National artists at ang unang baboy sa langit

Submitted by Vox Bikol on Sat, 09/05/2009 - 01:38

Sa alingasngas na nalikha ng seleksyon ng 2009 National Artists Award (NAA), dalawang isyu ang tumitingkad na pangunahing diskurso: sa punto na may pakiwaring agrabyado-mga pambansang alagad ng sining, "lehitimong" artista, intelektwal, manggagawang pangkultura, at elitista-ang madalas masambit ay ang diskurso ng delicadeza o ang pagkilos ng tama at nasa lugar ng mga tao; at sa punto ng inaakusahang nakapang-agrabyado-Malacanang, Carlo Caparas, Cecille Guidote-Alvarez, at Vilma Labrador ng NCCA-kontra-masa (Caparas), competency (Labrador at Alvarez), at prerogatibong karapatan ng presidente (lahat).

Peligroso ang bawat panig. Walang batas na gumagabay sa delicadeza, nasa purview ito ng kagandahang asal. At tulad ng sinasambit ni Caparas, na siya ang tunay na artista ng bayan dahil galing siya sa masa at tinatangkilik siya ng masa, makauring diskurso rin ang pagbanggit ng delicadeza. Sino ba ang nagsasabi kung ano ang prim and proper? Kaninong pamantayan ba alinsunod ang dekorum na kahilingan ng delicadeza?

Ang isinasaad naman ng kampo ng nakapang-agrabyado ay ang kanilang moral at ligal na claim sa NAA. Moral dahil lehitimo naman silang artista, at kung pambansa ang saklaw ng pagiging artista sa NAA, tinatangkilik naman ng napakaraming ordinaryong tao bilang benefisyaryo ng kanilang sining, pati nga ang global na odyens (ang "diasporic theater" ni Alvarez). Legal dahil sa iisang entidad-ang prerogatibong kapangyarihan ng presidente na magfinalisa ng listahang ihihirang.

Malinaw sa batas na ang presidente ang may final na desisyon. Mula sa listahan ng NCCA at CCP, "The list is then forwarded to the President of the Philippines, who, by Presidential Proclamation, proclaims the final nominees as members of the Order of National Artists." Nakasandal itong kapangyarihang makapagproklama ng presidente sa pangkalahatang katagian ng NAA, "The Government of the Republic of the Philippines confers the award to deserving individuals who have been recommended by both the CCP and the NCCA."
Samakatuwid, ang NAA is ibinibigay ng estado, sa pamamagitan ng kasalukuyang pangulo, sa mga artistang nais nitong pagkalooban ng grasya at titulo ng pambansang artista. Mahaba naman ang kasaysayan ng interbensyon ng pinakarepresentatibo ng estado sa NAA: si Marcos kay Carlos P. Romulo noong 1982 para sa non-fiction nitong akda; si Fidel V. Ramos kay Carlos Quirino noong 1997 para sa "historical literature"; si Joseph Estrada kay Ernani Cuenco noong 1999 para sa musika; si Arroyo kina Alejandro Roces noong 2003 para sa literatura, Abdulmari Asia Imao noong 2006 para sa sining biswal; at sina Francisco Manosa, Jose Moreno, Alvarez at Caparas nitong 2009.

Kung gayon, ang pagsasalin ng prerogatibong kapangyarihan ng presidente ay nangangahulugan ng pagpapalaganap ng diskurso ng "gifting" o pag-aaginaldo at pagreregalo. Hindi hayagang umaasa ang tumatanggap. At sa dekorum ng gifting, hindi tumatanggi sa regalo. May moral ascendancy ang tumatanggap dahil mas hayag na may moral ascendancy ang nagbibigay ng regalo. At ang kapalit ng regalo sa taong tumatanggap ay ang loyalty, patriyotismo at hayagang papuri sa nagbigay.

Kapag binigyan ka, hindi lamang sasabihing "I thank you," tulad ng huling linyang sinasambit ng beauty contestant pagkatapos magpakilala ng sarili o sumagot ng tanong sa question-and-answer portion. Ang sasabihin ng nabigyan ay "I would like to thank..., without which I would not have been borne." Diyos, patron, nagmamay-ari ng buhay at pagkatao ang nagbibigay.

