Ako mismo o kolektibismo?

Submitted by Vox Bikol on Mon, 11/09/2009 - 14:27

Ang "ako mismo" ay isang ad campaign na sinasaad na sa sarili magsisimula ang pagbabago. Dili walang iba kundi ako ang susi sa transformasyong panlipunan. Hindi aksidente na ang kampanya ay nakatuon sa pagpasok ng bansa sa eleksyon ng 2010. Tila susing kawing sa iba pang kampanya ukol sa first-time voter registration, pati na ang "boto mo, ipatrol mo."

Ang nagsasaad ng ako mismo ay hindi ordinaryong ako. Sila ay mga celebrity endorsers: basketbolista-turned-TV host Chris Tiu, Eraserheads singer-turned-pop music icon Ely Buendia, film school teacher-turned-internet icon Ramon Bautista, kapuso-turned-kapamilya Angel Locsin, at iba pa. Mga celebrity ang ninanaturalisa bilang identifikasyon ng natural na ako-ang tayong mamamayan.

At bilang marka ng identifikasyon, mayroong mabibiling tags bilang marka ng nabubuong kolektibad ng ako mismo. Ang higit na mito ng ahensya ng individual na sinisiwalat ng kampanya ay ang mito ng panlipunang transformasyon dulot ng pagtransforma ng sarili. Judeo-christianong tradisyon ang pinaghahalawan nito, na kapag natransforma mo ang sarili, matratransforma mo ang kapwa, maging ang paligid at pamayanan mo.

Ikaw ang grain sa sand na nakakapuwing, ang butil ng mustard seed na magiging higanteng puno, ang ordinaryong Moses na handang isakripisyo ang anak para patunayan lamang ang kanyang debosyon sa maykapal. Kundi man, zen mode ito, na napapaniwala ang sarili sa pamamagitan ng pisikal, mental at spiritwal na transformasyon ng individual sa mas mataas na antas ng pagkatao o pagkakaluluwa, magiging mabuti ito para sa kapwa at sanlibutan.

Linggwistika, ang ako mismo ay may kakatwang isinasaad. Ako bilang subject ng pangungusap at ng mundo, ang doer-hindi receiver o direct objek lamang-ng aksyon. Mismo, tulad ng ora mismo, na ang pangahulugan ay na/din, imperatibo ng ngayon at sino. O sa gay speak, ang walang maliw na ako, walang dili iba kundi ang ako. Kaya ang isinasaad ng kampanya ay ang sarili na walang dili iba kundi ang sarili, at walang dili iba kundi ang panahon ng kasalukuyan.

Dahil susi sa kampanya ang paglapit sa 2010 na eleksyon-kakatwa dahil sa kauna-unahang panahon ay "automated" (bilang paghahanda sa mas malawakang reproduceabilidad ng botante at kanyang boto, o ang mas malawakang disempowerment ng ako, at kung gayon, ang "tayo mismo" o ang gitnang uri bilang dinedehado), at ang pinakamalawakang paggamit ng media sa kampanya para sa pagpipilian (ang boto) ng mamamayan (ang ako)-ang ako mismo ay ukol sa panahon at pagka-napapanahon.

Panahon ng eleksyon, at napapanahong paghahanda sa eleksyon. Kung ito ang panahon na itinatakda ng kampanya, at lihis naman sa pag-ukol sa iba pang panahon at pagkakataon, hindi ba't ang isinisiwalat nito ay ang lohika ng patronage politics na di lamang nagpapabor sa pabor ng mga maykayang patronahe, kundi ng pagboto sa eleksyon bilang reformang susi sa panlipunang transformasyon?

At kung ito ay ukol lamang sa panlipunang transformasyon, ang isinasaad ay ang pagbabago-at pagbibigay ng vote of confidence-sa susunod na henerasyon ng mga politikong maghahari (at integral sa paghaharing ito ang pagpapatanggap sa lipunang kalakarang pang-araw-araw ang malawakang korapsyon at paghihirap). Kung sa Kristianong tradisyon, ang patron ang tagapamahagi ng pabor na batayang pang-individual, sa politika ay gayundin. Susi ang patron, tulad ng santo't santa, sa kagalingan ng individual na buhay.

