Pelikula at relihiyosidad

Submitted by Vox Bikol on Sun, 01/24/2010 - 00:50

MANILA - May afinidad ang pelikula at relihiyon. Ang partikularidad ng katangian ng pelikula sa iba pang media ay dalawang bagay: lumilikha ito ng ritualisado at personalisadong intimacy kada boluntaryong pagbabayad ng manonood. At ang pagbabayad natratransforma ang sweldo sa paggawa na ipinambayad sa pagdanas ng sine bilang kasiyahan o pagtransforma nito sa domeyn ng leisure.

One-time bigtime ang pagbili ng telebisyon, MP4 player o cellphone pero wala itong kahilingan ng dekorum tulad ng sine na nangangailangan ng gitnang uring pagbibihis, pagtse-check ng ugali sa mall na kinapapalooban ng maraming sine, at pinamamagitnaan ng iba pang ritual ng konsumerismo: malling, pagkain sa restaurant, pagkakape para matalakay ang merito ng pelikula, at iba pa.

Kahit pa buwanang nagbabayad ng cable, pwede pa ring nakatihaya habang nanonood ng palabas. Ang kautusan sa sine ay ito lamang ang tangkilikin ng limang senses dahil sa paglulunan sa manonood sa nakahilerang silyang magkakatabi pero hindi magkakakilala at kahit magkakakilala, hindi naman mahalaga sa pagpatay ng ilaw at pag-project ng higanteng imahen sa screen.

Tulad ng relihiyon, parang nagsisimba ang manonood para hanapin ang kanyang sarili. Ginagamit ang media at simba bilang filter sa pagproseso ng nilalang sa kanyang buhay. Nakikinig siya sa sermon, nanonood ng sine, at sa ilang tiyak na sandali, natutunghayan niya ang buhay sa banal na pananalita ni Hesus o ni Robert Pattinson.

Nawawalay ang sarili sa individual, nagkakaroon ito ng identifikasyon sa mga tauhan at inaalok ng kanyang tinatangkilik na sine. Ito ang sinasabing "dreamlike" na nananaginip siyang ang lahat ng kanyang natutunghayan ay ukol sa kanya. Siya ang bampira at werewolf sa Twilight, ang mananakop at sinakop sa Avatar, o ang ina (Sharon Cuneta) at anak (Heart Evangelista) sa Mano Po 6. Hindi ba't ganito rin ang panaginip: ikaw ang tumatakbo, nanghahabol, nananakot, tinatakot, ang bangin, ere at pangamba?

At kung magpakaganito, ang pagbubukas ng subhetibismo ng sarili ay parang pangungumpisal. Inaako mo ang lahat bilang bahagi ng iyong kasalanan at salbasyon, makasalanang kamunduhan at sagradong kaluwalhatian. Tulad ng pangungumpisal, ang panonood ng sarili ay pagbubukas ng loob para makakuha ng temporal na katubusan.

Inilalahad sa kumpisal ang naratibo ng kulang at labis para mapunan ito sa metapisikal na antas, at magkaroon ng pagbabalik-loob na muling makakapamuhay sa manonood. Ito ang relihiyosidad ng simbahan, kahit pa halata naman ang iba pang paralelismo: mas matayog na ideal ng ikonikong nilalang (diyos, santo't santa, artista), camp (damit ni Birheng Maria, sado-masokistang postura ng nakapakong Hesus, werewolf na palahubad ng matipunong katawan, muli't muling pagkabuhay ng Panday), bite-size na mensahe sa ritual gayong sinasaligan ang pangkalahatang katotohanan.

At tulad din ng sine, ang ritual ng panonood at ang transformasyon ng paggawa bilang katawang pagkakakitaan ng kapitalista at gobyerno (mall owner, fastfood, producer, MTRCB, MMDA, lokal na pamahalaan, at iba pa) ay siya ring tinutumbok ng simbahan. Kada Katolikong ritual, may bayad. Pero sa simbahan, ang donasyon ay hindi nakatakda, sa panonood ng sine ito ay fixed na.

Sa kontemporaryong panahon, tatlong serye ng pelikula ang tumutumbok sa relasyon ng pelikula at relihiyosidad. Una ay ang mga pelikula ng Second Golden Age, mula 1975-1989 na ang vanguardismo sa sining at politika ay itinakda ng tambalang Lino Brocka at Ishmael Bernal. Sa Himala (1982), ang kwento ng isang underclass, di-edukado at di-kagandahang babaeng nakakakita sa birhen ang tinalakay. Ang formulasyon ng pelikula, gaya ng iba pa sa panahon ng Golden Age, ay ang pagtukoy sa relihiyon bilang mito, at ang pagsasaad na ang pagtunghay sa birhen-maging ang ritual ng paghahanap sa diyos kada simba-ay bahagi ng myth-making ng Katolisismo.