Sa nagbigay, ang presidente sa pagkakataon ng NAA, ay magsasawalang-kibo, o hahayaang ang ibang spin doctors ang sumagot ng alingasngas para sa kanya. Ang tawag naman dito ay prerogatibo pa rin, na ang pagtingin ni Arroyo, ay isang malaking prerogatibo ang maghari sa anumang paraan nais niya, sa anumang dahilan na maibigan niya, kung sino, ano, kailan at saan niya nais ipahiwatig ang kanyang paghahari. Hindi ito abuse of power, dahil kung mayroon nito, legal na siyang natanggal sa kapangyarihan.

Ang prerogatibo ni Arroyo ay nanggagaling sa pagkabig ng politika para sa kanyang pabor. At sa katangian ng politika, ang ginagawa niya ngayon ay babalik sa kanya sa kinabukasan, kundi man matagal nang bumalik sa kanya. May masasabi pa bang masama o kritikal man lamang sina Moreno, Manosa, Caparas at Alvarez ukol sa kanilang patron?

Kaya ang alingasngas sa NAA ay hindi naman maituturing na aberya at exceptional. Ito na ang kalakaran sa pamamalakad sa bansa. Hindi lamang ang underclass ang sinasabihang maging matapang ang sikmura, makapal ang mukha, igiit ang sarili, at gamitin ang pondo ng bayan kung kinakailangan, halimbawa, kundi pati na rin ang mismong elitista ng bansa.

Sila man ay kailangan ng mas malalaking aginaldo at regalo. Na ayon sa Corruptionary, isang diksyonaryo ng mga terminong gamit sa korapsyon, ang aginaldo at regalo ay nangangahulugan ng paglalatag ng kondisyong mapabilis ang mga idinudulog sa kapangyarihan. Kung ang elitista ay mayroon nang entitlement, at dahil sa malawakang korapsyon sa bansa na 30 porsyento ng kaban ng yaman ay napupunta sa bulsa ng korap na mayayaman, ano pa ba naman ang ipinagkaiba ng aspirasyong makaangat ng ordinaryong mamamayan?

Parang cellphone, entitlement din ang dahilan ng madalasang nakawan nito: entitlement sa panig ng magnanakaw dahil sa abang lagay ay pinatagos sa kanya na bahagi ang cellphone ng gitnang uring panuntunan at kalidad ng buhay; sa panig ng ninanakawan, na pribadong pag-aari ito, at ang pagnanakaw ay violation sa pribadong pagkataong nagpakahirap para makamit itong marka ng pagiging kosmpolitan at urbanong nilalang. Bukod pa rito, ang murang pasa-load na kahit nangangalakay sa Payatas at nangangariton ng basura ay maaring magkaroon ng temporal na akses sa gitnang uring panuntunan ng buhay.

Nagreregalo ang lahat ng antas ng buhay dahil ito ang tendensiya sa mga sinyales ng pambansang pamunuang di naman itinatago ang mga insidente ng malakihan at maramihang korapsyon. Sa madaling salita, normal at sakto lang ito. Kaya ang buwanang stipend at isang milyong pondo kada taon ng NA-kwalikado o hindi man-ay hindi naman hiwalay sa sariling disenfranchisement at entitlement laban at pabor sa sistema.

Ang basbas ng estado ay naghuhugas sa anumang kasalatan at kalabisan ng kasaysayan ng natakdang national artist. Tulad ng mga napili sa pelikula, halimbawa, na marami ay naging direktor ng anti-komunistang propagandang pelikula na pinondohan ng U.S. State Department, pati na rin sa B-film sub-industry ng Hollywood na sinubkontrata sa bansa, matapos mahirang ang mga direktor, sila na ang ofisyal na itinalaga na artistang nagpayaman ng karanasang makabansa. Abswelto kundi man absolusyon ang pangako ng posibilidad ng pagiging national artist.

