MANILA - Magtatapos na ang ika-sampung taon pagkapresidente ni Gloria Arroyo, at matatag ang kanyang kulturang kontribusyon. Kakaiba ang mga ito sa karanasan ng mga kamakailang presidente ng bansa. Ito ang pinakamasahol na kulturang kontribusyon ng anumang presidente sa kagyat na kasaysayan ng bansa. Lantaran naman ang gamit ng fasismo ng anumang rehimen pero ang kay Arroyo ang naghasik ng pinakabangkaroteng kulturang tahasang ginamit para sa politikal at ekonomiyang ganansya.
Isinilang at nagkamulat ako sa diktaduryang Marcos, na ang ihip ng hangin ay makibaka o tanggapin ang fasistang rehimen di maikubli ng megalomania ng mag-asawa. Si Corazon Aquino ay ginamit ang sariwang mandate para sa kalaunan ng panunungkulan ay ihasik ang kanyang "sword of war" laban sa insureksyon. Si Fidel Ramos, hanggang sa pumutok ang Asian crisis ng 1997, ay nabatak ang pandarambong ng nadanas na pambansang ekonomiyang ganansya. Si Joseph Estrada, na akala ay makakalusot ang ibinuyanyang namang pambababae at pagsusugal bago pa man naging pangulo, ay naghasik din ng kontra-insureksyon at nagpapasok muli ng sundalong Amerikano sa VFA (Visiting Forces Agreement).
Narito ang ipinagkaiba ni Arroyo: sinalansan ang fasismo sa iba pang politikal na pagmaniobra sa kulturang magpapatanggap sa malawakang korapsyon at kahirapan sa isang banda, at ganansyang para sa iilang higanteng negosyante pero nawaring dominanteng aspirasyon ng nakararami. Kung sa panahon nina Marcos, ang kultura ay pandispley sa kapangyarihang politikal, na inetsapwera ni Aquino, at ginawang exportable nina Ramos at Estrada, si Arroyo ay pinanghawakan ang kultura para sa sariling politikal na pagmaniobra nito.
Ito ang itinaguyod na kultura ng komoditi (commodity culture) ni Arroyo, ang higit pang konsumerismo bilang rekurso sa lumalalang krisis na nagpapribatisado sa antas ng individual ng kanya-kanyang paghagilap ng temporal na solusyon sa global na krisis ng kapitalismo at pambansang pagkabangkarote. Kahit na dinudusta, napapaniwala pa rin ang mamamayan sa individual na ahensya. Na sa wika ng Pambansang Alagad ng Sining si Bienvenido Lumbera, "kung bakit astang mayaman si Pedro Mahirap."
Kultura ng Tunay
Pinatingkad ni Arroyo ang kultura ng buhay ng kapital-na kahit may krisis na nararanasan ang mamamayan at bansa, ang ofisyal na pagtunghay sa kapital ang siyang isinasaalang-alang. Ito ang sinasabing Tunay (Real) na pinagtutuunan ng pansin at abala ang lagay ng kapital kaysa sa lagay ng mamamayan (tunay o historical). Mauunawaan ang distinksyon sa ofisyal na anunsyo sa pambansang ekonomiya: mabuti ang lagay (policies are sound, Philippines can weather the crisis, GNP growth the best in years or to increase compared to Asian neighbors, at iba pa) bilang fokus ng Tunay, samantalang mula sa ibaba, sa batayang hanay, naghihikahos ang pang-araw-araw na buhay ng mamamayan (tunay). Kung gayon, ang kultura ng Tunay, na kawing bituka sa kasaysayan at pag-unlad ng kapital, ang siyang pinagtuunan ng pansin ni Arroyo, hindi ang tunay na kaganapan sa buhay ng kanyang mamamayan.
Kultura ng Reality TV
Reality TV ang pangunahing genre ng popular na television. Dito ay kinakasangkapan ang aktwal na buhay ng willing na kontestants-naglakbay, nag-apply, nagpa-screen, at linggo-linggong nanlalaban para manatili at magtagumpay sa kasamahan-bilang laman ng palabas. Sa isang banda, living vicariously ang reality TV: sa ibang tao (sa televisual na tauhan) binubuhay ang agam-agam ng manonood. Kaya parating ligtas, dahil hindi ang manonood ang aktwal na kumakain ng uod o tumutulay sa manipis na bakal na nakabitin sa ere. Sa kabilang banda, ang televisual na buhay ang nagiging panuntunan ng aktwal na buhay at pamumuhay: paano mag-accessorize, manligaw, ma-in love, kumilos na parang walang surveillance cameras, um-acting na parang walang nagsusubaybay.