Kaya integral ang quotable na eksena sa klimaktikong bahagi ng pelikula, ang pagbubulgar ni Elsa (Nora Aunor) sa sikreto, na "walang himala. Ang himala ay nasa puso ng tao." Na tao ang gumagawa ng himala ay ang sandali ng self-reflexivity. Na ang mismong relihiyosidad ay isang uri ng paglikha lamang ng tao. At tulad ni Elsa, mayroong interes ang mga individual at institusyong nagpapalaganap nito.

At sa paglalahad ng publikong sikreto-na alam na rin naman ng manonood-binaril ng kung sino si Elsa. At wala pa ring hindi naniniwala sa mirakulo at mito nito. Pinasan ang duguang Elsa na parang krus sa katubusan ng mga tao. Tanging ang documentary filmmaker ang may alam sa sikreto ni Elsa, pati ang panggagahasa sa kanya sa gulod habang nagsyu-shoot lamang ito. Walang ginawa.

Marami na rin ang nagsaad ng kapangyarihan ni Aunor bilang kahalintulad na karakter ni Elsa. Na dobleng nagiging makapangyarihan ang kanyang deklarasyon lalo na sa politikal na kontexto na ito ay ginawa ni Bernal sa panahon ng diktaduryang nagpondo ng pelikula. Tunay na matingkad ang subersyon sa texto at ang produksyon nito.

Sa maagang pelikula ni Brocka, Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974), ang rite-of-passage ng binatang lalake sa isang hating pamayanan ang inilahad. Tulad ng Noli me Tangere ni Rizal, ang kwento ay pumapalibot sa interaksyon ng mga kasapi ng pamayanan: mga mayayaman, relihiyoso, ang baliw, ang may ketong, at iba pa. Ang pelikula ay isang morality tale: sino ang tunay at hipokrito, sino ang dakila, sino ang tunay na baliw, gaya ng awit ni Freddie Aguilar.

Ang relihiyosidad ay itinataguyod sa pamamagitan ng mga incestuous na ritual, pagkakakilanlan sa komunidad (ang tatay pala ng binata ang siyang nagbuntis sa babae na siyang ikinabaliw nito nang piliting ipalaglag ang sinapupunan). Tulad ng pagkalat ng balita ukol sa himala ni Elsa, sa pamamagitan ng informal ngunit matibay na kalakaran ito nababalitaan. Sa pelikula ni Brocka, maraming eksena ang ukol sa tsismis na nagpapahiwatig ng paghahatid ng tunay na balita laban sa "mabuting balita" na primaryong dahilan ng pagbubuklod ng mamamayan.

Sa dalawang pelikula, ang social capital ang nagpatingkad sa dapat ay ordinaryong buhay ni Elsa at ng binata. Si Elsa lamang ang may kakilala sa Birhen, siya lamang ang biniyayaan nito ng kapangyarihang makapanggamot. Ang binata ang siya namang may kontraryong pagpupursigi, habang ang kanyang kabababayan ay iniiwasan, ang baliw at ang may ketong.

At dahil sa kanilang kakilala, at ang susing ang kakilala ang magpapatingkad (distinguish) sa kanila laban sa kanilang kababayan, sila ang lalabas bilang righteous. Kung gayon ang pamayanan ay relihiyosidad ay nililikha rin ng hierarkiya at distinksyon: na ang manloloko at nagiging tapat ay iisa, ang baliw at mayaman ay iisa, at ang kaisahang ito ang nagpapatingkad ng kanilang buhay laban sa mayorya, kahit pa ang mayorya, tulad sa Himala, ay ayaw nang paniwalaan ang kabig ng katotohanan-ang kasinungalingan-ni Elsa.

Sa Orapronobis (1989) ni Brocka, hayag at matalas ang kritisismo sa simbahang Katolika sa pagpapatingkad ng krisis sa Kaliwa na likha ng krisis ng estado. Sa pagtutok sa buhay ng pangunahing tauhang lalake matutunghayan ang krisis na ito. Ang paring rebelde na nakapangasawa ng isang amasona ay nakulong at nang makalaya ay nagkaanak sa isang human rights worker.

