Maraming pagpapakilala ang maaaring gawin sa Bikol, ang peninsula o rehiyong pinagmulan ko na tanyag dahil sa tatlong "B"-Bulkan Mayon, Butanding at Bikol Express ang tren noon at ngayon ay pangalan na ng isang mahanghang na putahe na ginawa na ring de-lata. Sa isang nakasanayang biro, na kahit papano ay tumatalab pa rin, kilala rin daw ang Bikol sa apat na "P", at ito ang pili, pinangat, Polangui at Peñafrancia. Ang pili at pinangat ay parehong pagkain na karaniwang ginagawang pasalubong ng mga Bikolnon sa tuwing luluwas sila at pati na rin ng mga dumadayo sa amin. Ang Polangui naman ay isang bayan sa Albay na kilala sa mga babaeng mula rito na lumilikas patungo sa Maynila upang maging mga bailarina, mga katulong sa mga sauna ng lungsod. Biniro ako minsan ng aking kaibigan, na sa bayan daw nila sa Bocaue, Bulacan ay may isang baryo na puros Bikolano at mga taga-Polangui. Doon na raw kasi namalagi at namuhay ang mga unang lumuwas na bailarina mula sa bayan ng Polangui. Maging sa ngayon, tanyag pa rin ang bayang ito kahit sa Bikol, dahil sa mga naglipana nitong beer at videoke houses at sa mga "serbedoras" ng ganitong mga lokasyon. Madalang na marahil ang pag-alis ng mga kababaihan ng bayan at sa halip doon na lamang nila hinanap ang kanilang maaaring pagkakitaan. Kung tanyag ang Bikol sa mga babae ng Polangui, dinadayo rin ang lungsod ng Naga dahil din sa isang babae, ang Inâ ng Bikol, ang Birhen ng Peñafrancia na magiging kong halimbawa ng di-mahawakang handumanan.
Bago pa mag-Pasko ang buong mundo, una nang sinasalubong ang unang buwan ng mga 'ber/bre', ang Setyembre ng isang mahabang kapiyestahan ng birhen ng Bikol. Katulad ng maraming Katolikong piyesta sa Filipinas, kalimitang makikita ang salitan ng napakaraming makukulay na selebrasyon mula sa mga beauty pagents, military parades, musical concerts, at kung anu-anupang maaaring makita at pagkakitaan sa okasyon ng Peñafrancia. Pansinin natin ang pahayag ng manunulat na si Carlos Aureus, sa isa sa kanyang maikling kuwento, sa aklat niyang Nagueños-'Roman Catholic Naga! A city of parades and procession, of estampitas and barajas, of Pharisees and publicans, of faith and superstitions, of daily communicants and chismosas, of beatas and mahjonngeras, of saints and sinners.'
Sa buong selebrasyon, tampok ang Traslacion o ang paglilipat ng imahen ng birhen mula sa kanyang opisyal na tahanan ang Basilika Minore patungo sa katedral ng arsobispo ng Caceres at ang Sakay, ang prusisyon sa ilog ng Naga, kung saan muling ibinabalik ang imahen sa kanyang lagakan. Ang paglilipat at pagbabalik ng imahen sa dalawang simbahan ay pinapangasiwaan ng simbahan at ng mga boyadores. Nitong mga nakaraang taon, kinailangan na ng interbensyon ng militar upang panatilihin ang "kaayusan" sa dalawang prusisyong halos tumatagal ng anim hanggang sampung oras.
Sa buwan ng Setyembre may malawakang pakiramdam na nagbabagong bihis ang dating tahimik na lungsod ng Naga dahil ito ang sagradong panahon, ang simula ng mahabang pagdiriwang kung saan dumadayo ang mga Bikolnon man at iba pang deboto, kasama na ang lumalaking bilang ng mga turista sa pagsaksi sa tinataguriang pinakamalaking kapiyestahan sa Mahal na Birhen. At dahil ito'y sagrado, hindi maiiwasang ito rin ang panahon kung saan nagkakaroon ng lehitimasyon ang iba't ibang mobilisasyon ng katawan ng tao simula sa mga manunuod at sumasali sa mga beauty pageants, ang paligsahan sa pagmartsa sa military at civic parades na salungat naman sa kawalan ng kaayusan ng mga boyadores sa tuwing idadaos ang dalawang tampok na prusisyon at ilang mga pagbabasag-ulo sa mga rock concerts at iba pang street parties, o kahit ang unti-unting naluluma ng karnabal na dumudulog at tumutugon sa pangangailangan ng katawan na magpakasarap, mamahinga sa panahon ng piyesta.