Ang alamat ni Pogi

(Panghuling Bahagi)

Apt ang pagtawag na Pogi kay Robredo, dahil image-based, "pogi points" naman talaga ang kanyang advantage at entry point sa kanyang rise to political stardom. Identified naman siya sa "ideal o redemptive politics" kaya naging trademark niya minsan ang mga bulaklaking polo ni Raul Roco hanggang sa mag-yellow na siya last election. Kung bakit ganito ang packaging niya ay dahil kinukundisyon pa rin ito ng makapangyarihang institusyon kabilang na ang simbahan na umaabot ang saklaw mula sa mga pulpito hanggang sa mga academic institutions katulad ng Ateneo. Hindi lang yan, kinudisyon din ang paglikha kay Robredo bilang "pogi' ng di matatawarang kultura ng 'media-tion' sa Naga, mula sa mga istasyon ng mga radyong hawak ng kanya-kanyang mga patron na pulitiko, hanggang sa pagpasok ng iba pang daluyong media at teknolohiya, kaya maaaring i-argue na inevitable na rin talaga ang pagpasok ng SM sa atin kahit na hindi si Robredo ang meyor, o kahit na hindi ito itinayo sa Naga. Ngunit pwedeng i-claim na trophy pa rin ni Robredo ang SM dahil ganap itong naipatayo sa panahon ng kanyang administrasyon.

Sa katimogang Luzon, unti-unti nang nagmamaterialize ang bisyon ni Henry Sy na 'SM every 45 minute drive', kaya may bagong itinatayo ngayon sa Laguna, samantalang patuloy ang operasyon sa Lucena at Naga, sa kabila ng mga tsikang mamamatay lamang ang mga ito sa mga susunod na taon. Ang ganitong threat ang nagpapapatakbo sa operasyon ng mall upang pagkakitaan ang lahat na maaaring pagkakitaan simula sa kung ano ang pangangailangan ng bata hanggang sa ating pagtanda at pagkamatay. Halo-halong mga latak, mga nire-recreate at nire-recycle na mga pangangailangan ang ipinamumukha sa atin ng SM ngayon bilang nakakapabagong-bago. Siyempre may mga freebies rin na in-entertain ang management ng SM para pumasok ang tao sa kanila, halimbawa na lamang ang mga free shows nito, concerts, at ang mga paminsan-minsang art exhibits na inilalagay ang sining sa parametro ng pagtunghay at pagwiwish ko lang na sana magkaroon ako nito.

At ito rin ang diskurso ng dalawang exhibits na ipinakita sa SM Naga noong kasagsagan ng Penafrancia. Ang pagtunghay sa espektakulo ng sining ayon sa kambas ni Pancho Piano at ang espektakulo ng personahe ni Robredo. Ironic kung paano pinagsama ang dalawang espektakulong ito sa gilid na espasyo (na sa may malapit ng stage). Pagtakhan natin kung bakit naroroon si Robredo na hindi naman artist ay may ganoong espasyong nilikha ang management sa kanya. Sa katunayan hindi bahagi ng pagiging in sa mga culturati ang image ni Robredo, na kailangang retokihin pa ito at pagandahin pa ng kanyang media group ang anggolong ito ng dating meyor. Sa mga art and cultural events laging apologetic ang dating alkalde sa kanyang mga opening remarks.

Perfect timing naman na sa okasyon ng Penafrancia, lumabas ang mga eksibit dahil dagsa ang pasok ng mga tao sa Naga. Sa mga obra ni Piano, makikita ang nakakasawa ng bisyon ng pintor sa artsibo ng debosyon kay Ina. Sa katunayan, kapag nakita mo ang isang obra ni Piano tungkol sa Ina, parang nakita mo na ang lahat ng kanyang gawa. May inihahanda ako hiwalay na papel para kay Piano, kaya sulitin na muna natin ang tekstong si Robredo. Sa eksibit malinaw na may

patungkol sa Penafrancia event ang mga paintings ni Piano samantalang ang kay Robredo ay tahasang pangangampanya upang patuloy siyang suportahan at tangkilikin lalo na ngayong binabatikos ang kanyang naging partisipasyon sa hostage crisis. Kung may label na world-class

artist si Piano, ganoon din ang nais na ma-achieve ng eksibit ni Robredo na world-class meyor ding maituturing dahil sa pinagkalooban na siya ng "Asian Nobel Prize", naging speaker na rin sa mga international fora, grumadweyt sa Harvard, binisita ng mga foreign agencies para tingnan ang lungsod ng Naga bilang prime example ng demokratikong uri ng liderato, people empowerment at transparency sa governance. Kaya kakaiba sa mga biswal na arte ni Piano, ang kanyang buhay pamilya at ang sining ng 'local governance' ang kanyang peak of achievements. At pinapatunayan ito ng kanyang mga mahahalagang tropeyo, sa TOYM, sa TOYP at ang sentral sa lahat ang Ramon Magsaysay Awards. Ito ang kanyang work of art. Ang Naga ang kanyang