Hindi kolektibo ang isinasaad na pagbabago ng politika ng eleksyon dahil kahit na masibo ang pandaraya, pagbili ng boto at pananakot ng mga kandidato, ang nabibiyayaan ng pagbili ng boto ay hindi naman ang pamayanan kundi ang individual na nagkakaahensyang politikal sa pagkakataon lamang ng eleksyon. Sa ibang pagkakataon, walang ahensya ang masibong masa. Minamasa lamang sila para tanggapin ang kanilang kasaglakan sa paghihirap at dehumanisasyon, at pinapasilip sa pamamagitan ng pilantropiya ang posibilidad at imposibilidad ng pag-angat ng kolektibidad.

Tulad ng Kristianismo, na di tulad sa zen Buddhismo, ang patron ay ipinapalaganap sa pamamagitan ng spectacle: higanteng crucifix, mga estatwa kundi man higanteng simbahan, ritualisasyon ng paniniwala at debosyon, prusisyon, at pambansang pagdiriwang sa tampok na relihiyosong pangyayari, at iba pa. Pero di kakatwa sa zen Buddhismo, na tulad sa Kristianismo, sa antas ng individualidad ipinapatagos ang mantra ng pagbabago.

Sa politika, dinudumog ang politiko na parang patrong tutubos at sasagip sa masa sa kanilang individual na predikamento. Kapag nagsalita ang politiko-dahil may kaakibat na anting-anting ang kanyang pananalita sa panlipunang kapangyarihang pinanggagalingan-natatalinhaga ang nakikinig, tulad ng mga relihiyosong debotong kinakapitan ang bawat pananalita ng kanilang pari at ministro: para tanggapin ang aral sa kasalukuyan bilang susi sa kanilang hinaharap.

Edukasyon-bilang-suri-sa pag-unlad, lipunang makatao, pamahalaang-may-puso, tagapagligtas-sa-disaster-na hindi hiwalay sa mga santo't santa sa kanilang asignatura sa kalangitan: patron ng nawalan, patron ng kawalan-pag-asa, patron ng manggagawa, patron ng mga pet, patron ng mga marino, at iba pa. Sa pagsasalita sa politika, sila ang kumakatawan sa spectacle ng imahen, kahit pa purong imahen ito.

Walang substansya ang pananalita ng politiko maliban sa pagkakaroon ng bagong figura na magsisiwalat ng kahalintulad na retorika ng kolektibong hinanaing, at individualisadong pangangailangan at redempsyon. Ito ang euphoria ng utopia. Kahit distansyado ang utopia, ginagawa itong abot-tanaw, abot-kamay na oasis.

At hindi ito mahirap gawin para sa historikal na naisantabi-ito o rebolusyon, ang paminsanang malling at Jollibee (kahit pa pagpag na galing sa basurahan ng fastfood) na kahalintulad ang pwersa ng representatibong kandidato ng politikang naghahasik ng pangako ng magandang kinabukasan. Na tulad ng kanyang gitnang uring kamamamayan, bakit magrerebolusyon kung mayroon namang chicken joy at SM Mall, call center work at malamig na bucket beer na pwedeng isilbi ng ala-sais ng umaga?

Individual ang pagpili, at oberdeterminado ang pagpipilian at pagpili. Walang tinutukan ng baril, maliban sa mga aktibistang dinahas at politikal na pinapaslang. Dahil nga ang estado ng ordinaryong mamamayan ay ginagawang ligtas at paborable sa lohika ng pambansang pag-unlad ng estado.

Ang sarili na hinulma ng RSA at ISA, represibo at ideolohikal ang aparato ng estado na may papel sa pagsubtansya ng individual tungo sa sabjek ng estado. Sa pamamagitan ng patuloy na disiplina, surveillance, at pagparusa sa pang-araw-araw, kakatwang naiinternalisa ng individual ang kapangyarihang ito. Napapayag siyang madepolitisa sa pagdanas nito sa moda ng kaligayahan lamang, na kinalalahukan ng pagbura ng moda ng pasakit at pighati.

Individualisado ang pagtagos ng kapangyarihang estado, at kung gayon, individualisado ang pagpapasulpot ng ahensya ng kapangyarihan sa bawat mamamayan. Nagiging abstrakto at konkreto ang estado. Abstrakto na hindi maikawing ang kanyang pagpapasakit sa isang sistematikong layunin, lalo na ng estado; at konkreto na sa bawat pagdanas ng ligaya ay nagiging sa pamamagitan ng daluyan ng estado lamang ("brought to you by the Philippine state at imperialist globalization" kumbaga).

