Nangyari ang panayam noong Disyembre ng nakaraang taon (2009) sa isang restaurant sa kahabaan ng Katipunan. Plano ko sana itong ilabas sa pagbukas ng bagong taon, ngunit may ibang mga kahingian sa pag-aaral ko rin ang kinailangan kong harapin. Wala akong ibang pakay sa panayam na ito kundi gusto ko lamang na makarating sa mas nakakarami lalo na sa mga kapwa-Bikolnon at sa iba pang kababayan natin, ang balita ng pagkapanalo ng pelikulang 'Ang Panggagahasa Kay Fe' bilang pinakamahusay na pelikulang inilahok sa 33rd Cairo Film Festival, ang ikatlo sa pinakamarangyang film festival sa mundo at ang pinakamalaki sa daigdig ng mga Islamikong bansa at estado. Bago ang pagkapanalo nito sa kaharian ni Cleopatra, ginawaran na ang nasabing pelikula ng Special Jury Prize sa 2009 Cinemalaya Film Festival.
Malamang ay sabihing hindi na bago ang ganitong pagkapanalo ng isang pelikula mula sa Filipinas. Maraming pelikula na, na gawa sa ating bansa ang noon pa man ay kinilala na sa angking kagalingan nito, magmula sa mga aktor, at higit sa lahat sa kakaibang materyal at pagsasalaysay ng naratibo, mga makakapangyarihang eksena na lalong nagpapalitaw ng kabuluhan ng mga ganitong sityo at tagpo na pinapatingkad lalo sa kung paano ito hinuhuli sa lente ng kamera, kung saan maraming tao rin, magmula sa direktor, mga staff at crew ang nasa likod ng buong produksyon.
At bago mauwi sa anupang diskurso ang sanaysay na ito, sabihin ko na, na ang direktor at manunulat sa likod ng pelikulang 'Ang Panggahasa Kay Fe' ay isang Bikolanong oragon, si Alvin B. Yapan na tubong-Pili, Camarines Sur, nag-aral sa Ateneo de Naga University noong hayskul at ngayon ay kasalukuyang propesor ng panitikan sa Kagawaran ng Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila.
Bago niya suungin ang mundo ng pelikula, nagsimula munang magsulat si Alvin ng mga maikling kuwento at nobela. Ang kanyang unang nobelang 'Ang Sandali ng Mata' (Ateneo de Manila University Press) ay pinagkalooban ng National Book Award noong 2007. Nanalo na rin siya sa Palanca, ng NCCA Writers' Prize at nakatakdang maglabas ng pangalawang nobelang may nakakaintrigang pamagat na 'Sambahin ang Katawan'.
Ang unang parangal pampelikula naman ay natanggap niya noong 2007 para sa kanyang short film na 'Rolyo', na kinilala bilang pinakamahusay na pelikula sa kategoryang iyon ng Cinemalaya. Ang 'Rolyo' na kinunan sa Pili at Naga ay maaring sabihing ars poetica rin ni Vim sa kung paano niya tayo inaakay na tunghayan ang kanyang produksyon at salatin ang mga naratibong hitik sa mga kabalintunaan na higit itinatanghal ang ating mga partikular na karanasan bilang tao. Noong nakaraang taon din (2009) kinilala ang kontribusyon ni Yapan sa sining at kultura sa kauna-unahang Bikolinismo Awards, kung saan isa siya sa mga kinilala sa kanilang husay at galing, kabilang sa mga kapwa niya pinagkalooban ay ang batikang manunulat din sa pelikula at telebisyon na si Ricky Lee, ang nobelistang si Abdon M. Balde Jr, ang pintor na si Pancho Piano, ang direktor pangteatro si William Espejo, ang makata-kritikong si Frank Peñones Jr. at ilan pang mga Bikolnon na alagad ng sining at kultura.
Sa panayam na ito, ilang tanong ang inahain ko para kay Alvin o mas kilala sa tawag na Vim, para matunghayan ang proseso ng kanyang pagbubuo ng pelikulang Panggagahasa at para malaman natin kung anu-ano pa ang balak niyang proyektong gawin sa pagsusulat at paggawa ng pelikula. Tinanong ko rin siya sa kung ano ang palagay niya sa panitikan at pelikulang Filipino na pareho niyang matagumpay na sinusuong.
