Submitted by Vox Bikol on
Maitatanong marahil kung paano ang mga estrangherong katulad namin ay papapasukin na lamang at basta sa loob ng bahay ni Angela. Ganito ang salubong namin sa singkit na lalaki:
“Marhay na aldaw po!” pagmamagandang araw ni Raffi sa salitang Bikol, “May mga bisita po kami, isang National Artist at mga manunulat na galing sa Manila, gustong makita ang loob ng bahay ni Angela Manalang Gloria, kung puwede…”
Iyong “National Artist” ang kaagad kumuliling sa kaniyang tainga. Nakita kong napanatag ang dati’y aburidong mukha niya at saglit na bumilog ang singkit na mga mata. May ngiting sumungaw sa matatambok na pisnging naanggian habang naglalakad sa ulan.
Hindi agad sumagot ang lalaki. Tiningnan ang itsura namin ni Raffi. Nang makitang hindi naman kami mukhang bolerong ahente na magbebenta ng kung anu-ano, ay nagpakilalang siya si Mr. Jose Ong. Asawa niya ang anak ni Angela Manalang Gloria. Itinuro niya kami sa kanang bahagi ng bakuran na kinaroroonan ng isang maliit na bunggalo na mukhang opisina ang harapan. Pagpasok namin sa opisina ay kaagad tumayo ang isang babaeng nagtatrabaho sa harap ng isang mesang maraming papeles sa ibabaw. Sa tantiya ko ay mahigit nang apatnapung taong gulang ang babae, maikli ang buhok, bilugan ang katawan at may alangang ngiti sa mga labi.
“Marhay na aldaw po!” sabi uli ni Raffi. Nagpakilala kami, pagkatapos ay inulit ni Raffi ang entrada kanina. “May mga bisita po kami, isang National Artist at mga manunulat at makata na galing sa Manila. Gusto sanang makita ang loob ng bahay, kung puwede. Kayo po ba ang anak…” Tumango ang babae bago natapos ang tanong.
“Panduwa ako. Nasa States na ang mga kapatid ko…” nasulyapan niyang nagsipasok na sa bakuran ang mga kasama namin. Siguro’y nakitang hindi naman pipitsugin ang itsura namin. Agad siyang tumawag ng isang lalaki sa labas at inutos na papasukin kami sa bahay. Mukhang siya pa rin ang amo sa looban.
Ang loobang napasok namin ay ang bakurang kung tawagin ng mga Bikolano ay natad o lagwerta. Noong unang panahon, ito ang maluwang na damuhan na malimit ay naliligid ng mga halamang namumulaklak o punong namumunga. Dito sumasagap ang mga maybahay ng sariwang hangin kung umaga, dito naglalaro ang mga bata kung dapithapon at dito rin nag-uulayaw ang bagong magsing-irog pagkagat ng dilim. Ngunit ang bakurang bumulaga sa amin ay walang halamang namumulaklak o punong namumunga. Ang bakuran ay nagsisikip sa maraming nakaparadang trak at sasakyang iba’t iba ang uri at laki. May inaayos at may naghihintay lamang ng hudyat para ilabas. May mga piyesa ng makina na nakakalat sa basang lupa. Maraming trabahador na paroo’t parito at abala sa kung anu-anong gawaing minamadali.
Nang marinig ni Mister Ong na pinapapasok kami ng anak ni Angela ay siya na mismo ang mabilis na nanguna sa amin. Isa-isa kaming tiningnan at marahil ay kinikilala kung sino sa amin ang National Artist. Bago kami nakapasok sa pinakapintuan sa ibaba ng bahay ay sunod-sunod ang utos niya sa mga trabahador, sa wikang Bikol. Ipinapaayos ang mga gamit sa itaas at nagpapahanda ng meryenda. Hindi ko pa alam na para sa amin ang meryenda. Tiwala siyang hindi naiintindihan ng mga bisitang taga-Manila ang kaniyang sinasabi.
May nakita akong tao na nagmamadaling umakyat sa likuran ng bahay. Palagay ko’y uunahan kami sa itaas upang maitago ang ayaw ipakita at isaayos ang mga daraanan namin. Noon ko nasilip ang sira nang hagdanan paakyat sa gawi ng paminggalan—banggerahan sa aming mga Bikolano. Sira na rin ang sulambi—medya-agua o sûyap—sa gawing iyon kaya ang mga kahoy na baitang at barandilya, na noon ay basa sa tikatik na ulan, ay kulay-lumot na’t marupok sa tingin.