Kay Arroyo, ang reality TV ang siyang "un-fun" moments ng kanyang administrasyon: hayagang pagsasabon sa mga ofisyal, "I am sorry" sa alegasyong pandaraya sa eleksyon, pagtawid sa baha ng Ondoy na nakasuot ng makulay na botas, at iba pa. Ang kinahinatnan ay Big Brother na nag-uutos at nagmamaniobra mula sa likuran. Kaya hindi nakikita at natutunghayan dahil ang mga alipores ang siyang humaharap, umaako ng kasalanan, at nililinaw na walang kinalaman si Arroyo. Periodiko ang kaganapan ng alingasngas, tulad sa reality TV, at ang kinakaya ng mamamayan ay ang paisa-isa lamang pagputok ng skandalo hanggang maibsan ng susunod na skandalong nagpapahupa sa mga nauna.
Kultura ng Impunity
Bakas-mode ang impunity: mula sa pinakataas-taasan tungo sa pinaka-nasa ibaba ng food chain ng politikal na kapangyarihan. Walang takot sa parusa ang nasa ibaba dahil hindi naman napaparusahan si Arroyo. Hindi nga umuusad ang anumang kaso ng impeachment sa kanya dahil sa alegasyong nabili na niya ang bulto ng boto para buhusan ng tubig ang bawat paningas. At mula sa kulturang ito ni Arroyo, nagkaroon ng lakas loob ang mga Ampatuan na magmasaker ng pinakamalaking bilang ng peryodista at mamamayan para sa ganansya sa eleksyon, 1,118 politikal na aktibista ang pinaslang sa pinakamarahas at buyanyang na paraan, nauso ang road rage, baril lang ang katapat na uri ng vigilantism, at iba pang lawlessness.
Ang cha-cha (charter change) ay parating nakaabang di lamang para manatili sa kapangyarihan si Arroyo sa parliamentaryong pamahalaan kundi para rin higit pang buksan ang pambansang ekonomiya sa lagay ng dayuhang kapital. Ang mga politiko sa ilalim ni Arroyo ay nakikinabang sa suhol na alok nito para pagtakpan ang baho ng presidente. Malalakas ang loob, kundi man nagkakaroon ng bagong lakas ng loob, dahil walang "loob" (o budhi) ang pinakamataas na posisyon sa bansa. Kaya giyerang patani ang buong bansa dahil ang mag-aayos at magpapatupad ng batas ay siya mismong lumalabag nito.
Kultura ng Higanteng di na De-Kahong Malls
Bahagi ng vicarious living ang pag-asta na ang buhay sa bansa ay parang nasa loob na ng mall. Complex na ang magkakaugnay na struktura ng gusali na sentral ang mall. Ito ang infrastruktura ng mall. Sa UP-Ayalaland Technohub, halimbawa, ito ang centerpiece ng complex ng call center buildings. Isinasaad na dito nagtatapos ang pagtratrabaho at paghihirap sa lunan ng paggawa. Buong paligid ay parang wala sa Pilipinas, dahil outdoor na ang konsepto ng mall, ang pagpapaloob ng kalikasan sa mall infrastructure, o ang pagpapalawak sa labas ng aktwal na espasyo nito.
Kaya ang sumunod na henerasyon ng mall, maging ang renobasyon ng luma, ay tungo sa paglahok ng labas (al fresco dining, parke, fountains, tunay na halaman imbes na plastic na palm trees, natural na sunlight, at iba pa) sa infrastruktura ng mall. Ang epekto nito ay ang paglawak ng psychic na espasyo at sakop ng kulturang mall: na naglalakad pa lang sa Baywalk, Commonwealth o Libis ay magmo-malling ka na, na ibang First World na mundo ang iniinugan ang outdoor maller. At mas gusto itong "strip" kahit pa higanteng mall complex ito, kaysa sa mas malaking bahagi ng bansa na nananatiling un-malled pa rin.