KC: Mabalos Vim sa pagtugot mo na makaolay ka sa aldaw na ini. Mapuon na tabi ako kan enot na hapot. Isusurat ko palan ini sa Filipino nganing mas dakul an makabasa, plano ko ining iluwas sa Vox Bikol sa feature page ninda. Alam mo na rin kasi sa atin, puros awards na lang ng mga politicians natin ang nakahighlight, sa tingin ko, napapanahon na rin para magkaroon ng espasyo ang ating mga kapwa-Bikolnon na nasa humanidades, na patuloy na itinataguyod ang kalinangan ng ating mga sining at kultura.
Gaano kahalaga na nagsimula ka bilang manunulat na ngayon ay kinikilala na rin bilang isa sa natatanging direktor pampelikula ng ating panahon?
Vim Yapan: Sa tingin ko mahalagang-mahalaga na nagsimula ako bilang manunulat dahil isa itong disiplina na nangangailangan ng aktibong pagdulog sa bawat pagkakataon na nagsusulat ako.
Ang pagsusulat, katulad ng iba pang anyo ng sining ay isang disiplina na humuhubog sa'yo habang patuloy mong isinasagawa ang nasabing malikhaing gawain. Nakatutulong sa akin ang pagsusulat dahil inilalatag nito sa akin ang mga hamong inihahahain ko sa aking sarili bilang isang direktor pampelikula. Naghahanap ako palagi ng poetic narrative, o ng poetic sa kuwento, ibig sabihin, hindi lamang basta papagalawin ang kamera para hulihin ang isang eksena, kundi hahayaan mong gumalaw rin ang eksena sa harapan ng kamera at kung paano ito magtatagisan para buuin nila ang bawat isa. Dito pumapasok ang kahalagahan ng kuwento, ng naratibo, ng materyal, dahil ito ang istrukturang magsisilbing tagpuan ng eksena at ang kamera. Kung walang kuwento, tiyak na hindi gugulong ang kamera at uusad ang buong produksyong magdadala sa atin ng mga pelikulang may matinong kuwento.
KC: Ito nga ang madalas na sabihin tungkol sa mga pelikula mo Vim, sa mga reviews na nabasa ko katangi-tangi ang poetic narratives ng mga pelikulang Rolyo, o maging ang Panibugho na napanood ko rin at ito ngang 'Ang Panggagahasa kay Fe'. Pero paano ngayon nagkakaiba ang pelikula at ang pagsusulat? Alam kong ikaw rin ang nagsulat ng Panggagahasa, pero ang tinutukoy ko ditong pagsusulat ay ang panitikan. Hindi ba't isang malaking isyu ngayon lalo na sa mga kabataan, ang kawalang interes sa pagbabasa?
Vim Yapan: May shift siyempre na nangyayari kung nagsusulat ako ng kuwento o nobela at kung nagsusulat at nagdidirek ako ng pelikula. In literature, you work with words. Sa pelikula, iba naman, visual language ang ginagamit mo, hindi lamang yung magagandang dialogues kundi ang buong eksenang itatagni mo sa iba pang eksena. Every scene matters in the development of the story. Kaya nga advantage na maituturing 'yong pagiging direktor ko and scriptwriter at the same time. Pero hindi ibig sabihin nito na ako ang may monopoliya ng lahat. Ito ang isang bagay sa pelikula na natutunan ko. Oo meron tayong mga specific roles pero ang pelikula ay isang collaborative art. Hindi lamang ito tungkol sa producers na gustong yumaman o i-assert ang relevance ng kanilang pera sa mundo, o sa mga aktors na gustong sumikat at magkaroon ng break. Tungkol din ito sa lahat ng nasa likod at bumubuo ng pelikula.
