Normatibong estetikang bading

Submitted by Vox Bikol on Mon, 02/08/2010 - 22:55

May kaganyakan na ang kultura sa pagtanggap ng estetikang bading sa pananamit (fashion). Una, tila may umaalagwang sektor sa ekonomiya-partikular ang call center at BPO (Business Process Outsource)-na nagpapaariba rin sa estetika ng bading. Ikalawa, ang mismong estetikang ito ay magkaalinsabay na may dating na kosmopolitan at sterile na hitsura, kaya nagpapaugnay sa metropoles ng bansa sa aspirasyong wanna-be First World ng estado.

Ang estetikang bading sa pananamit ay ang paggamit ng idioma ng kabadingang nakasentro sa matipuno (kabataan na lean pero hindi patpatin hanggang maskulado at kargadang kalamnan) na katawan ng lalake. Ang ilang emblematikong marka nito ay one-size smaller na shirts (para makita nga ang matikas na katawan, aka, walang tiyan [dapat]), self-reflexive na pantaas (mga burdang hindi masinop, disenyong parang kumalat na patak na pintura o polo na baligtaran, mga tinatawag na "self-reflexive fashion" dahil may patukoy sa sariling pagkagawa), at skinny jeans, halimbawa.

Tumutukoy ang estetikang bading sa pribilihiyadong estado ng matikas na katawan ng kabataang lalake. Narsisistiko ang proyekto dahil walang dili't iba kundi ang "ako" ang sentral na usapin ng akomodasyon at refernsya ng pananamit. Age-ist ang panunturan ng estetika dahil hindi pwede ang fashion para sa nakakatanda na inaasahang mas konserbatibo ang panlasa, at kung gayon, sa pangkasalukuyan pa lamang, nilalabanan na ito ng esensya ng estetikang bading.

Walang thunder-cats (matatanda), walang bodybuilder maskulado o hyper-masculine. Lahat ng kalalakihan ay nagiging queer: may pagtanggap sa estetikang bading bilang dalumat ng kanilang pagkalalake-hip, youthful, sexy, kosmopolitan, urbano, global, at branded. Hindi sila feminisado dahil hindi naman nagiging mas mababang uri ang kanilang pagkalalake, kinikilala pa rin ito bilang premium sa pagsubstansya ng kanilang pagkalalake sa huling yugto ng kapitalismo.

Na mapapansin na pati mga kabataang babae ay umaakibat sa estetikang bading: plaid shirts, skinny jeans din, baby tees, baby underwear, at iba pa. Feminisado ang kabataang babae dahil sumasabay sila sa isang kasariang pamantayang panlalake, kahit at lalo pa't mababa ang turing sa pagkalalakeng bading.

Aminado ang estado. Hindi niya kayang paunlarin sa First World ang kanyang bansa at mamamayan. Ang kaya lamang nitong aktwalisahin ay pag-astahing First World ang kanyang gitna at mataas na uri ng kabataang makakaalinsabay sa panuntunan ng global na gitnang uri at ang kanilang kosmopolitanismo.

Kung titignan ang mga pahina ng fashion magazines, o magagawi ang kabataan sa ibang metropoles ng mundo, matutunghayan niya na may iisa nang idioma ng kasalukuyang global na estetika, ang estetikang bading. Mapa-Tokyo o Singapore, Los Angeles at London, halimbawa, tila pare-pareho na ang hitsura, dating at rekurso sa pananamit ng kabataan.

Kung dati, may talas ang kritisismo ng fashion dahil malinaw ang pinanggagalingang abang marjinalidad, ngayon ay purong konsumerismo ang natutunghayan. Dati ay nauso ang hip-hop na fashion, ng maluluwag na maong, sports shirts, malalaking bling-bling, at puting rubber shoes mula sa ghettos ng African American.

Nauna rito ang punk at ska culture, ng mga naka-itim na masisikip na pantaloon, jackets, pins, branded na pantaas, at ang ikonikong Doc Martens na sapatos. Halaw ang mga ito sa working class culture ng UK, tulad ng underclass culture ng mga Itim sa US. Matalas ang kanilang komentaryo hinggil sa reaksyon sa maykaya at may politikal na kapangyarihan sa kanilang lipunan.

Ang problema sa estetikang bading ay sa simula't sapul ay nilikha ito para sa kita. Ang pink peso/dollar/yen market ay spesipikong pagtarget sa kita ng gay market. Dahil nga marami sa kanila ay single, walang gaanong pinagkakagastusan maliban ang kanilang sarili, mayroon itong sobrang disposable income para sa sariling pangangailangan at luho.

At ang pamamamayagpag ng kasalukuyang estetikang bading ay may dobleng apila: una, mula sa bading, bilang imahinaryo ng fashion na fini-filter ang kasalukuyang youth culture, at bet ng mga bading na maging fashion-savvy, kundi man, fashionista; at ikalawa, sa mga heterosexual, ang breathing space sa mapanupil na heteronormatibidad na nagsasaad ng iisang fashion sense lamang-yung konserbatibong WASP (white Anglo-Saxon Protestant, isipin ang brand culture nina Ralph Lauren at Tommy Hilfiger) na nanatiling kultura pa rin nga sa maraming yuppies ng bansa.

