saan bubuksan at bubuksan mo pa rin ang t.v. o kaya'y ang iyong kompyuter upang ipagpatuloy ang modernong adbenturang tinatawag mo ngayong buhay.
Given na mababago na ang buhay natin pagpasok ng SM sa ating maogmang lugar. Inilapit nito ang dating malayo. At iginigiit naman ng lokasyon ng SM sa Naga ang isang uri ng kasaysayang nagbibigay posisyon sa Naga bilang ang puso ng Kabikolan, ang sentro, hindi lamang ng eklesyastikong kapangyarihan, kundi ng edukasyon, ng mga modernong facilities ng mga ospital, at ng makabagong pamamalakad sa pulitika kung saan ibinabandera si Jesse Robredo, ang kasalukuyang DILG Secretary at dating alkalde ng Naga, bilang ang number one leading brand ng Disneyland ng Kabikolan. At supported ito ng mga awards na ikinabit sa kanya simula nang manungkulan sa city hall ng Naga, mga awards na lumikha kay Robredo, na tila nilikha ang mga awards na ito, para lamang sa kanya. Mga awards na kahit papano ay naisalin din sa Naga bilang ang most awarded local government unit sa bansa, mula sa pagiging gender friendly, outstanding website, environment friendly at drug-free city. At ito ang ini-stimulate ng mga tarpaulins, streamers at virtual ads na makikita natin ngayon sa parks ng Naga at sa mga bukana ng lungsod, kung saan makikita ang mukha ni Robredo, na makikita rin sa MTV, brochures, website na inisponsor ng LGU.
Kung kaya, hindi mahirap basahin na sa simpleng lohika ng representasyon ng mga awards na ito, si Robredo at ang Naga ay iisa, parehong award-winning. At kaya sa kabila ng mga agam-agam sa kakayahan ng dating meyor ng Naga, kinuha pa rin siya ng kasalukuyang
administrasyong bilang "acting secretary ng DILG" upang masubukan ang kakayahan ng local chief executive na ito, sa antas ng pamamalakad ng isang pambansang ahensya. Hindi rin malayong isipin na kaya siya pinili ay dahil kailangang pa ring tumanaw ng utang-na-loob ang
administrasyong Aquino Dos, dahil binenta rin ng mga tao sa likod ni Robredo ang kanyang imahe, bilang isa sa pinakamalapit na tao sa nanay ni Noynoy. Matatandaan na nang magsimulang maging maingay ang paghiling sa pagtakbo ni Nonoy matapos mamatay si Cory, agad naming inimbitahan ni Robredo sa Naga si Nonoy, upang pasinayan ang Ninoy and
Cory Avenue sa harapan ng SM Naga. Dito malinaw na makikita kung paano ang tumatanggap ng awards na meyor ay nagbibigay na rin ng mga awards o malaking pabor sa pamamagitan ng pagpapangalan sa mga kalye. Hindi ako sure, kung totoo na sa response ni Noynoy noong araw na iyon ay nangako na kaagad siya ng posisyon kay Robredo sakaling manalo siya sa eleksyon.