obra-maestra. Ito ang kanyang mga pogi points na ipinagangalandakan sa atin at ang SM Naga, ang nagiging conduit sa tahasang politikal na estratehiyang ito. Sa eksibit kay Robredo, naroroon din ang sanaysay ng kanyang panganay na anak tungkol sa tatay niyang awardee. Nanalo sa pakontes ng Magsaysay Foundation ang essay ng anak ni Robredo. Simple lamang ang laman ng essay. Kung paano itinuturing ng babaeng anak ang kanyang tatay bilang inspirasyon at modelo upang maovercome niya ang mga sariling interes tungo sa mas makataong paglilingkod sa kapwa. At katulad ng mga karaniwang pulitiko, naroroon rin ang pag-display sa pamilya bilang source ng lakas, ng gabay at inspirasyon na makikita natin sa mga kalendaryong ipinamimigay ng bawat pulitiko tuwing magpapalit ng taon o tuwing eleksyon. On site at touristic naman ang mga larawang kuha ng mag-anak para ipromote na rin ang Naga mula sa mga resto nito hanggang sa façade at interiors ng mga simbahan. Muli, nilikha ang ganitong pagpapakita ng kung ano sila dahil kinukudisyon pa rin tayo ng mga ideyal na pamantayang itinataguyod ng mga makakapangyarihang institusyong lumilikha sa mga katulad ni Robredo, na maaari ring magsilbing inspirasyon sa ating pag-abot ng mga pangarap gaano man ito kalayo, ka-illusive, ka-elusive o kaimposible katulad ng isang Magsaysay Award at ng posisyon sa DILG. Sa eksibit kay Robredo, may selling na nagaganap kahit pa sabihing hindi for sale si meyor.

Ngunit katulad ng isang alamat, nililikha ang kuwento ni Pogi ng mga maraming kamay at laway, at bilang object ng ganitong packaging, wala siyang kontrol sa magiging daloy nito, katulad ng kung paano humantong ang hostage crisis. At tulad ng iba pang alamat, may tiyak na katapusan ito, may metamorphosis na magaganap sa dulo ng kuwento, upang bigyang paliwanag ang isang bagay, ang isang kalagayang kinahantungan. Marahas ang transformation, hindi ito as ideal or as easy gaya sa kung paano ginawa si Pogi. May lamat sa bawat alamat na nililikha. Halimbawa, kung bakit at paano nagiging kaugnay ng paglikha kay Robredo, ang namamayaning kultura ng Naga bilang isang lipunang pinamumunuan pa rin ng mga kinasanayang pananaw kinukudisyon lamang radyo at pulpito at ngayon ng SM. Sa loob lamang ng ilang taong panunugkulan, naging modelo ang pamunuan ng Naga sa ilalim ng administrasyong Robredo ng mga kaisipang gagamitin na rin sa ibang bayan para panatilihin ang opensibang uri ng pamamalakad: ubos kun ubos, ang paggapang ng mga awards para sa local government unit at ang tahasang pagbabandera sa mga ito, at ang pagpapangarap na maitayo ang susunod na malls sa kanilang mga sityo, kung saan ang konsumerismo at kapitalismo ng mga little lords na ito ang patuloy na tatabo at magpapatakbo sa ating mga buhay. Ang mga epektong ito sa politikal at sosyo-ekonomikal na kasaysayan ng Bikol na nilikha ng alamat ni Pogi, ang higit na huhusga kay Robredo bilang isang pinuno at bilang tao. Ito ang pamantayang higit na susukat at titimbang sa kanya sa mga darating pang mga panahon kahit na magstage siya ng comeback sa Naga. Kinakailangang matanto na hindi habambuhay na magagamit ni Pogi ang kanyang mga awards dahil maaari rin itong ipagkaloob sa iba pang mga mamamayan ng Naga.

Sa naratibo ni Robredo, hindi rin ganap na na-translate ang mga awards na ito upang maging pagkain sa mesa, pagkakaroon ng mga sustainable na trabaho dahil contractual lang naman ang maaaring i-offer ng SM Naga, pagtatakda ng kaayusan at seguridad at higit sa lahat ang ganap  na pagyabong ng mga indibidwal bilang mga kritikal na mamamayang may kakayahang kwestiyunin, kung hindi man salungatin ang anumang namamayaning kapangyarihang pinangingitlugan ng mga linta at tuko. Napaka-transient ng lahat ng pundasyong ginawa para likhain ang alamat ni Pogi, katulad ng espasyong ibinigay sa kanya sa mall, dahil bukas lang o sa makalawa mapapalitan na ito ng mga bagong exhibits, bagong produkto, mga bagong tropeyong kakainin at kakainin pa rin ng laksa-laksang kalawang.