Sona-ta ng Linlangan
Ang sonata ay isang musical form na matingkad ang harmonic at tematikong organisasyon: may simula, pag-unlad at sintesis. Doble ang katingkaran ng oranisasyon nito, kung isasama pa ang pagkumpas ng orkestra, o ang orkestrasyon (operasyonalisasyon) ng sonata.
Kaya ang taunang State of the Nation Address (SONA), lalo na sa yugto ni Gloria Arroyo, ay masasabing isang sonata, dobleng orkestrasyon ng linlangan ng estado sa mamamayan nito. Una, walang masamang balita ang inaanunsyo sa SONA, tanging maniningning na nagawa, ginagawa, at gagawin ng presidente at kanyang kabinete. At kung magpakaganito, walang failure na masasaisip sa sinumang nanunungkulan.
Ang tanging babanggitin na disclosure ay ang paisa-isang problemang di naman kayang solusyunan-mga balakid na nanggagaling sa inepektibong lumang sistemang nais ngang lunsaran ng minumungkahing pagbabago at pag-unlad ng nanunungkulan. Tagumpay-pay-pay! ang aalingangaw sa SONA sa Batasan Pambansa. Di nga ba't paratihan ang pagbilang at pagbanggit sa ilang beses na pagkaistorbo (kunwari pa raw!) sa daloy ng talumpati ni Arroyo ng masibong palakpapakan (ng pala?) ng tagapakinig nito.
Ikalawa, ang inobasyon ni Arroyo sa naunang mga presidenteng nagbigay ng kanilang SONA ay ang paggamit nito ng high-tech multi-media presentation: powerpoints, news clips, animation, slide show, at iba pa. Nagmimistulang circus sa dami ng jina-juggle ni Arroyo bilang ring master ng palabas. Sa kanyang masteri ng teleprompter o ang pagbasa ng talumpati na nagmimistulang parang saulado niya ang mga bahagi nito, siya ang henyo ng pambansang pag-unlad-kung paano tayo aabante mula sa krisis at abang lagay, tungo sa lupang pangako (kasama ang Constituent Assembly na magdaragdag ng anim na taon sa kanyang panunungkulan!).
Isang maningning na SONA-ta ng linlangan! Hindi man lang pagsisinungaling ito dahil sa lohikang tinutumbok ng taunang talumpati, napapagdikit ang tama at mali para kahit mali ay maging tama, at ang maling tama ay maging katotohanan. Ang pwersa na ang mali ay nagiging katotohanan ang afekto ng politikal na kapangyarihan: naipapasa bilang normal at unibersal ang kasinungalingan ng pambansang lagay sa pamamagitan ng pagtanto sa orkestrasyon ng SONA bilang ofisyal na pambansang script.
Ito ang kwentong nais ipapaniwala ng ritwal ng taunang SONA. Ito ang primordial na naratibo ng pagkabansa-ang ofisyal bilang hulmahan ng susunod pang pagsisinungaling, na sa kalaunan ay nagiging pagsasabansa sa pamamagitan ng paglilinlang. Ground zero kumbaga ang SONA ng orkestrasyon, manipulasyon, kontrol, at dominasyon ng estado sa mamamayan nito. Na sa maraming postmodernista, ang ganitong pagsusuri sa estado ay hindi matwid, hindi naman hunghang ang mamamayan para simpleng tanggapin ito.
Sino ang mas hunghang? ang mamamayang walang pagpipilian kundi ang sumunod sa social script ng ofisyal na bansa, o ang kritiko sa ivory tower na akala ay bubuti pa ang lagay ng mamamayan-dahil siya mismo ay mabuti naman ang lagay kumpara sa mamamayang kanyang ina-agenda-kahit hindi? Sino ang tunay na baliw sa pag-unawa ng pambansang lagay na taunang inaakda ng SONA?
Hindi pa ba nakakasapat ang urban legend sa ginawang poster child ng kahirapan na nais matulungan ng SONA ng mga pambansang administrasyon? Si Felipe Natanio, mas kilala bilang Mang Pandoy, ay ginamit ni Fidel Ramos bilang mukha ng kahirapan. Nabubuhay na sadlak sa matinding kahirapan, binigyan ng talk show "Ang Pandayan ni Mang Pandoy" at kumita ng P2,000 bawat episode sa tatlong taon nitong paglabas sa walang nanonood na Channel 4, ang channel ng gobyerno?