Kultura ng Tarps
Ito ang manifestasyon ng politika na aspirasyong maghari magpakailanman. Ang tarp ay hindi biodegradable kahit pa ang isinasaad na anunsyo at artwork nito ay time-bound din naman. Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng tarps at ang kapasidad na maglaman ng imahen ng patrong nagpagawa nito, nagiging tao at personalisado ang paghahatid ng serbisyo publiko. Na kung dati ay mga pangalan lang ito sa bakod ng munisipyo at eskwelahan, o sa likod ng upuan sa simbahan, ngayon ay may mukha at figura ng katawan ng taong naglaan ng yaman sa pagtataguyod ng proyekto.
Kaya lahat na lang ay tina-tarp. Nagtatangkang gawing absoluto ang bawat mensahe, katawan, proyekto at pabuya: gawing definitibo ang bukal ng pinagmulan at allegiance. At ang tarp ang siyang umaakda ng finalidad, na kahit nasisira na ang proyekto, nabubuhay pa rin ang tarp. At di tulad ng plastic, PET bottle at tetra pack na madalang magkaroon ng ikalawang buhay, ang tarp ay nagiging iba pang praktikal na bagay sa ibang yugto ng buhay nito. Trapal sa maraming pagkakataong napapasalamat ang sponsor nito sa di pagdanas ng absolutong pagkabasa o init.
Kultura ng Segunda Mano
Ito na ang patronahe ng bansang walang lubos na kapasidad na bumili ng branded pero ang aspirasyon ay nananatiling magkaroon ng brand experience. At ang range ng produkto ay hindi matatapatan: bags, sapatos at damit sa ukay-ukay na kayang makareimbento ng identidad ng tumatangkilik; Japanese furniture at tea pots, Korean chopsticks at ceramics; Banaue spare parts ng mga sasakyan; nakaw na cellphone at MP4 player; Miss Saigon at Cats sa Cultural Center of the Philippines; at iba pa. Hindi kakatwa na sa lebel ng individual ang tutok ng segunda manong produkto.
Ibig sabihin, pang-internalisa ng branded experience sa individual na antas na nagiging katanggap-tanggap ang isa naman talagang di-makatarungang karanasan-na para sa parehong oras ng trabaho, kung bakit sila ay mayroon at tayo ay wala o nakakatangkilik lamang ng segunda mano? Nananatiling kolonyal ang brand experience, o sa mas maunlad na bansa nakapakat ang pambansang pangarap ng individual na mamamayan.
Kultura ng Social Networking
Nauna na ang aktwal na networking para sa pribadong kita ng kalakhan ay liga ng kababaihan: Tupperware, Avon, Natasha, at iba pa, hanggang sa mas hardcore na pyramiding scheme para sa may labis na pera. Sa kalaunan, ang ganansya ay panlipunang kapital o ang pagkakaroon ng network ng mga kakilalang handang makinig sa anggas at asta ng individual na pamamahayag. Ang resulta-ang mga social networking na internet-based-ay ang virtual na kolektibidad at ang pagpoposturang lider ng social networker.
Sa Pilipinas, ang pagkaunlad ay mula Friendster tungo sa Multiply at ngayon ay Facebook, at sa mas iilan, ang Twitter. Ang lahat ay maari nang maging virtual na pastor, pilosopo o/at politiko. Ang lahat ay may tagasubaybay at may sinusubaybayan. Vicarious living pa rin ito, na ang mass protest at advocacy ay nagaganap sa internet community dahil nga naman mas ligtas, mas maginhawa, mas virtual ang hiling na magprotesta mula sa tapat ng computer kaysa aktwal na pumunta sa Mendiola at DAR (Department of Agrarian Reform).
Kultura ng Texts
Hindi na kaila na tayo ang texting capital ng mundo. Na imbis na mangimi sa hiya-lalo na sa bansang mahirap na parang lohika rin kung bakit maraming malls dito-ay naka-chin up pa ang tikas ng mamamayan. Digitized ang informasyon ng text dulot ng aparato ng cellphone. At handang magbayad ang milyon-milyong may cellphone ng baryang halaga para sa digitized na informasyon ukol sa lokasyon, layo at distansya, pakikisangkot at pakikipagkapwa-tao.
