Submitted by Vox Bikol on
Katulad ng libag sa katawan, kinakailangang ikubli, disiplinahin, alisin (depende sa kung anong reseta ng relihiyon at kultura) ang libog ng tao. Tila pulgas na maituturing ang libag samantalang matabang garapata ang libog. Sityo ng libag at libog ang katawan ng tao. At dahil hindi lamang simpleng nanahan o kumakapit ang libag at libog sa atin, mas higit nitong pinapatindi ang sidhi ng sigalot na nangyayari sa buong katawan. Ang mga sigalot, anomalya, o ang mga kaisipan patungkol sa katawan o sa mundo ng mga katawan, ang kumukundisyon sa kung paano inaangkin, tinitingnan, ginagamit ng kinikilalang nagmamay-ari ang katawang ito. At dahil tila may taglay na balani ang mga katawan na humahatak sa iba pang katawan o kaya'y dahil tuluyan ng sumabog ang grabedad sa uniberso at naging itong libog, hindi na talaga natin maisaisantabi ang usapan/usapin ng iba pang katawang nakapaligid sa atin. Sa simula pa lang ay naroroon na ang siklo ng pagsasakatawan at ang pangangailangan ng katawan upang mailuwal ang tao sa mundo.
Hindi rin maiiwasang tingnan at ihambing na habang kumakapit ang libag sa nakabalot na balat ng tao maituturing naman na isyu ng laman o loob, at nanunuot sa buto, ang libog ng tao. Maaaring sabihing pagnanasa ito o pananabik o gana, isang enerhiya na mas higit sa katawan ng tao. Kung kaya hindi malayong isipin na ang usaping libog ay isyu rin ng espiritwalidad. Ngunit iba ang pagtingin ng ilang makapangyarihang institusyon kabilang na ang relihiyon sa libog ng tao. May turing na isa itong kasalanan o maaaring magdala sa kaparusahan sa impyerno. Kayâ habang nag-aalis tayo ng libag sa ating mga pribadong espasyo, inaatasan naman na maglinis tayo ng kaluluwa sa mga kumpesyonaryo dahil sa kalabisan ng ating mga libog. Siksik at liglig ang libog na umaapaw sa ating mga katawan. At dahil sa paglilinis na ito parehong maituturing na sagradong espasyo ang banyo at ang kumpesyonaryo dahil may "pagbibinyag" na nagaganap, may ginagawang "paglilinis" sa tubig sa una, samantalang pinaliliguan at binubusog tayo ng mga pangaral ng laway ng ministro. Kailangang sabihin na ang paliligo at pangungumpisal ay masasabing mga anyo ng pagdidispilina sa katawan upang makuha nito ang angkop at itinakdang kalinisan.
Mahaba ang listahan ng sari-saring relihiyon sa kung paano tinitingnan ang katawan ng tao: abo, bahay/templo, kulungan, teritoryo, sakramento. Sa limang ito makikita na nagsisilbing manipestasyon lamang ng kung anong maituturing na kaluluwa o enerhiyang nagpapadaloy ng "silbi at kahulugan" ang katawan. Ang abo sa apoy, ang bahay/templo sa nananahang may-ari, ang kulungan sa bilanggo, ang teritoryo sa mananakop at ang sakramento sa biyaya ng ipinapangakong kaligtasan. Sa mga dayalektikang ito umiinog ang mga kaisipang patungkol sa ating mga katawan na makikita rin sa kung paano may dalawang salitang Bikol na tumutukoy sa katawan: ito ang hawak at lawas.
Sa unang koleksyong na ito ng mga rawitdawit ni Adrian V. Remodo, makikita ang ganitong dayalektika sa pagpili at paggamit niya ng hawak sa kanyang pamagat upang ipakita ang mismong pag-anib niya sa mga kritikal na diskurso ng mga kaisipang bagamat may bagahe at sigalot ng kasaysayang kolonyal o/at postkolonyal ay nanatili pa ring mabulas sa kanyang eksplorasyon sa sariling katawan at sa mga katawang nakapalibot sa kanya. Sa katunayan, hindi na ito ang hawak na "bininyagan", kundi ito na ang katawang "nagpapakita", sapagkat matagal na itinuring na mga tawong-lipod. Ito ang katawang malay sa kanyang pangangailangan at obligasyon sa iba pang katawan. Ito ang katawang nagbibigay pugay sa linamlam at kaluwalhatian ng pisipis, sa sapog ng kamoteng-kahoy, tamis-asim ng santol o sa Mayon na ngayon ay sumasabog ng ladang (sili/anghang) lava at guta ng niyog.
