Oralidad sa panahon ng edad-Twitter, YouTube, Facebook at ilan pang www.com

Submitted by Vox Bikol on Mon, 02/15/2010 - 15:13

Habang tinatangka kong sumulat ng papel na ito, pumasok ang "bagong balita" sa aking email mula sa isang yahoogroup na hindi man ako aktibong nakikisangkot , bahagi pa rin naman akong maituturing ng pangkat sapagkat patuloy pa rin akong tumatanggap ng mga balita, mensahe at kung anu-ano pang impormasyon na bumabaha sa worldwide web o sa internet. Ang balita ay tungkol sa pagkapanalo ni Dante Brillantes sa isa na namang film festival sa Dubai, para sa kanyang pelikulang "Lola" na agad ko namang hinanap sa Youtube para mapanood ang trailer, ngunit wala pa ito, wala pang naka-post, o baka tinamad na ako at napagod dahil ilang oras na rin ang babad na ginagawa ko sa harapan ng aking monitor. Ipinikit ko nang panandalian ang aking mga mata samantalang patuloy namang kumukurap-kurap ang kursor sa aking blangkong birtwal na papel. Hanggang sa tuluyan na akong bumigay sa pagod at antok gawa ng nagdaang araw.

*

Gumising ako na may mga panibagong mensahe na kailang buksan, isang missed call at ilang nakatiwangwang na libro naghihintay nang muling pagbubuklat. Isang kalipunan ng aklat ang sinikap kong basahin para sa papel na ito-ang mga Kuwento ni Lola Basyang.

*

Sinasabi na mga babae raw ang unang nakatuklas ng pamamaraan ng wika, dahil higit na nangangailangan ng ganap na katahimikan ang mga lalaki sa kanilang pangangaso samantalang ang mga babae naman na tumatayong mga ina sa kanilang mga sanggol ay nagtangkang makipag-ugnayan sa kanilang mga bagong supling-kaya ang wika. Kaya nga marahil tinatawag din itong Inang Wika.

*

Naalala ko ang mga kuwento ni Lola Basyang at kung paano ito nagsisimula sa mga katagang noong unang panahon, isang abrakadabra na nagbubukas sa nakaraan at nag-uugnay sa kasalakuyang panahon. Bagamat pamilyar na ang eksenang lumba-lumba at ang librong hawak ng matanda, samantalang nasa paligid ang mga nakikinig, iba ang danas ng oralidad sa mga sinaunang pamayanan. Karaniwang nangyayari rin ang piging at ang pagsasalaysay ng pinuno o balyana upang kolektibong gunitain ang mga kadakilaan ng kanilang mga diyos at bayani, mga pakikipagsapalarang hindi man tahasang nagdidikta ng pedagohikal na halaga ay tumitimo naman sa bawat kalahok, sa bawat kasapi. Sa mga kuwentong kathang ito na mayaman sa simbolismo at pagpapakahulugan muli't muling nangyayari ang pagbibinyag, ang inisasyon at ang kumpirmasyon ng mga bahagi ng lipunang iyong gumagalaw ayon sa takbo ng mga kuwento- ito ang buhay na naghahanap ng naratibo.

*

Lalaki sa tunay na buhay ang sumulat ng mga Kuwento ni Lola Basyang.

*

Tinawagan ko ang kaibigang manunulat at gurong si Christine Bellen upang alamin ang iba pang detalye sa buhay ng tunay na Lola Basyang. Isang pamilyar na boses na nagsasabing hindi makontak ang kabilang linya. Isang boses na laging pinuputol. Hindi tinatapos ang pagsasalita dahil alam mo na ang sasabihin at sinasabi nito.

*

Hindi tamang ituring na ang pre-kolonyal na panahon ay panahon lamang ng mga panitikan oral sapagkat may mga ebidensya nagpapatunay na may sapat na kaalaman at sistema na rin ng iskripto ang ilan sa mga pamayanang katutubo sa ating bansa katulad ng mga Mangyan at Hanonoo. Sa madaling sabi, ang operasyon ng panitikang katutubo ay hindi lamang nakatuon sa oralidad subalit, marami sa mga pamayanang ito ang nagbibigay halaga sa aura ng oralidad dahil may likas na kapangyarihan ang pagbigkas ng salita-ang pagtupad sa sinasabi ay ang pagbigkis sa mga kontrata ng lipunan, sa mga kaayusan ng lipunan.