"Swinging in both ways" para sa estado at artista ang diskurso ng national artist. Dinadambana sa estado ang national artist, at ang moderasyon sa kritisismo ay patukoy lamang sa presidenteng may prerogatibong namili sa kanila. Hindi rin naman papayag ang national artist na maging trophy boy ng estado, at ang nasyonalistiko (bayan ang humirang) o artistiko (ang kadakilaan ng sariling sining) na diskurso ang itataguyod nito. Pero ang mobilisasyon ng nasyonalistiko at artistikong mga diskurso ay in retrospect na lamang, matapos mapili para sa NAA.

Good boy, bad boy pwedeng maging national artist: rebelde at pacifist, art-for-art's sake at social realist, figurist at abstractionist, traditionalist at modernist, at iba pa, pasok sa estado. Sa huli, may basbas, at may absolusyon dahil may pagpasok sa diskurso ng estado na magkaroon ito ng prerogatibong kapangyarihan. Part of the game dahil hindi naman magtatapos ang laro ng NAA. Hindi aabot sa endgame.

Kung ayaw ng national artist, bakit di lusawin ang NAA? Hindi naman ganito ang framing ng alingasngas sa kasalukuyan. Ayaw lamang sa pregatibong kapangyarihan, ang pagtapon sa masinop na prosesong kinalalahukan ng peers at ng mga aparatong kultural. Maari bang ganito-ayaw sa prerogatibo, gusto sa proseso; ayaw kina Caparas at Alvarez, gusto kina Manosa, Moreno at Lope K. Santos?

Wala na ngang delicadeza, nasyonalismo at kalabisan dahil lahat ay normal at 'sakto lang kay Arroyo. Kung gayon, ano ang posisyong maaring katigan sa isyung ito? May kwentong pambata si Rene Villanueva, "Ang Unang Baboy sa Langit." Ukol ito sa kakatwang biik na gusto ng malinis, ayaw ng dumi at putik, ayaw ng kaning baboy, gustong naliligo araw-araw. Hanggang sa huli ay itinatwa siya ng kapwa baboy dahil hindi normal ang kanyang gawi.

Sa kanyang kamartiran, kung hindi ako nagkakamali sa pag-alaala, naging lechon itong baboy sa paglaki dahil hindi baboy ang baboy kundi ito nagiging lechon. Iprinusisyon ang kanyang imahe bilang pagkilala sa kanyang pagiging unang baboy sa langit. Maaring tignan ang national artist bilang ganitong nilalang. Kakatwa dahil naiiba at abante sa kanilang panahon. Alam nila ang kanilang causa na siya ring causa ng kolektibo.

Kapalaran nilang maging national artist dahil ito ang kautusan ng mas nakakataas na kapangyarihan. Abstrakto man ito sa kwentong pambata, sa aktwal na mundo ng national artist, malinaw ang daluyan ng basbas at realisasyon ng kapalaran. Kapalaran nila na tila isang manifest destiny. Nagiging national artist sila dahil may una at malawakang pangunguna para sa kanilang sining at sangkatauhan (o sangkababuyan sa kaso ng kwento).

Kaya hindi kakatwa na ang panawagan ng Concerned Artists of the Philippines sa isyu ng seleksyon ng national artists ay "Huwag babuyin ang National Artist!" Sa isang banda, paano bababuyin ang matagal na ngang binaboy sa mahabang kasaysayan ng NAA? May ironiya ba sa panawagang huwag babuyin ang baboy, na sa maikling kwento ni Villanueva ay ang kakatwang baboy na nagpakita sa ordinaryong mamamayan ng isang pisngi ng langit?

Sa kabilang banda, ang national artist ba ay isang sagradong entidad na hindi kababoy-baboy? Ang isinasaad ng nabubuong diskurso ng kasalukuyang alingasngas ay hindi santong hinihirang ang national artist. Dahil paano ito hihirangin kung ang kamay na nagpaangat sa status nito ay kamay na may bahid ng putik at dugo? Na ang bawat salatin ay nagiging baboy. Maari bang ipagmalaki ng biik ang baboy nitong ina? (Bulatlat.com)