Ang nangyari sa Mayo Uno 2009 ay isa lamang yugto sa realisasyon ng manggagawa sa kanyang halaga, ang tagapag-akda ng kasaysayan. At kung ang indikasyon ay ang bilang ng nagkakaisang hanay ng manggagawa, magsasaka, estudyante, guro at intelektwal, ang estado ni Gloria Arroyo ay nangangamba na. Sa edad ng pangdaigdigang ekonomiyang krisis, ang pinakamasamang panaginip ng estado ay nangyayari na: muling inaangkin ng manggagawa ang kanilang politikal na kapangyarihan.
NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Kaiba ang dami ng manggagawang lumahok sa Araw ng Paggawa ng 2009. Ito ang pinakamaraming bilang sa mga taunang pagdiriwang na nadaluhan ko. Biro nga ng isang organisador, habang hinahawi ang nakaunang mga sektor sa linya, "Patabi lamang po, iba kasi kapag masyadong marami."
Matagal na kasi ring biruan sa taunang pagdiriwang na mas marami pa ang supporters kaysa sa aktwal na manggagawa sa Araw ng Paggawa. Bukod sa internal na kontradiksyon ng kilusang paggawa sa nakaraang isa hanggang dalawang dekada, tunay rin naman ang pamdaramdong ng estado at neoliberal na globalisasyon sa kanilang sektor.
Ipinatupad ng estado ang subkontrakwalisasyon bilang namamayaning kalakaran ng empleyo. At ang lumalaking bilang ng manggagawa ay nakapaloob sa di makatarungang relasyong ito. Kada limang buwan o mas mabilis pa nga, nililigwak na ang subkontrakwal na manggagawa para hindi ito i-fulltime ng kanyang empleyador. Dahil ito na ang namamayaning kalakaran, paratihan na lamang siyang magiging palipat-lipat o nire-renew na subkontrakwal na manggawang walang benefisyo at karapatan.
Bukod pa rito, sa patuloy na panghihimok ng estado ng dayuhang kapital, sapilitan ang pag-aalok ng kondisyong strike-free sa mga maglilipat sa economic zones. Sinisikil ang mga karapatan ng mangggawa, pati ang pagpapataas ng ekonomikong lagay para sa disenteng pamumuhay. Kahit na ilang krisis ang bumigwas sa bansa-pagbuhawi ng presyo ng gasolina at bilihin, at ang kasalukuyang pandaigdigang ekonomiyang krisis-binabarat ang manggagawa. Pinagkakait ang P125 pagtaas ng sweldo sa pribadong sektor, at P3000 across-the-board increase sa publikong sektor.
Tunay na survival wage level lamang ang pasahod, para lamang muling makabalik ang manggagawa sa pabrika araw-araw. Pinanatiling aba ang kanilang lagay para matiyak ang murang pagtataya sa kanilang lakas paggawa. At hindi lamang ito, sa taunang laki ng bilang ng populasyon ng pumapasok sa lakas paggawa, natitiyak din ng estado na mayroong malawak at malalim na reserbadong army ng sobrang paggawa. Magtitiyak ito na mananatiling maliit ang pasweldo sa dami ng nais magkatrabaho.
O parating mayroon pa ring magtataas ng kamay sa tuwing may empleyador na mangangailangan ng subkontrakwal na paggawa. Hindi mauubusan ng pila na nag-a-apply sa SM, o sa Pegasus at Adonis, at hindi rin mauubusan ng pila sa mga bukas na pabrika. Hindi mawawalan ng pila dahil hindi naman natitigil mangarap ng magandang buhay at kinabukasan para sa sarili, pamilya at mahal sa buhay.
Ang hagupit naman ng neoliberal na globalisasyon ang naghatid sa lakas paggawa sa paanan ng dayuhang negosyo. Sa pagpasok ng estado sa kanila, ipinaloob na rin nito ang lakas paggawa at ang mga buhay na nakadepende rito sa kalakaran ng pandaigdigang negosyo. At ngayong dumaranas ng matinding krisis ang global na ekonomiya, tinatayang 200,000 hanggang 300,000 ang mawawalan ng trabaho ngayong taon pa lamang.
Bukod rito, binaluktot ng neoliberal na globalisasyon ang nosyon ng politikal na kapangyarihan ng manggagawa. Tinanggalan, kundi man sistemikong binuwag, ng estado ang mga unyon, lalo na ang militanteng unyonismo, para paboran ang kondisyon ng pagkakaroon ng trabaho sa panahon ng relatibong kalma sa pambansang ekonomiya kaysa pagtitiyak ng unyonismong magtataguyod ng interes ng manggagawa. Dahil taliwas naman ang interes ng manggagawa at ng kapitalista, ang pagtanggal ng militanteng unyonismo ang nagtiyak nang pagtataguyod ng interes ng negosyante.
At nagtiyak din ito ng sitematikong pandarambong sa lakas paggawa ng individual at kolektibong manggagawa. Sa panahon ng relatibong ekonomiyang kalma, ang manggagawa bilang konsumeristang nasa abang lagay ay nagkakaroon ng identifikasyon sa gitnang uring panuntunan ng buhay. Nangangarap siya ng kalitatibong marka ng "magandang buhay:" tirahan, kuryente, malinis na tubig, sasakyan, gamit sa bahay, edukasyon para sa mga anak, malling, kapasidad makipag-inuman sa mga kaibigan, at iba pa.
