Jejemon

Submitted by Vox Bikol on Mon, 05/10/2010 - 17:52

siN0H AnG iBoBo2 U~ sa ELeKxoN, N0H? c~ N0N0y~ ba Na~ wLAng TRack~ rEc0RD~ AT~ SOC-deM,~ c~ VILLar~ bA nA SndAmKMk Ang kSO ng qRapx0N, o~ C ErAp~ Na PiNTAwd nA KRiMInl, N0h?

Ito ang bagong "craze" at pet peeve ngayon. Gusto mo o kinamumuhian mo. Gusto mo dahil bagong anyo ito ng lengwahe, lalo na yaong historikal na naisantabi na sa kasalukuyang terminolohiya ay ang jologs. Ito ang sub-uri ng lumpen proletaryado, ang ayaw mong makasama sa public transport dahil ito ang inaakala mong magnanakaw ng iyong cellphone o notebook, ayaw mong makita sa mall dahil ito ang low-brow na manggugulo lamang, o ang pumapasok sa UP Fair para makipaggitgitan at makapasok ng libre.

Kaya marahil, ayaw mo ng jejemon o ang bagong wikang halaw sa Latin Amerika ("jeje" bilang pagsasaad ng pagtawa o lol [laugh out loud], at ang katumbas nito sa Pilipinas ay "hehe") na nagpapamutiktik ng text at iba pang social networking sites (Friendster bilang pangunahing realm ng jologs at Facebook bilang naabot na ring virtual na komunidad ng jologs at mas naunang gitnang uri) ng dagdag na consonants at capital letters.

Pinamumutiktik ng h at ~, gayong sa aktwal na text ay 160 characters lang ang kapasidad nito, kundi ay doble na ang bayad dito. Sa pangunahing source ng "jejemon," ang Urban Dictionary website, pejoratibo ang tampok na kalidad nito. Ayon dito, ang jejemon ay ang mga sumusunod:

"- a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh..
whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.
- (noun or adj.)-a person who is very expert in typing..
- a person that nevr (sic) gets tired of typing consonants in all of his comments...
- people with very LOW IQ
- a person that destroys the morale of language in any typing media like internet, cellphones...etc...
- a person you want to fuck off and kill
- an emo/gangster who owns all the possible negative qualities of a person." (http://www.urbandictionary.com/define.php?term=jejemon)

Kung gayon, ang mga katangiang inilista ay patutsada sa abang uri (underclass) na pamali-mali ang spelling sa texting ("spell as you pronounce" hindi pa dahil nagtitipid sa character-usage kundi talagang di lang alam ang baybay), at kung gayon, sinasabi rin na hindi magaling mag-type (sa kaso ng computer) at text. Kaya masasabing low IQ (walang pinag-aralan) at kung gayon muli, pwede mong ipagfantasyang patayin kundi man makaisa man lamang sa kanila.

Ang jejemon ay sintomas ng bagong pagsa-sub-uri sa bansa. Umalagwa na ang pasosyal (matatagpuan sila sa call centers), at ang tunay na sosyal, nakakabili ng latest na gadget o ang aproximasyon nito. May entitlement ka sa teknolohiya dahil ito ang pangako ng mamahaling gadget na binili mo. At dahil nga mahal ito, exclusibo ang turing sa karanasang inaakalang magpapabukod-tangi sa nakararami.

Parang ilang araw lang, tinanong ako ng I-phone program sa aking computer kung gusto kong mag-update. Nag-agree ako, at natagpuan ko na lamang ang aking I-phone na blinock na ng internet. Binili ko kasi ito sa US, pina-unlock sa Marikina Riverbanks, at nagmintina ng prepaid sa Globe kahit pa sa kasunduan sa Apple ay post-paid lamang ang akses sa I-phone sa bansa. Kaya nga ako na-block. Nakahabol ang copyright sa aking (iligal) na gamit ng gadget.