Siyempre rin, kapag pelikula, may technology parating involved. May pagkakapareho rin katulad ng motif o concept mo sa isang kuwento, 'yong plot, 'yong pacing at 'yong composition ng scene. Hindi ko 'to alam nang nagsimula akong gumawa ng pelikula. Kailangan ko pang pilitin ang sarili kong sumali sa Palanca, sa Screenplay category para matutunan ang dynamics ng pagsusulat ng pelikula and eventually kung paano ang maging direktor. Pero mahilig na talaga ako sa sine. Sa Naga, maraming sinehan di ba? At masasabing aktibo akong manonood ng sine, yung panonood na hindi ka lang umuupo doon sa sinehen kundi nakikipagtalaban ka rin sa eksena. Naniniwala akong binabasa rin ang pelikula. At sa tingin ko ang maraming pelikulang sa atin ay ginagawa tayong mga pasibo. Hindi tayo ginagawang mga aktibong tagapaglikha rin ng kahulugan sa ating mga pinanonood. Basta lang tayong uupo, at pagkatapos wala na.
May bahagi ng kasaysayan natin na ang pelikula ay naging mahalagang kasangkapan upang higit na palitawin ang sigalot at tensyon na namamagitan sa ating mga personal na buhay at kung paano ang mga buhay na ito ay kinukundisyon ng mas makakapangyarihang salik sa ating lipunan. Kung paano halimbawa tayo binubulag ng relihiyon o ng sistemang pulitikal na nagtatakda at kumukundisyon sa mga taong sumang-ayon na lamang halimbawa sa isang mapang-aping rehimen.
Kaya marahil dahil sa pagod na rin sa mga pelikulang napapanood ko, kaya naisipan ko at hinamon ko ang sarili ko at ang mga kasamahan ko sa Ateneo, na gumawa ng sariling pelikula at ito nga 'yong Rolyo, simula nun, nagtuloy-tuloy na.
KC: Ano ba ang tingin mo sa mainstream cinema natin?
Vim Yapan: Walang artistic sense ang mainstream cinema natin. Ginawa lang ito para kumita at hindi para makakita tayo ng bago, ng mahusay na kuwento na magpupurga sa ating mga saloobin o pupukaw sa ating damdamin na makisangkot. At sa tingin ko ganito rin ang panitikan sa bansa natin. May hard-to-reach na image ang academic literature kumpara sa popular literature. Maaaring sa pamamagitan ng pelikula ay mareach-out natin yung maraming kababayan natin na tinatangkilik pa rin ang sine than the books. Pero hindi ko binabalewala ang kahalagahan ng aklat, maaring change of medium lang ito sa akin, at binabagtas ko ngayon ang dalawang mundo ng pelikula at panitikan upang mabigyan ko siguro ng mas marami pang pagkakataon ang sarili ko bilang manunulat at direktor na patuloy na pinagyayaman ng sining at ng buhay.
KC: Sa marami mong sinabi, sumasang-ayon ako bilang isa ring manunulat. At sa tingin ko sa maraming pagkakataon, maihahambing natin na ang pagpasok sa sinehan ay tulad din ng pag-pasok sa kuweba ni Platon, kung saan kinakaharap natin ang mga anino ng telon, na madalas tinitingnan nating reyalidad.
Malamang hindi lang natin ito gustong ipakita, pero may saloobin sa bawat isa sa atin, na parang ang buhay ay totoo lamang kung nasa sine ito. Parang totoong buhay ang napapanood natin sa sine. O parang nagiging totoo ang buhay kung merong isang kamerang nakatutok diyan at nagmamatyag sa atin. Kung minsan nama'y siyempre nandoon parati 'yong pangangailangan na takasan ang buhay, at tulad ng isang sugatang hayop, tumutungo tayo sa kuweba, sa mga sinehan para langgasan ang mga sugat na ito. Sa pelikulang 'Panggagahasa' makikita ang napakaraming layers. Hindi lang basta isang eksena kung saan halimbawa may dalawang magkasintahan na gumugulong sa dalampasigan at naghahalikan. At yun na. Wala nang ibang sinabi iyon. Paano mo ba nabuo ang konsepto ng Panggagahasa? Ano ang mga kondisyon o anong mga bagay ang binalikan mo para mabuo ang kuwento ni Fe?
