Ayaw Kong Sumayaw

Ayaw Kong Sumayaw

Ayaw kong sumayaw sa panahong ito
na marami ang inililigaw-na nililitis sa kaisa-isa't
naghihingalong ilaw ang mga hinuling sumigaw.
Nagkukulay dugong-pula ang bombilyang dilaw.
Ipinapanganak ang nagnanaknak na bersyon
ng katotohanan sa loob ng mga lihim na selda,
bodegang wala sa mapa, talang walang pirma.

Hindi ako sasayaw sa mga pabayle sa kalye
na nagluluklok sa mga datihan ng diyos-diyosan
ng bayan. Silang nabubulok at muli akong hinihimok
sa mga bagong pangako. Ayoko. Ayokong sumayaw
habang umaawit ang sintunadong tuko sa palasyo.
Kahit pa sumabay ang koro ng alaga niyang mga loro,
kikik at kuwago sa munisipyo, kongreso at senado.

Hindi ako matitinag sa mga pasaring na parehong
kaliwa ang paa ko- na wala itong ibang alam kundi
magmartsa at magsisigaw sa kalsada. Bakit ako patatalo
gayong ang nakakuyom kong kamao ang bumubuto,
ako, ang pumipili.  Hindi ang mga surbey o sabi-sabi
ng mga mambabatas na kumapal na ang labi sa labis
na palangis. Masdan sa kanilang mga patalastas.

Tinatanggihan ko ang nakakahumaling na awit.
Katuod, kaibigan, kabulig-Narito ang asin, ilagay
natin sa sugat, sa kalyo, sa lipak, sa tama ng baril.
Palapit na ang araw ng pinunong tuko na mag-otso-otso
maisulong lang ang kanyang cha-cha! Sa panahong
mahuli siya, lilitsunin natin lahat ng kanyang kasama
at magsasayaw tayo ng panibagong kanyaw!


Kristian Sendon Cordero
Kapanganakan ni Jose Rizal, Cubao