Ang pagpaloob ng manggagawa sa kapangyarihang ekonomiya ng kulturang popular-na isa rin namang higanteng negosyo-ay nagmamaterialisa sa kanyang depolitisasyon: hindi na siya nag-iisip bilang manggagawang kailangang militanteng ipinaglalaban ang kanyang mga karapatan at kagalingan, nag-iisip na siya bilang konsumerista na ang kabalintunaan naman, ay mababa ang aktwal na ekonomiyang kapangyarihan. Walang ganap na ekonomiyang kapangyarihan-lalo na kapag nasisante-wala rin siyang ganap na politikal na kapangyarihan.
Tinanggap na niya ang sariling abang lagay bilang ideal-hindi mababago, umasa na lamang sa kawanggawa ng kapitalista't gobyerno, maging mapagpasalamat pa nga dahil kahit papaano ay may trabaho. At kung magpakaganito, pinapailalim na niya ang kanyang ekonomiya at politikal na interes at karapatan sa poder ng estado. Ang ganitong mapagtanggap-hindi nagtatanong at nanlalaban-mula sa antas ng sarili ng manggagawa ang nagbibigay-kapangyarihan sa estado na gawin ang ginagawang paglalapastangan nito sa hanay ng kilusang paggawa.
Ang natural na rekurso ng produksyon ay gawing tago ang lahok ng lakas paggawa ng manggagawa. Sa punto de bista ng pagbili at pagtangkilik sa mga produkto ng kapitalista, pinaglalaho ang substansyal na lahok ng lakas paggawa, at sa proseso, ginagawang mahika ang produktong nagiging komoditi na. Sa pagkain ng Chicken Joy, halimbawa, walang nakakaalala sa manggagawang nagpakain araw-araw sa manok, nagpalaki nito, pumala sa dumi nito nang hindi mapiste ang manok, nagpatay at nagbalahibo sa manok, naghiwa at nagpirito nito.
Dahil kapag naalaala na ng konsumerista ang elemento ng lakas paggawa, hindi na magiging kasiya-siya ang pagtangkilik sa produkto. Nawala na ang mahika nito. Hindi nga ba ang kasiyahan sa magic ay ang pagpapanatili nitong sikreto-hindi nakikita ang harness o ang inipit na baraha-dahil hindi mamamangha ang tumutunghay kapag alam niya ang sikreto ng magician, o kaya ay nabisto niya ito. Kailangan ay nasa pwesto ang bawat elemento ng trick ng magician.
Hindi sinasagpang ng mga alagang tigre, lalo na sa harap ng manonood, ang magician. Hindi ito nalulunod habang nakatali ng kadena at nakalublob sa nakatagong tangke. Ang kapitalista bilang magician ay nagiging makapangyarihan kapag nakatago ang operasyon ng paghuthot niya ng kita. Ang kalakarang kapitalismo para maging matagumpay ay dapat nakakapangumbinsi sa magic na magpapalaho sa paggawa.
At ang tumutunghay-tumatangkilik at kabilang dito ang manggagawang hindi pa nga lubos ang kapangyarihang makapagtangkilik-ay natuto na ring suspindihin ang kanyang paniniwala, at manalig na wala siyang dinadambong na manggagawa sa proseso ng pagtangkilik. At kung mayroon man, nakakapag-maan-maangan, tulad sa magic, na hindi niya alam ito dahil ang trick ng kapitalismo ay gawin nga namang tago ang proseso ng transformasyon ng produkto sa komoditi.
Susing kawing rito ang transformasyon ng paggawa sa antas ng desubstansasyon at depolitisisasyon nito. Ginagawang wala itong reli (relevance o halaga) sa akto ng malling at konsumpsyon ng komoditi. Walang manggagawang lumikha ng mall, at damit at serbisyo na itinitinda sa loob nito kahit pa sandamakmak ang taong inilagay sa pwesto ng subkontraktwal na manggagawa. Kahit pa ang mismong maller ay isang manggagawa rin. Hindi niya kinikilala ang taong nagsisilbi sa kanya bilang kanyang kahanay, at lalong hindi kauri. Tinanggap na niya ang posisyon bilang konsumerista at gitnang uri sa aktong ito.
Ang tanging rekurso sa depolitisasyon ng manggagawa ay ang politisasyon ng individual at kolektibong hanay. Sa pamamagitan ng edukasyon at militanteng pagkilos marerealisa ng manggagawa ang kanyang tunay na potensyal: pwede niyang patigilin ang makina at pabrika, pwede niyang pigain ang kita ng kapitalista, at sila mismo ang pinakamasamang panaginip ng kapitalista dahil narealisa nila ang tunay nilang halaga-ang tagapaglikha ng kasaysayan.
Ang nangyari sa Mayo Uno 2009 ay isa lamang yugto sa realisasyon ng manggagawa sa kanyang halaga, ang tagapag-akda ng kasaysayan. At kung ang indikasyon ay ang bilang ng nagkakaisang hanay ng manggagawa, magsasaka, estudyante, guro at intelektwal, ang estado ni Gloria Arroyo ay nangangamba na. Sa edad ng pangdaigdigang ekonomiyang krisis, ang pinakamasamang panaginip ng estado ay nangyayari na: muling inaangkin ng manggagawa ang kanilang politikal na kapangyarihan.(Bulatlat.com)