Mahihiwatigan na ang pamagat ng koleksyong ito na "Ini An Sakuyang Hawak" (Ito ang Aking Katawan/ Est Enim Corpus Meum) ay direktang sipi mula sa binabanggit na deklarasyon ng pari sa pagbayaw sa banal na hostiya, ang sagradong tinapay na nagiging katawan ng Diyos. Kayâ masasabing ang hawak, ang "bininyagang katawan" sapagkat ito ang pinili at ginagamit ng Katolikong simbahan at iba pang Kristiyanong grupo upang tukuyin ang katawan ng tao man o Diyos na naging mortal. Pansinin ang gamit ng salita sa bokabularyo ng Katolisismo: "Hawak ni Kristo", sa komunyon "Sa sakong hawak, mahihiling ko an Dios na sakong kagtubos" sa dasal para sa mga patay, An Pagsakatan ni Virgen Maria, Hawak asin Kalag sa misteryo ng rosaryo, at maging sa Bikol na Bibliya hawak ang ginagamit na salin sa katawan. Samantalang, may paniniwala akong ang lawas ang nasa labas ng basbas ng simbahan. Ito ang hindi nasakop na katawan. At ito ang tinatangkang paghawak sa hawak ng makata.
Sa La Lengua Vocabulario del Bicol, ang diksyunaryo ng Fransiskanong si Marcos de Lisboa, tinukoy niya ang hauac (hawak) bilang 'cuerpo', samantalang ang lauas (lawas) bilang 'persona'. Subalit hindi na malinaw ang ganitong gamit ngayon sa wikang Bikol. Hindi ginagamit sa pormularyo ng liturhiya ng Katolikong simbahan ang lawas. Sa kontemporanyong gamit lumalabas na ang dalawang salita, ang hawak at lawas ay magkasing kahulugan na lamang. At dahil namamayani pa rin ang kaisipang naniniwala na ang matatas na Bikol ay nagmumula lamang sa bakuran ng simbahan, higit na ginagamit ang hawak at nawala na ang pang-unawa sa lawas bilang ang kabuohan ng tao o ang persona. Inuunawa na lamang ang lawas bilang hawak o katawan.
Sa pananakop sa hawak, naging katawan na lamang ang tao, at kayâ patuloy namang pinaghahawakan ng hawak ang mga katawan at ang produksyong ng mga ganitong uri ng katawan. Ang paglayo sa mga kahulugang/kaibahang ito ay dulot ng iba't ibang ahensya at puwersa na malay na binabalikan ni Remodo sa kanyang mga tula, upang muling suyurin ang landas kung saan dinadala ang makata sa estado ng kamalayan, kung saan ang katawan at kaluluwa ay banal na nag-uusap: "Lugod darahon /kan kapungawan/an hawak kong sinanglitan/duman/sa panahon na daan,/kun sain an hawak asin kalag/banal na minaulay-ulay. " (Siya nawa/ Dalhin ako ng matinding/ kalungkutang ito/sa bugtong kong katawan/doon/ sa antigong panahon/ kung saan ang katawan at kaluluwa'y/ banal na nagtatalaban.)
Nasa anyo ng mga personal na meditasyon ang marami sa mga tula sa koleksyong ito na nagsimula sa pamamagitan ng tula tungkol sa batang piniling burahin ang kanyang mga iginuhit sa kalsada dahil sa banta ng paparating na unos. Sa pamamagitan ng paglatag sa ganitong tagpo, babaybayin ni Remodo ang mga landas kung saan makakatagpo niya ang marami niyang sarili, ang sariling namamaybay sa mga hiram na kama at kinasanayang kalsada, sa mga gurang sa waiting shed, sa isang nanay na nagtutupi ng mga lumang damit at gamit sa aparador o sa isang katuod (kaibigan) na napupung'aw sa minamahal na nakikita na lamang sa mga ligaw na liwanag. Buburahin niya ang mga dayalektika ng diklom (dilim) at liwanag, ng lalaki at babae, ng banal at tampalasan (makasalanan), dahil na rin sa kung paanong ang mga kategoryang ito ay nagsisilbing mga pangunahing pwersang kinakasangkapan at kumukudisyon sa relasyon, emosyon, at katayuan ng tao sa mundo. At makkita ito sa kung paano natin tinitingnan ang ating mga katawan o maging ang katawan na ito na itinatanghal sa atin ng makata.
Makikita rin na hindi ganap na tinatalikuran ni Remodo ang kalagayang espiritwal, subalit mariin niyang tinatanggihan ang mga alagad ng tataramon (salita), na nagsasalita ng hiwalay sa kanilang katawan (suhay sa hawak). Katulad ng makatang si Rainer Maria Rilke na higit na naniniwala sa dilim bilang sagrado sapagkat ang tanging ginagawa lamang ang "liwanag" ay ang paghiwalayin ang tao sa tao o ang katawan sa sarili, bumabalik si Remodo sa isang kaayusang ang eukaristiya ay komunyon ng mga katawan at hindi isang ritwal kung saan ibinabaling ang lahat ng atensyon sa ministro: ang nagtatanghal sa katawan ng diyos.
