LABIS ang kasiyahan ko matapos basahin ang keynote address ni Ricardo Ma. Nolasco, chairman ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa 2007 Nakem conference na isinagawa sa Mariano Marcos State University noong Mayo 23, 2007. It made my day, ika nga.
Una, dahil kinilala rin sa wakas ng pamahalaang nasyunal ang pagiging multilinggwal at multikultural ng mga Pilipino. Sa talumpati ni Dr. Nolasco -- ang pinakamalinaw na policy statement ng gobyerno, sa aking palagay, ukol paglinang ng ating mga wika -- binigyang diin na hindi kahinaan, kundi lakas, ng bansa ang mahigit nitong 170ng wika. Pangsampu tayo sa buong daigdig na may pinakamaraming wika, aniya.
Ang ikalawang dahilan ay maaaring ma-misinterpret ng iba nating kababayan; sana naman ay hindi. Pero natutuwa akong nangyayari ang pagbabagong ito sa pananaw ng Komisyon sa pangunguna ng isang Bikolano na tubong Sorsogon.
At pangatlo, salig sa pagkilala ng ating pagka multilinggwal at multikultural, ang bagong bisyon at misyon ng KWF ay nagbibigay-sigla sa mga kagaya ko na nais ding payabungin at pagyamanin ang sarili naming wika -- ang Bikol na ayon kay Irvin Sto. Tomas “ay may 2.5 milyong neytiv ispiker (1990 sensus) ... at sinasalita sa malaking bahagi ng Camarines Sur at Albay, bahagi ng Camarines Norte, Catanduanes at Sorsogon at Burias Island ng Masbate.”
Isa sa mga natutunan ko nang bumalik ako sa paaralan noong 2004 ay ang konsepto ng “paradigm shift.” Inimbento ni Thomas Kuhn, isang Amerikanong intelektwal, ang ideyang ito upang ipaliwanag ang mga mga pagbabagong nagaganap ("scientific revolutions") sa larangan ng siyensya.
Halimbawa, nuong unang panahon, naniniwala ang mga tao na ang daigdig ang sentro ng uniberso; kilala ito bilang ang geocentric model ni Ptolemy. Kahit ang Simbahang Katoliko ay nanghawakan dito hanggang sa Middle Ages, anupat napilitan ang sikat na astronomong si Galileo na talikuran ang kanyang unang paninindigan na umiikot ang daigdig sa araw, kasuwato ng heliocentric model ni Copernicus.
Subalit naglaon, napatunayang mali si Ptolemy at tama si Copernicus, anupat si Pope John Paul II mismo ay nagsabi noong 1992 na tama pala si Galileo at nagkamali ang simbahan, although in good faith. Isang paradigm shift ang binuong modelo ni Copernicus, at malawakang binago nito ang pananaw ng tao ukol sa uniberso.
Maituturing din na isang paradigm shift ang bagong bisyon at misyon ng KWF sa pangunguna ni Nolasco. Sa mga puristang makikitid ang utak, isang erehe lang ang makapagsasabing, “Gusto naming isipin na lipas na ang panahon na ang mga gawain ng komisyon -- sa katotohanan o sa karaniwang pagkakaalam -- ay eksklusibong nakatuon sa wikang pambansa, sa kapabayaan ng mahigit na 170ng wika ng ating bansa at nang walang makatotohanang pagsasaalang-alang sa isa pang opisyal na wika ng bansa, ang Ingles, o sa mas eksaktong pormulasyon, ang Philippine English.”
Pero ayon sa Pranses na si Victor Hugo, “There is nothing more powerful than an idea whose time has come.” Naniniwala akong tama at napapanahon ang landas na tinatahak ng mga erehe sa KWF. Ito rin ang landas na tinatahak ng mga Bikolanong manunulat, kabilang na ang tumutula, umaawit, nagkukwento, nagsasadula at nakikipagtalakayan sa wikang Bikol, na naniniwalang tapos na ang panahon ng mga tawong lipod sa literaturang Bikolnon.
An sabi ngani kaiyan ni Frank Peñones: "Sa panahon na ini ‘dai na maninigo an metapora kan mga taong lipod sa mga parasurat na Bikolano huli ta igwa nang pag-uswag, pagdakol kan mga parasurat asin pagdugang man kan saindang produksyon.’” Sa saiyang rebyu kan libro ni Peñones, si Kristian Cordero nagsumpay: “An koleksyon na ini sarong dakulang dugang sa nagtatambo tang literatura na haloy bago nakabutas sa imahe kan mga tawong lipod na ngonyan luhay-luhay nang namamansayan, namamatian kadungan kan naglalawig na terasa kan literaturang Bikol.”
Bilang tugon sa layunin ng Komisyon, pinagtibay kahapon sa planning workshop ng pamahalaang panlungsod ng Naga ang pagbuo ng isang lokal na institute bago matapos ang taon; ito ang mangunguna sa pag-stardardize ng Bicol-Naga, sa tulong ng isang modernong Bicol-English dictionary.
Hindi ba mas mainam na makita ang bawat Pilipino na mahusay sa tatlong wikang kailangan para sa matatag na kinabukasan ng bansa -- ang wikang kinamulatan, ang wikang Filipino at ang Ingles -- upang ang Buwan ng Wika bawat Agosto ay maging pagdiriwang ng kanyang kakayahang harapin ang matinding hamon ng bukas?
Si Willy Prilles, Jr. ay may weblog sa http://nagueno.blogspot.com.