Vim Yapan: Sa totoo lang, hindi dumating sa akin ang kuwento ni Fe upang ipakita ang isang karumal-dumal na sitwasyon kung saan inaabuso ng asawang lalaki ang kanyang asawa. Alam kong isang mahalagang salik ito sa kabuoan ng pelikula. Sa katunayan, masasabing ito nga ang kuwento ng pelikula. Ngunit hindi lamang ito ang gusto kong ipakita sa pelikula. Hindi ako naghihimok ng pagtatakwil o nagpapalaganap ng ideya na salot ang mga lalaki. Hindi iyon ang ibig sabihin ng pelikula. Gusto kong ipakita sa Panggagahasa, ang tensyon, ang mga kalagayang kinasasadlakan ng mga tauhan na kinukundisyon hindi lamang ng bawat isa sa kanila kundi ng mas malawak na terrain ng existence, ng pagkabuhay natin bilang mga indibidwal. Kung gayon, napakaraming paraan para basahin ang isang pelikula. Hindi lamang ito naka-concentrate sa love team o sa eksenang mag-aaway ang bida at kontrabida, kundi sa lahat ng tauhan ng pelikula na may kanya-kanya ring binubuong kuwento na may kinalaman kay Fe at walang kinalaman kay Fe.
KC: Oo, napansin ko nga ito sa pelikulang ito dahil kung tutukuyin nito ang tema kung saan ang babae ay nagiging biktima lamang ng mga lalaki, iba ang dating sa akin noong pamilya ni TJ Trinidad kung saan ang nanay nila ang namundok at iniwan ang kanilang pamilya at siyempre napakarami pang maaaring tukuyin sa pelikula pero interesting ang elemento ng kapre sa pelikula mo bilang "the other lover"? Paano pumasok ang kapre sa kuwento ni Fe?
Vim Yapan: Bago ko sagutin 'yan ipagpapatuloy ko muna 'yong ilan pang gusto kong sabihin sa naunang tanong. Sinabi ko na hindi dumating sa akin ang kuwento ni Fe, bilang isang espisikong kuwento ng isang babaeng inaabuso at sabihing ang pelikulang ito ay para sa mga babae lamang. Dumating ang kuwento ni Fe, sa isang obserbasyon ko sa mga pelikula natin. Halimbawa ang pelikulang 'Himala' ni Ishmael Bernal at isinulat ni Ricky Lee. Sa dulong bahagi ng pelikula, alam mong didaktiko ang mga katagang binitiwan ni Elsa (Nora Aunor), at tumatak na ito sa ating lahat, na "Walang himala! Tayo ang gumagawa ng Himala!" (Ginagaya namin si Nora habang sinasabi ang mga linyang ito), kung mapapansin mo, didaktiko ang pananalita, ang dialogue na ito ni Nora. Ito ang gusto kong ma-achieve sa story telling ng isang pelikula, yung didaktikong hindi nagpapakadidaktiko, at ito ang tinangka kong palabasin sa pamamagitan ng kapre sa pelikula. Siya na parang overseer lang ng lahat ng nangyari, ang magbibigay ng mga huling pananalita sa pelikula. Ngunit hindi ito nagtatapos sa pananalita ng kapre. Binigyan niya si Fe ng choice sa huli para kainin o tanggihan ang itim na bigas. Mahalaga sa akin na magbigyan ng choice ang tao, ang mga katulad ni Fe, dahil sa pamamagitan ng choice na ito, nailalatag mo sa dulo, mabibigyan mo ng pagkakataon na makisangkot din ang mga manonood. Mula sa pagkamangha at pagnanais na ito sa didaktisismo, unti-unti kong binuo ang kuwento ni Fe.
Gusto ko kasing napapakamot ng ulo ang viewers. Ambisyoso mang sabihin, gusto kong lumabas sila sa sinehan nang nag-iisip at hindi lamang tumitili at nagpapakahysterical dahil nakita nila ang paborito nilang mga artista.
Dapat kong sabihin na naging instrumental sa akin bilang guro si Chari Lucero ng UP Diliman. Sa kanya ko higit na napagbabaran ang mga folkstories natin. Malamang fascinated na ako noon sa kapre. At dahil may elemento ng horror sa pelikula, ito nama'y dahil sa overfatigue na naramdaman ko, to the point na naiinis na ako sa mga Japanese horror films. Dagdagan ko pa, yung observation ko, sa tingin ko may sinasabi rin ang Shake Rattle and Roll natin na umabot na ata sa 11 series. Mahalagang pagtuunan din ito ng pansin, pag-aralan marahil kung paano natin nauunawaan ang konsepto ng nakakatakot.