Ang sentimiento ay na-digitized, at kung ganito, mapapagkakitaan. At para makapagpahayag ng anumang sentimiento sa kasalukuyan-pagso-sorry, pagsabi ng I Luv U, paghahanap na wer u?-kailangan nang pumaloob sa teknolohiya ng kasalukuyan. Para makapagsaad ng sentimiento, kailangan itong idaan sa filter ng digitized information na hindi libre. Tunay na nakikinabang ang higanteng telecom na kompanya, at ang kasabwat nitong gobyerno para sa ekonomiyang ganansyang patuloy na tinatamasa. Ang epekto, short-term memory spance, short-term tolerance, short-term deficiency, na maigsi ang personal na pisi para sa internalisadong bagay.
Kultura ng Latak
Pagpag ang tawag sa pagkaing kinokolekta sa basura, pinapagpag ang dumi, at muling iniluluto para kainin, kundi man ibenta. Sa isang bansang mayaman sa likas na yaman, kasama ang mamamayan, pruweba ang kultura ng latak na hindi prioridad ang mismong mamamayan sa pag-unlad. Tunay na inetsapwera ang mamamayan para paboran ang dayuhang kapitalista at ang lokal nitong kasabwat.
Ang resulta ay latak ang pinagpapasasaan ng mamamayan: dahil ang tuna sa GenSan ay ineexport, natitira ang ulo na ginagawang sinugba at sabaw, at espesyal sa mga restawrant; pati ang balat ng tuna na naiwan sa sashimi ay nagiging chicharon; ang panloob na naghitsurang bacon na ay sinusuot pa, at kung hindi na kaya, nagiging basahan; ang mag-anak nakatira sa kariton, kundi man sa ilalim ng tulay ng tren; ang basura ng Metro Manila, kabuhayan ng mga taga-Payatas at Rodriguez; at iba pa. Latak na dapat ay wala nang halaga, binibigayang-halaga para mabuhay ang napakaraming mamamayan.
Kultura ng 24/7 Reorganisasyon ng Buhay
Ang isa pa ring latak na pandaigdigang gawain ay ang call center. Ito ang sunshine industry ni Arroyo na tumulong isalba ang kanyang rehimen para mabigyan ng trabaho ang maraming kabataan, imbis na dumayo sa ibang bayan. Ang domestikong gawain ng overseas contract work ay naging lokal na domestikong trabaho. Kaya daan-daang libong manggagawa (na hindi tatanggaping pakiwari ng call center agents) ay gising na gising at nagtratrabaho sa gabi, nag-iinuman at gumigimik sa umaga, natutulog sa araw.
Ang reorganisasyon ng buhay ay pinagkakakitaan din ng negosyo: bucket beer sa gimik na lugar na bukas sa umaga, convenience store, Starbucks, buffet breakfast sa lugar na nagsisimula sa hatinggabi, pati ang subkultura ng droga, unsafe sex at gadgets. Ang aproximasyon ay maghitsurang gitnang uri sa pamamagitan ng relatibong mataas na sweldo ng call center work. May nakadispley na ID na pasaporte sa gitnang uring buhay. May bading-looking na outfit (tight-fitting shirt, low-waist jeans, jacket na may hood) ang kalalakihan, habang ang kababaihang manggagawa ay lamang lang ng ilang puntos sa kanilang katapat sa SM at iba pang retail outlet sa make-up at iba pang accessory.
Ito ang mga katangian ng kultura sa ilalim ng rehimen ni Arroyo na ang epekto nga ay ang pagpapatanggap ng mito ng individual na ahensya, na may kapangyarihan ang nilalang kahit wala, sa gitna ng papatindi pang krisis sa natitirang termino nito at ng papalit sa kanya. Sampung taon na bumulusak tayo sa abang kulturang ito, at malaki ang gawain para makaahon. Kung tanging sa politikal na gawain makakaahon ang mamamayan para sa kanilang politikal na transformasyon, tanging sa politikal na pagbabago magkakaroon ang individual ng tunay na individual na pagbabago.