Share |

Ang Bahay ni Angela (Manalang Gloria)

(Unang Bahagi)
Bahay ni Angela
Bahay ni Angela

Tila kating hindi makalkal sa isip ko ang bahagi ng sinulat ni Niles Jordan Breis, na nanalo pa sa Palanca, tungkol sa makatang si Angela Manalang Gloria—na tinawag niyang Angela Buruka dahil sa pagkamasungit at pagkamatapobre nito. Noon ko lamang nalaman na taga-Tabaco, Albay pala ang makata. Hindi ko kilala si Breis. Hindi ko nabasa ang buo niyang sanaysay, iyon lamang na lumabas sa isang diyaryo. Pero sapat na ang nabasa ko upang madalirot at makiliti ang pagka-usisero ko at hindi tumigil hangga’t hindi mapasok ang bahay ni Angela.

Kaya nang kami ng mga kasama ko ay napadaan sa Tabaco ay hinanap namin ang bahay ni Angela. Tikatik ang ulan, matrapik, napakarami ng traysikad at pinapasok pa kami ng pulis sa bagong-sunog na palengke dahil ang pangunahing kalsada ay gagamitin sa prusisyon ng libing ng dating alkalde ng bayan. Pero wala sa mga iyon ang dahilan kung bakit naligaw kami… dahil Bikolano na nga ang giya namin. Talagang kahit sa Bikol ay kaunti ang nakababatid kung sino at saan nakatira si Angela. At kung maniniwala ako kay Breis, ang ibang nakakikilala sa kaniya ay ibig pa siyang burahin sa isip at iwasan ang kaniyang bahay. Naitanong ko tuloy sa sarili: ang mga makata kaya, katulad ng mga propeta, ay hindi ring kinikilala sa sariling bayan? Alam kong hindi tanggap na Messiah si Kristo sa Israel at si Buddha ay panturista lamang sa Lumbini, Nepal. Pero si Angela, na ayon kay Breis ay haligi ng panulaang Ingles sa bansa …?

Sa bagay, bukod sa tula ay nasa wikang Ingles pa ang mga sinulat ni Angela. Paniwalaan na nating isa siya sa pinakamahusay sa mga makatang naunang nagsulat sa Ingles. Namumukod pa nga raw hindi lamang dahil sa maganda at umaawit niyang mga talata kundi dahil sa radikal at peministang pasaring ng kaniyang mga tula. Pero pupusta ako, ano mang araw ay hindi makapupulot saan mang kalsada ng Tabaco ng sampung tao na nakabasa’t nasiyahan sa kahit  isang tula ni Angela. At kung ipababasa ko man ang lahat niyang sinulat ay hindi mahuhulaang siya ang sumulat ng mga tula. Kaya sino nga ba si Angela at pag-aabalahan ko’t pag-uukulan  ng pansin?

Hindi ko nga pala nasabi, kinukuliglig din ako ng tawag ng Musa ng Panitik. Nangangarap din akong maging manunulat. Baka sakaling katulad ni Breis ay makasagap din ako ng inspirasyon sa mga naiwan ng makata. Kaya masigasig akong makapasok sa bahay ni Angela.

Nang maulang umagang iyon ay muntik pa nga kaming makarating sa piyer ng Tabaco. Natatanaw na namin ang dagat (at wala sa amin ang may hinala na sa dagat o sa tabing-dagat nakatira si Angela) kaya ipinasiya naming umikot at bumalik patungo sa kabilang dulo ng Rizal Street, palapit sa lumang simbahan. Malayo pa ay nakita ko na ang malaking bahay. Wow!  Kaparehong ayos pero mas malaki pa yata sa bahay ni Rizal sa Calamba. Parang lumang bahay sa Vigan. Bubong at pangalawang palapag lamang ang nakikita sa kalsada dahil ang ibaba ay natatabingan ng mataas na bakod na bato. Sakop na yata ng bakod ang buong bloke sa kanan ng kalsada. Ito iyong tipo ng bahay na parang dambuhalang lawin na mula sa papawirin ay bigla na lamang sasaklutin ang iyong pansin at hindi pakakawalan ang iyong balintataw hanggang sa malaglag ang iyong baba sa pagkamangha.

“Talaga naman palang may ipagmamalaki,” narinig kong malumanay na sabi ng kasama kong si Bobby na nasa loob ng sasakyan namin.