Matutuklasan ng dating pari na may anak pala siya sa dating amasona, at ang kanyang unang mag-ina ay magiging biktima ng karahasan ng estado. Sa huling eksena, tutunghayan niya ang kanyang mahimbing na bagong asawa at bagong silang na sanggol, at muling magdedesisyon na bumalik sa kilusang andergrawnd. Napaka-fluid ng pagkatao, relihiyosidad at paninindigan sa panahon ng papatinding krisis ng estado. At sa pelikulang ito, malaki ang naging pananagutan ng simbahang Katoliko.

Sa tatlong pelikula, matingkad ang mis-en-scene o imagery sa paglikha ng irony. Sa Orapronobis, habang ginagahasa ang dating amasona, cut-to sa closeup na imahen ng statwa ng Birheng Maria at poster ni Rambo. Sa Tinimbang Ka, ang intimacy sa eksena ng nagmamahalang baliw at may ketong sa dalang tsubibo habang ang mga mayayaman at unipormadong kasapi ng mala-CWL (Catholic Women's League) ay nasa loob ng simbahan at nagtsitsismisan. Sa Himala, ang pagtatapat ni Elsa, siya sa foreground at ang statwa ng Birhen sa background.

Mahalaga ang paghahayag ng irony bilang kalakaran ng paglalahad ng kritisismo sa ugnayan ng pelikula at relihiyosidad. Ito ay mabubura sa Marian films o mga pelikula ukol sa aktwal-laban sa gawa-gawa lamang-na himala ng Birheng Maria sa mga pelikula ni Laurice Guillen. Sa Tanging Yaman (2000), ang deus ex machina na interbensyon ng Birhen ang nagligtas sa isang nalulunod na kapamilya para muling magbuklod ang naagnas na ugnayan ng pamilya.

Sa Santa Santita (2004), ang dalagang babae ay magkakaroon ng kumbersyon mula sa pagiging Magdalena tungo sa Magdalenang Birhen (ang santa santita), tungo sa pagiging santa dahil sa restorasyon ng kanyang pananalig sa aktwal na birhen. Nawala ang irony, napalitan ng relihiyosong debosyon bilang lagusan ng anxiedad at restorasyon ng pananalig. Binalik ang pananalig sa individual at pamilya, tinanggal sa pamayanan.

May pagtalakay sa relasyon ng pelikula at relihiyosidad, ang ikatlo at pinakakagyat na pelikula ng indie cinema. Si Dante Brillante ang pangunahing direktor sa kasalukuyan ang may interbensyon dito. Sa Tirador (2007), pinapakita ang debosyon ng mga lalaking kasapi ng isang komunidad ng lumpen proletaryado na kabahagi ng dakilang prusisyon ng pista ng Nazareno. Ang kalakhang bahagi ng pelikula ay ang litanya ng mga gawain at buhay ng mga miyembro ng pamayanan.

Sa huling bahagi ng pelikula, sa pagwawakas nang hindi isinasara, matutunghayan muli ang mga lalaking kasapi ng komunidad nasa El Shaddai na pulong na kinatatampukan ng aktwal na senatoriables. Prine-pray-over ang mga ito ng punong ministro, at nagtatalumpati ukol sa relihiyosidad ang mga kandidato. Kahanay ng mga nakikinig at sumasamba, ang mga lalake ay isa-isang dumudukot ng wallet at iba pang may halagang bagay mula sa walang malay na manonood.

Muling bumalik ang talas ng pelikula sa kapasidad nitong magkomentaryong kritikal sa relihiyosidad. Ang debosyon ay tinatanggal sa angkla ng individual, at ginagawang bahagi ng mitifikasyon ng naghahari sa pamayanan. Ang pananaw ng filmmaker ang siyang nagbibigay-laya sa individual-karakter at manonood sa kanyang pelikula-na sumuri, magbigay komentaryo, at maging kritikal sa mga inaakalang natural na relasyon sa lipunan.

Hinihimay ng pelikula sa pamamagitan ng matalas na perspektibo ng kanyang direktor ang pagbibiyak ng ugnayan ng pelikula at relihiyosidad sa isang banda, at ng kapangyarihan sa mitolohisasyon ng gawi at paniniwala ng naghaharing uri sa kabilang banda. Sa isa pang antas, ang mismong pagbibiyak ng relasyon ng pelikula at relihiyisodad bilang instrumento at instrumental sa pagtataguyod at pagbabalikwas ng hegemoniyang ito.

Sa akto ng pagsisimba at panonood ng sine, nakakapagbukas sa liwanag o nakakabulag sa katotohanan ang isinasaad ng pari at direktor. Ito ang hamon sa sinumang nagnanais mamuno sa pamayanan, ang pagpanig sa interes ng mismong pamayanan. (Bulatlat.com)