Marami rin siyang nakamit na limos mula sa iba pang politiko. Ginawa siyang consultant ni Jose de Venecia, Jr., at nakakuha rin ng pondo mula sa pamahalaan ng Quezon City. Binigyan din siya ng bahay, pero naibenta niya ito. Nang hindi bumuti ang kanyang mga binuksan na negosyo, napilitan itong magtrabaho muli bilang tindero ng gulay at hardinero para mabuhay ang kanyang walong anak. Namatay si Mang Pandoy noong 28 Agosto 2008 sa TB, at kinailangan muling dumulog sa DSWD para mailibing ito.
Anong uri ng buhay itong umaasa na lamang sa limos ng nanunungkulan? At kahit pa maging "it" boy si Mang Pandoy, hindi pa rin nakakasapat ang tulong (limos) ng gobyerno. Hindi sistematiko ang tugon sa isang malawakang sistemikong problema ng kahirapan. Kaya ang tugon ay charity work. Paano ang milyon-milyong mamamayang di naging poster child, tulad ni Mang Pandoy at ang tatlong taga-Payatas na bangkang batang dumulog kay Arroyo?
Sa unang SONA ni Arroyo, iniharap niya sa publiko ang tatlong magkakapatid na nagsulat ng kanilang mga pangarap na trabaho para sa magulang, edukasyon para sa sarili, at lupa para sa pamilya sa papel na ginawang bangka, ipinaanod sa estero, at sa mahika ng kathang imahinasyon, tumuloy sa Malacanan at nabasa ni Arroyo. Kaagad na ibinigay ni Arroyo ang mga kahilingan, at ngayon nga ay may kalahating milyong pondo na ang nagagamit para pag-aralin ang mga ito.
Ang kawanggawa-mode na tugon sa malawakang kahirapan ay naperfekto mula sa aral sa trahedya ni Mang Pandoy, at sa tasitong tagumpay ng pagtulong sa pamilya ng mga bata sa Payatas. Hindi nga ba't sa jumpstarting ng pambansang ekonomiya ni Arroyo sa edad ng global at politikal na krisis nito, namudmod ito ng P500 sa mga pamilyang hindi makalampas sa itinakdang halaga ang kanilang bill ng Meralco? O ang pamumudmod na murang bigas-na binabantayan ng armadong militar-sa hanay ng milyon-milyong mamamayang limitado ang pera para sa pagkain?
Paano nangyari ang ganitong pambansang lagay na umaasa na lamang para mabuhay sa pagsasanla ng kolektibong pangarap ng pag-unlad sa individualisadong akses sa kakilalang politiko? Ang sinasabing pinakatampok na kasalanan ni Joseph Estrada sa bayan ay ang paglako nito sa pangarap ng bayan bilang katumbas ng pangarap niya: na siya ang katawan ng pangarap ng pag-unlad. Kaya nang lumabis ang siga nitong pagma-manage sa bansa bilang kanyang sariling teritoryo, nag-aklas ang mamamayang ninakawan ng kanilang pangarap. Anong kataksilan!
Walang pangako si Arroyo na siya ang kakatawan sa pangarap ng mamamayan. Nasadlak siyang maging pangulo nang mapatalsik si Estrada, at matapos nito, kinarir niya ang paghawak sa kapangyarihan. Sa panahon ng mga krisis sa kanyang administrasyon, kasama ng serye ng korapsyon at pagsisinungaling, nagiging invisible president ito. Hindi nakikita.
Business-as-usual ang kanyang dharma sa panunungkulan. Parang wala lang, walang nangyari kaya walang paliwanag. At tanging sa SONA ito hindi magpapaliwanag kundi kakatha ng pambansang kwento nais ipaniwala sa bayan. Na kahit na maraming akusasyon at batayan ng pagkalaglag niya sa kapangyarihan, siya pa rin ang best option ng bayan sa taong darating, at kung papangarapin ni Arroyo, tulad ni Marcos, hanggang magpakailanman.
Noong lumalaki kami sa panahon ng diktaduyang Marcos, parating panakot sa amin ay si Marcos lang ang makikilala naming pangulo. Tila may katotohanan ito sa edad ng mga henerasyong lumaki at nagkamalay sa panahon ng rehimeng Arroyo. At ang complacency at pasibong asta na wala nang magagawa ang nagmumulto sa amin at sa kasalukuyang henerasyon. Panahon na para magsaya, forgets na ang problema, huwag na magpa-cry-cry, kaya join na lang kayo, let's all have a good time.
Ang extra-challenge sa amin na napagtagumpayan ng henerasyon ko ay ang pagpapatalsik kay Marcos. At sa sumunod na henerasyon, ang kay Estrada. Ang extra-challenge sa kasalukuyang henerasyon ay kundi man mapatalsik, tiyaking ito na ang huling SONA at SONA-ta ng linlangan ni Arroyo. (Bulatlat.com)
Vox Bikol Editions
- 1 of 7
- ››