Dito rin natin makikita kung paano ang panitikan ay nagiging bahagi o agapay sa pananatili ng kaayusan. Ito ang sinasabi ni Octavio Paz sa kanyang lektura sa Nobel noong 1990, na ang relasyon ng tao at ng tula ay kasingtanda ng kasaysayan, na nagsimula ang relasyon ng tula  at ng tao nang ang huli'y magsimulang magpakatao, na nakita ng tao mula sa dalisay na batis, ang kanyang imahe, ang unang tula. At simula noon ay hindi na naputol ang ugnayan ng tao at tula, at dahil likhang-imahinasyon ang tula, maaari lumabo, madumihan o ganap na masira ang relasyon, katulad ng imahe sa batis. Ngunit hindi dapat makalimutan ng tao ang tula, sapagkat kapag nakalimutan ng tao ang tula, babalik ang lahat sa primodyal na kasalimuotan.

Ang tinutukoy ni Octavio Paz na primodyal na kasalimutoan ay sinasagot ng birtud ng oralidad sa kung paano napapanitili ang kaayusang namamayani sa mga kuwentong-bayan, alamat, at mito na siyang nagpapadaloy sa buhay ng pamayanan. May alaalang higit na nagpapantig at nagpapakinang sa karanasan ng ngayon.At ito ang makabago o nagbabago sa panahong tila umiikot lamang sa gulong ng kapalaran na matagal na rin naunawaan ng ating mga ninuno sa kanilang sining ng paggawa ng palayok at mga tapayang ginagamit sa kanilang pang-araw-araw na buhay at sa mga sagradong piging. Sa pagpapaikot ng mga gilingan kung saan hinuhulma ang mga tapayang ito, nakita ng ating mga ninuno ang kanilang kapalaran.

At dito makikita rin natin kung paano pinagbibigkis ng pagbibigkas, mga unibersal na tema na sinusuri at pinaglalaruan ng panitikan sa lahat ng yugto ng kasaysayan ng tao, hanggang sa ngayon, maging sa panahon ng Twitter at Youtube, at Facebook, makikita natin ang bisa ng salita, ang pagnanais at pagnanasa ng taong makisangkot at makaparamdam, mga pangangailangan hindi na bago sa pagiging tao na binibihisan lamang ng iba't ibang anyo at moda ng pamamaraan ng komunikasyon. Ngunit sa dulo ng lahat ng ito, sentral na pangangailangan ng tao at isa sa mga layunin ng sining ang patuloy na itaguyod ang kuwento at kuwenta ng tao maging sa panahong ito. Kung kaya ito marahil ang dahilan ng mag penomenon ngayon kung saan sinasabi natin sa ating mga tala sa Facebook at Twitter maging ang mga personal na bagay o ang kawalang kahulugang pagbulas sa mga birtwal na espasyong ito. Na sa maraming pagkakaton maaaring tingnang din ito bilang pagkalusaw ng mga hangganan, ng identidad ng "ako". Ngunit hindi ba't dapat ang katapusan ng "ako" ay ang simula ng kolektibong "tayo", o maging "kami"? Ito ba ang suhestyong ibinibigay ng ating digital na panahon?

*

Ang dami-daming kuwentong walang kuwenta, mga naratibong umaalagwa sa ating panahon na nagsasalimbayan at sa panahong ito may isang babaeng ang pangalang Narda, ang patuloy pa ring nagpapakita sa telebisyon, mula sa komiks ni Mars Ravelo hanggang sa kasalukuyang panulat at direksyon ni Jun Lana, na bumibigkas ng mahiwagang salita, ang pagsasaayos, ang pagpapalit ng substansya mula sa pagiging lampa at balot sa saplot Narda hanggang sa makapangyarihang at liberal na pananamit ni Darna.

Sa kanya makikita natin ang panggigiit ng babae, ng wika o ng manunulat o ng manlilikha o ng kahit sino, ng ordinaryong tao, upang bigyang puwang ang oralidad, ang sinaunang panitikang nagsisilbing mayaman na muhon at balon na patuloy pa ring nararamdaman sa ating panahon, sa makabagong anyo at pamamaraan, sa mga luma at ni-rerecycle na pagnanasa na kinukundisyon naman ng ating teknolihisasyon ng mundo.

*

Sa pagpasok ng ikadalawampung siglo, pumukaw sa kamalayan at sensibilidad ang obra ni Edvard Munch, ang "The Scream". Hinanap ko ito sa Google. Ito sa tingin ko ang kabalintunaan ng oralidad sa panahon na ito: may signos na dala ang obrang ito ni Munch. Ano ang kanyang isinisigaw? Ano ang kanyang ibinubulas? Bakit mata ang ginagamit natin sa pagtunghay sa obra ni Munch?

*

Makinig.