At ganito rin ang predikamento ng iba pang jejemons. May mahihinuang pagtutumbas sa anumang gitnang uring panuntunan para sa mga nilalang na hindi pagkakalooban ng tadhana ng kapitalismo na magkaroon ng akses dito. Kaya irregular ang akses. Kung branded ang sa gitnang uri, sa jejemons ay Divisoria o Greenhills pirated (na may iba't iba pang class ng piracy); kung cellphones ito, pwede namang nenuk (ninakaw) o yung mas lumang modelo.

Ang paglikha ng kaantasan ay hindi lamang simpleng paghihiwalay sa may K (karapatan) at sa wala. Ito ay paglikha rin ng epistemiko at maging literal na karahasan (sa kaso nga ng jejemon sa Urban Dictionary na may tasitong panghihimok ng annihilation). Inetsapwera na nga sila ng estado, ineetsapwera pa sila ng mismong mamamayan nito.

Samakatuwid, ito ang tagumpay ng mismong estado. Hindi nito kailangan gumawa ng batas para ietsapwera ang peligrosong mamamayan. Epekto na lamang ang pagkaetsapwera ng lantarang polisiyang ekonomiko at politika nakapabor sa naghaharing uri ng bansa. At ang isang direktang epekto nga ng paglikha ng hegemoniya ng naghaharing uri-na pati ang pinaghaharian ay umaastang kabahagi ng ideolohiya ng naghahari-na muling nag-eetsapwera sa mamamayan.

"Felt" ang pagkaetsapwera dahil may mukha ng taong nakaharap at nagmamamnan sa ugali at pagkilos ng jejemon. Hindi tulad ng estado, abstrakto ang mukha ng nagpapahirap: paano maikokonekta sina Palparan, Gonzalez at Arroyo, halimbawa, sa sistematikong pagkaligwak ng kabuhayan ng mahihirap gayong pulis at MMDA ni Bayani Fernando ang nagpatupad nito?

Sa aking palagay, ang jejemon ay hindi naman pangalang nanggaling sa mismong hanay ng jologs, tulad ng salitang "jologs" mismo. Ipinataw lamang ito mula sa penomenong global, galing ng Latin Amerika, gamit ng naghihikahos doon at mga bakla. At kung gayon, ang paglikha ng transglobal na lokalidad ng pagkaetsapwera ng naisantabing mamamayan. Alam ng mga sub-uring ito ang kanilang pagkaetsapwera, at ang kapangyarihan ng pag-etsapwera ay ang kawalan-magagawa hinggil dito kundi ilantad ang laban sa larangan ng kultural.

Mananatiling malaganap ang jejemon sa texting at sa internet bilang wika ng subkulturang naisantabi at nagnanais umalagwa, hindi pumantay kundi magkaroon lamang ng pagka-hayag. Hindi yung binabakuran at whitewashed na pader sa panahon ng diktaduryang Marcos para lumikha ng demarkasyon ng karapat-dapat at hindi. Ito na yung pag-demolish ng tirahan para itapon ang mag-anak sa lugar na wala na sa imahinasyon ng gitnang uring Filipino.

Ipinataw mula sa itaas ang pangalan at ang pagbibigay-ngalan sa karanasan ng jejemon. Kahit pa nga buhay na sa ground level ang ganitong subkultura. Ang akses na inaakala ng jejemon para sa kanilang lehitimasyon ay kultural, ang pamamayagpag sa media, internet at text bilang pagsasaad na buhay at patuloy na nagtratransforma ang ganitong subkultura.

Pero maging ito ay kooptasyon na rin ng kapital at estado. Umiinog ang mundo sa ekonomiyang kapasidad na makabili ng load at makapagtext, makaipon ng pera para maka-internet at Facebook, bilang asersyon ng politikal na identidad. Hindi nakakasapat. Sa pamamagitan ng direktang politikal na pakikitunggali lamang magkakaroon ng lagusan para sa politikal na pagkamamamayan ang naisantabi. Sa ngayon, ito munang asersyon sa larangan ng kultural, ang tahimik na pamamayagpag dahil nga sa presensya at substansya ng gitnang uri na mahilig sa alintuntunin at proseso, at ngayon silang nagtataguyod ng dekorum ang bigla na lamang nagiging "Jejebusters" at "grammar Nazi." (Bulatlat.com)