Mahalaga kay Remodo ang 'pagsusod' (pagbabalik) sa panahong ang mga dasal ay tula at ang mga alamat at epiko nagsisilbing bukal ng ebanghelyo. Kay Remodo, (kailangang) nagsasalita ang bawat dila, maging dilang-apoy, upang magkaroon ng isang bagong Pentecostes. Nagiging itong isang pagdiriwang, katulad sa kung paano nagawang sirain ng bata ang kanyang mga guhit, upang sa kabila ng mga ebidensya ng pagguho katulad ng nangyari sa tore ng Babel, umaawit pa rin ang makata ng mga rawitdawit, dahil sa mga kaibahan lamang ng mga salita niya mapanghahawakan ang kapung'awan, ang kamatayan, ang mga bersong naaalala sa kanyang mga paghihintay sa kalsada man ito o sa mga umpukan kung saan pumapailanlang ang mga tigsik at rawitdawit na ngayon ay muling sinusuyod ni Remodo bilang mga tilamsik ng gunita sa kanyang mga tula. Sa koleksyon, masusundan ang paggalaw ng batang ito sa kung paano niya tatanungin ang mga mismong nakapalibot sa kanya, ang mundo ng Kabikolan, ang mga sistema, ang mga hawak, ang mga may mga hawak ng kapangyarihan. Kapansin-pansin ito sa tulang May Mga Gusto Akong Ihapot, Tay (May Mga Gusto Akong Ipagbaka-sakali, Tay), kung saan hinahamon ni Remodo ang mga insitutusyong nagtataguyod sa katawan bilang isang organikong organismo kailangang paamuhin, pasunurin at panatilihin sa mga kalagayan at kaisipang itinatanghal ang katawan bilang ang nariyan ngunit hindi maaaring salingin, hindi maaaring hawakan.
Ang mabunying pagwika na "Ini an Sakuyang Hawak" ay isang pagpapahayag sa katawan bilang sakramento ng libag man ito o ng mahiwagang libog. Sa mga rawitdawit/tula ni Remodo, hindi Diyos na nagsakatawang tao ang nagsasalita, kundi taong hinahanap at ginagagap ang kanyang pagiging ganap na tao sa pamamagitan ng pag-angkin at pagtanghal sa kanyang katawan. "Ini An Sakuyang Hawak", ang nagsisilbing bagong Amen sa komunyong maging ang mga tawong-lipod ay maaaring dumalo. Sa paggamit ng tawong-lipod sa kanyang koleksyon, inilulugar ni Remodo, ang kanyang sarili bilang isa sa mga hagbayon na makata na sumusunod sa mga sinimulang hakbangin nina Merlinda Bobis at H. Franscisco Peñones Jr., kung saan muling binabalikan ang mga alamat at mito upang magsilbing mga bagong metapora sa rehiyong nanahan sa mata ng bagyo at sa singsing ng apoy-ang Bikol.
Tunay na isang maningning na katangian ng koleksyong ito ang patuloy na itaguyod ang wikang Bikol bilang wikang pampanitikan sa pamamagitan ng eksplorasyon sa mismong wika, ng mismong mundo. Nabibigyan ng mga bagong diin at dulog ang mga salita, (tataramon). Ang mga tataramon na ito ang nagsasalita bilang sakramento ng primodyal na libog na bumubuo at nagbubunyi sa katawan na napanghahawakan ng ngayon at patuloy na nanatili sa siklo ng mga panahon, sa mga tagisang higit na bumubuo sa ating mga pagkatao, gaano man karahas ang pamamaraan at kondisyon na ating pinipili o pinipili para sa atin. Sa mga tunggaliang ito nanatili ang katawan bilang makapangyarihang elemento sa uniberso, at sa makatang si Remodo, ito ang katawang buhay na nagbabanyuhay.
Masdan ang unang himala sa altar ng panulaan ni Remodo:
Tao, narito ang iyong katawan. Katawan, narito ang Tao.
(Editor's Note: This is the Introduction written by Bikol poet Kristian Sendon Cordero to the first book of poetry of Adrian V. Remodo, Ini An Sakuyang Hawak asin iba pang Bersong Bikol, as part of the UBOD New Writers Series 2, published by the National Commission for Culture and the Arts (NCCA) through the Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP). Remodo is one of the fourteen writers in the country who received the said grant. The fourteen collections of stories and poetries in various languages in the country were launched at Ateneo de Manila University last August 8, 2010. Next issue will be the review on Jerome's Hipolito's Oda Sa Tadik Asin Iba Pang Bersong Bikol.)