KC: May fascination ka ba sa Japanese era? Kasi isang eksenang nakakapanindig balahibong eksena sa Panggagahasa, maliban siyempre doon sa eksenang kinukuha niya ang inaabot na prutas (abokado) ng isang di-nakikita o di-nagpapakita ay ang mga babaeng nakabitin sa puno? 'Yong mga iniwanan ng gerilya at nadatnan ng mga Hapon. Sa unang nobela mo naman, may ganito ring isang eksena ng panggagahasa sa panahon ng Hapon.
Vim Yapan: Hindi naman siguro sa Japanese era lang. Nagkataon lang siguro na ito ang panahong malapit sa ating panahon na meron pang isang grupo ng mga dayuhan na maaaring tingnan bilang mga kaaway. Sa isang banda, naniniwala ako na ang pelikula ay kinakailangang magkaroong ng historical sense. Kaya nga ang dream project ko ay gawing pelikula ang panahon sa nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. I can picture it out already. Kung paanong ang mga eskena ay lalabas na parang mga obra ni Vicente Manansala. Yung pagkapatong-patong and yet, may isang binubuong eksena at habang nagbababad ka sa pagtingin sa frame lalo ka nitong dadalhin sa napakarami pang lagusan at bisyon.
KC: May isyu ka ba bilang manunulat at direktor sa kung paano ipinapakita ang dichotomy ng mainstream cinema at independent films? Paano mo tinatanggap yung karaniwang reception na ang mga independent films ay tila mga export films natin, samantalang patuloy na tumatabo sa takilya ang mainstream cinema dahil sa catering nito sa mass audience? Ano sa tingin mo ang hinaharap ng ganitong pagsasapelikula sa susunod na dalawa o tatlong taon?
Vim Yapan: Siguro hindi lang pang export films ang mga independent films natin. Pero totoo na hindi lang masyadong pinapansin ang mga ito sa atin at kahit pa nga manalo o bigyang puri ng ibang bansa, wala naman tayong pakialam. Sa tingin ko, dahil babad pa rin tayo sa mga mainstream cinema, na kahit papano nama'y nagsimula na ring mag-inject ng ilang bagay na maituturing kong nagmula sa mga independent films. May panahon na magsasawa rin tayo sa mga ito.
Kung kaya, naririto ang bukas na hamon para sa lahat sa atin, na tumuklas hindi lamang ng makabagong pamamaaraan ng pagsusulat at pagsasapelikula kundi ang patuloy na pagdulog sa lupa, ng laman ng lupa, kung nasaan ang ating mga ubod, ang bunga, ito ang para sa akin, ang heyograpiya ng ating imahinasyon. Kung saan ako nakatayo, ano ang kinakatayuan ko bilang tao at bilang kapwa-tao at mula rito, dito ko papagalawin ang aking imahinasyon. Ito ang higit na hamon sa akin bilang manunulat at direktor dahil sa akin pa lang ay mayroon ng mga tunggalian at dikotomiya na pilit ko ring pinupurga ang aking sarili tungo sa isang malikhaing akda. Marahil usapin lamang ito ng panahon at pagkakataon. Ang mahalaga para sa akin nililinaw ng manunulat o ng direktor ang kanyang saloobin, ang kanyang mga pananaw, sa buhay man ito o sa sining, dahil ang dalawang ito, ang sining at ang buhay ay laging patungo sa kapwa at sa mundo.
KC: Huling tanong, Vim. May plano ka bang gawing pelikula na Bikol ang magiging motif?
Vim Yapan: Iyo, Haloy ko nang plano iyan. Mapapadapit gayod ki Ina, sa Birhen kan Peñafrancia. Siguro magigibo ta iyan sa ngapit na panahon. (Oo, matagal ko nang plano iyan. Tungkol marahil kay Ina, sa Birhen ng Peñafrancia. Marahil magagawa natin yan sa mga darating mga araw.)
KC: Mabalos tabi Vim.
Vim Yapan: Siring man, Kristian.