Kaya ang postura ng individual ay parating bilang moderno, kosmopolitan at urbano. Walang nakakaisip ng moderno bilang mas mababang uri, pedestriano at tradisyonal. Ito ang paglikha ng pribadong sarili, lalo na sa neoliberalismo. Ipinapaako sa sarili, sa ako ang pag-asa para sa katubusan ng sambayanan, kundi man ng imahinaryong kolektibidad, sa pamamagitan ng pagkamit ng middle-class markers.

Kaya hindi kakatwa ang pagbili ng tags bilang marka ng afiliasyon sa imahinaryong pamamayanan, pati sa imahinaryong causa nito. Na isa pa ring ensayo sa konsumerismo, pati na rin sa kahandaan ng sarili sa dole-outs ng politiko. Garantisado sa maraming pagkakataon ang depolitikal na pamamaraan-ang rasyonalisasyon ng apolitikal (kasama na rito ang efficacy ng Bantay Bata, Bantay Kalikasan, Sagip Bansa modes) bilang rasyonal na paliwanag ng estado.

Kay Gloria Arroyo, wala nang magagawa, antayin na lamang ang eleksyon ng 2010 para mapalitan siya. At kahit mapalitan siya, muli't muli na naman niyang isusugal ang yaman ng bansa para sa pagkakataong maipanalo ang kanyang lehitimong piniling kandidato. Sa mga malalaking negosyante, ang gitnang uring panaginip na akma sa "wala nang magagawa" mode ng gobyerno. Tanging sa pagiging kasapi ng gitnang uri may magagaa pa.

Ang masa ay demonized, nirerepresenta ng media at gobyerno bilang mob, pedestriano, rowdy, at politikal. Kaya kailangang i-contain (politikal na pagpaslang, pandurukot, no-permit-no-rally, legal na harassment), kundi man outward na koersyon, tulad ng demolisyon at dispersal. Gayong ang di isinasaad ay politikal na ang depolitisasyon o ang pagtanggap sa apolitisasyon ng individual na kalagayan.

Ang bisa ng politikal ay bisang kontra-estado. Walang puwang ang anumang mas mababa rito. Tulad sa politikal na pagpaslang, na aktibista lamang ang pinapatay dahil ito ang figurang itinakda ng gobyerno na mapanganib at kontra-estado, ang ginagawa ng negosyo ay pangungumbinsi sa tinatahak na landas ng gentrifikasyon: magpayaman na lamang nang hindi na kailangang ibenta ang sagradong karapatan ng pagboto, o ang pagpili sa konsumerismo ay pag-eensayo ng liberal na demokrasya.

Ang radikal (politikal na makauri) na individual o ang OCW at call center universe? Sa pamamagitan lamang ng politikal na sarili mare-reclaim ang tunay na ahensyang magiging mapagpasya sa kolektibismo. Nakaugnay ang sariling ito sa politikal na masa, ang ugnayan ng politikal na sarili sa politikal na masang kilusan. Dito naman maisasakatuparan na ang pangarap ng sarili ay pangarap ng lahat, ang realisasyon ng kolektibismo mismo.

Sa politikal na pagkanilalang (isang substansya na pinipili ng individual), ang puwang ng kasaysayan at makauring panunuri ang lilikha ng transformasyong panlipunan. At ang kolektibong paglikha ay inaakda ng mga politikal na individual. Ang rebolusyon ay hindi naman natatanging pagkakataon ng pagtunghay sa class war. May class war din sa pang-araw-araw na aktibidad ng estado-mula malling, panonood ng sine, at kahirapan, kagutuman, kawalan ng matirahan, at pagkasalanta sa baha.

Sa huli, hindi ako mismo ang magpapalaya at magpapabago sa lipunan, kundi ang politikal na sambayanang hindi ina-address ng kampanya, ang ayaw i-address ng kampanya. Tags kapalit ng taas-kamao; personalidad kapalit ng nakikibakang masa, pati ng naghihikahos na masa; media-savyness kapalit ng kolektibong pagkilos; pangarap sa gitnang uring panuntunan kapalit ng aktwal na realisasyon ng kondisyon ng paghihikahos.

Politikal dahil sa politikal lamang nagkakaroon ng puwang ang makauring atas ng kasaysayan para sa transformasyong panlipunan.