Ang estetikang bading ang bagong normatibidad ng neoliberal na kapitalismo. Ito ang purong konsumerismo dahil sa simula't sapul ay tinarget ito para sa kita, na ang liberalismo ng mga bading sa konsumerismo at brand at fashion preferences ay napupukaw para sa pinakamaigting nitong konsumerismo. Sa neoliberal na kapitalismo, pati ang disempowered ay nagiging economically empowered sa ngalan ng pagpiga ng higit pang pagkakakitaang katawan.

Ito ang ethos ng neoliberal na kapitalismo: gumasta para higit na magkaroon ng ekonomiya at kultural na espasyo at identidad. Ito ang purong politikal sa estado: huwag magrali, mag-shopping na lamang, at kung walang pera, mag-malling na lamang. Danasin ang lahat sa lente ng paigting na konsumerismo, hindi ng paigting na politikal na panunupil.

Huwag labanan ang sistema, labanan ang sarili (dagdag na oras ng trabaho, multitasking, bawal magkasakit, reblusyon ng mga ina) para makatapat sa panuntunan ng sistema. Tulad ng estetikang bading sa pananamit, kanya-kanya ang pag-agapay sa gitnang uring panuntunan. Kailangang sumabay, ang hindi, lulunurin ng alon.

Lumuluwag ang kontrol ng heteronormatibidad para papasukin ang kapantay na pagkakakitaang estetikang bading. Magko-concede kumbaga dahil temporal lang naman ito. Gayunpaman, emblematiko ang pagbubukas sa estetikang bading sa proseso ng pag-hail (pagpili sa mga nagtataas ng kamay, pati na rin sa hindi) ng neoliberal na kapitalismo: darating ang panahon na ang naisantabing katawan ang kakailanganin nang pagkakitaan at pigain ng naghaharing sistema.

At ito ang daluyan ng namumutiktik na emo culture sa kabataan. Di nga ba at ang mga television series at movie trilogies ukol sa mga bampira ay patunghay sa maraming antas ng inaaserto at inaasertinang katotohanan: dahil may historikal na pagkaangkla ang kontemporaryong bampira, inilalatag nito ang unibersalidad at historisidad ng metapisika ng identidad-ang mismong emo.

Na kahit mapatay pa ang lahat ng bampira (na hindi naman mangyayari dahil paano papatayin ang mga putlaing guwapo at magagandang nilalang), mabubuhay pa rin ang emo na sentimentalidad. Marami pa rin ang tutungo sa dark side o ang equivalent nito-ang estetikang bading. Ang mga karakter at aktor ay naka-estetikang bading sa kanilang pictorials at movie stills, hindi ba?

Sa sarili nito, ang kabadingan ay nawalan na ng ipinaglalaban:
wala na ang social advocacy, maliban sa sikretong pagboto at pagsuporta sa Ladlad Party-list halimbawa, pero walang lantaran. Ang tanging kayang ilantad ay ang purong hitsura sa pamamagitan ng mabentang estetikang bading. Hindi rin kakatwa na marami sa call center agents-kalakhan ng demograpiya ng lalakeng empleyado ay bading-ay may propensidad ng mga ito sa higit pang konsumerismo (gimik, fashionista, gadgets, casual sex, orgies, at iba pang intensifikadong saglit kapalit ng mga oras ng kaburyungan sa trabaho).

Konsumerismo ang bagong politika ng namamayaning estetikang bading. Gumasta na lamang, bumoto hindi dahil may kabuluhan ito kundi may kabuluhan ito dahil ito ang politikal na chic act of the moment, at matapos, gumasta muli. Ito ang estetikang bading na nagpapatingkad ng metapisika at nagpapalunod sa materialidad ng kontemporanyong karanasan.

May pagkapit ang estetikang bading sa lohika ng estado sa ilalim ni Gloria Arroyo. Pinapag-amnesia ang mamamayan sa politikal na larangan, maliban kung saan siya ay patuloy na pinamamayagpag (at kakatwa ito dahil patapos na ang kanyang termino, patuloy pa rin ang media mileage ukol sa kanyang nakamit). Ang ipinapalit na alaala ay ang alaala ng nakamit at ang pruweba ng pagkakamit: ang mga imahen ng foot bridges, kalsada, highway, MRT extension at iba pang infrastruktura.

Ang lahat ng mga inaakda ay para sa higit pang pagpapadaloy ng neoliberal na kapitalismo. Expressway para sa higit na pagpapabilis ng pagdala ng produkto sa labas ng economic zone patungo sa pier, halimbawa. At hindi hiwalay ang estetikang bading dito: ang daluyan ng konsumerismo mula sa historikal na inetsapwerang katawan, pabalik dito, at ang invisibilidad ng pagkaetsapwera at ang pamamayagpag ng katawang nakakagasta pero hindi nakakapagpabago ng lipunan.