Pagpasok namin sa pinakapintuan ng bahay ni Angela ay nakatingala na agad ako’t umaasang makikita ang maluwang na silong. Noong araw ang silong ng mga bahay na bato ay paradahan ng karwahe, bodega ng palay at imbakan ng mga gamit sa asyenda. Maluwang nga ang silong. Ngunit walang karwahe, bodega o mga gamit-asyenda. Ang naroon ay maraming hanay ng mga plastik na sa palagay ko’y langis at aseyte ang laman. Ganoon man ay hindi pa rin nabura ang pagkamangha ko sa napakalalaking haligi, biga at suleras na kahoy. Noon lamang ako nakakita ng ganoon kalalaking mga buong tabla at troso. Nakaturnilyo sa mga haligi ang mga biga. Malalaki ang turnilyo at ginamitan pa ng mga tuwerka at sapatilya. Ang mga dulo ng suleras ay nakamitsa sa mga biga. Bagama’t pinamahayan na ng gagamba ang ilalim ng suleras ay mababanaag sa malamlam na liwanag ang ilang usling turnilyo na siyang humahawak sa suwelo o sahig sa itaas. Sa isip ko’y saglit na naglaro ang mga trosong ginamit sa paggawa ng galeon sa mga astilyero ng Pantao sa Libon at Bagatao sa Sorsogon. Heto, sabi ko sa sarili, ang tagong lakas na pumapasan sa palalong bahay. Ilang hamak na maggagawa kaya, ilang bihasang karpintero’t mason ang namuhunan ng pawis at hirap upang maiangat sa matayog na kalagayan at makipagtalik sa mga bituin ang mga pangarap ni Angela?
Nauntol ang paglalayag ng aking isip nang itulak ako ng kasama kong si Dan at madaliing umakyat ng hagdanan—ng napakaluwag na hagdanan! Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan ng bahay ang hagdanang kasinluwag ng mga nasa munisipyo. Pinaaakyat kaya nila nang sabay-sabay ang mga nagpuprusisyon kay San Juan Bautista kung pista? Sa tantiya ko ay puwede kaming pitong magkakasama, at kahit isabay pa si Mister Ong, na magmartsa paakyat ng hagdanan nang magkakaagapay. At habang umaakyat ay nakita ko ang kakaibang lilok ng malalaking barandilya. Gawa ito sa matigas na kahoy na kayumangging malalim ang kulay at kuminis na sa hipo at haplos ng mga akyat-panaog ng hagdan. Heto, sabi ko na naman sa sarili, ang isang parte ng bahay na tiyak kong hinaplos ng mga kamay ni Angela. Lumapit ako’t pasimpleng humaplos sa barandilya, umapuhap ng pag-asang may maramdaman sa bakas ng mga kamay ng kaisa-isang nilalang na nagbibigay halaga sa mga labi nitong bahay. Alikabok ang una kong naapuhap. Pagkatapos ay nakita kong ang mga bahaging malinis ay iyong sadyang hinagod na ng palad ni Mister Ong, na nangunguna sa amin, upang hindi madumihan ang kamay namin. Ganoon ang pagkamaalalahanin sa bisita ng mga Bikolano.
Pag-ahon sa hagdanan ay bumulaga sa amin ang maluwang na komidor, na kung tawagin ay silid-kainan—pero ito ay maluwag kaysa isang silid. Pinagmasdan ko ang paligid buhat sa kanan ko: may dalawang pintuang sa palagay ko’y papasok sa silid-tulugan, isang lumang eskaparate, pintuang palabas ng banggerahan (dahil aninag ang liwanag at nararamdaman ang hangin galing sa labas), mga estante ng libro, maluwang na pintuang papasok sa sala, at sa pinakakaliwa ko ay may dalawang antigong upuan na napakaarte ang lilok na sandalan. Sa gawing kaliwa ng komidor, kung ikaw ay nakaharap na roon, ay ang malaking mesang kainan, na makakaupo yata ng labing-dalawa. Sa palagay ko, ang dalawang antigong upuan ay tira ng mga dating nakapaikot sa mesa.
(Itutuloy)