Nabuhay akong nagkaroon ng politikal na kamulatan sa kasagsagan ng diktaduryang Marcos. At bahagi ng kamulatang ito, ang pag-challenge ni Cory Aquino sa diktadurya. Bago siya pumasok sa asasinasyon ng kanyang asawang si Ninoy, isinumpa raw ang henerasyon namin-"ang martial law babies"-na ang tangi naming pangulong makikilala ay si Marcos, at matapos, si Imelda.
Matingkad ang alaala ni Cory dahil tunay itong masigasig sa anti-diktaduryang pakikibaka. Ilang beses ko itong nakitang magsalita sa De La Salle, at mga rali sa Ayala. Halos abot-kamay lamang sa mga pagkakataong ito dahil tunay naman ang simpatya ng karamihan ay sa balong umako ng pakikipaglaban ng kanyang asawang politiko. Hindi pa siya politiko noong mga panahon ito, at maningning ang sinseridad niya sa adhikaing pagbabago.
At dilaw ang kanyang kulay, na pakutya ni Imelda ay nagpapaalaala raw sa kanya ng jaundice, o ang paninilaw ng balat at mata. Sa pananaw ng Marcoses, si Cory ay isang sakit na mawawala rin. Pero nagkamali sila dahil kumapit ang mga tao kay Cory bilang representatibong figura ng pagbabago sa pamunuan at sistema. Ito ang panahon na daan-daang libo ang mga tao kapag nagpatawag ng rali sa Liwasang Bonifacio.
Umuulan ng yellow confetti (putol-putol na pahina ng Yellow Pages lang naman, na isa ring pagkadismaya sa kawalan ng kalidad ng serbisyo ng PLDT, ang may monopolyo sa linya ng telepono) sa Ayala Avenue. Pati ang rali ng YS (youth and students) ay dinudumog. May atraksyon na lumabas sa kalye, hindi nakakasapat ang kaalamang itinuturo sa eskwelahan, at ang tunay na pag-aaral ay nasa labas ng klasrum.
Ang mantra sa YS noon ay "do not let the classroom interfere with your education." Masigla ang produksyon ng kontra-kulturang anti-diktadurya ng panahong ito. Ang kaibigang skolar si Joi Barrios ay gumawa ng kanyang masteral thesis ukol sa pagiging manggagawang pangkultura sa panahong ito. Dito kami unang nagkakilala, at marahil, kahit nasa ibang bansa kami ay patuloy pa rin ang pakakaibigan at paninindigan.
Hindi lang naman si Cory ang dahilan ng masigabong kilusang masa sa panahon ng diktadurya. Hindi naman pamalit-personalidad lang ang hinahanap ng mamamayan sa panahong ito. Na kahit ang biruan na kapag aso ang lumaban sa eleksyon kay Marcos, mananalo ang aso, ay hindi naman nangyari na natalo si Marcos. Sa snap elections ng 7 Pebrero1986, si Cory ang asong tumalo kay Marcos. Na kahit sa ofisyal na bilangan ay nanalo si Marcos, ang kapangyarihan ni Cory na nagpatawag ng civil disobedience at people power ang siyang nagpaluhod sa diktadura.
Nais kong alalahanin si Cory sa bookends-simula at pagtatapos-ng politikal na buhay nito. Impit at monotono ang boses pero milyon-milyon ang nakikinig sa kanya, kahit paulit-ulit ang kanyang kwento at walang kapaguran na sinasambit na "Tama na, sobra na, palitan na" ang Marcoses. Nang siya ay manungkulan, maraming kahinaan at kasalatan si Cory. Bumalik ang kumpiyansa ko sa kanya sa panahon ni Gloria Arroyo at ang kanyang di matatawarang bottomline-kailangang mag-resign si Arroyo, kailangan labanan ang panunumbalik ng tiraniya.
May tumawag sa akin na nagtratrabaho sa stasyon sa telebisyon, gusto raw akong interbyuhin ukol sa kulturang popular ni Cory. Tinanggihan ko dahil sa pananaw ko, hindi ba't sila dapat ang nagsasaliksik nito? Na kalakhan ng karanasan ko sa panayam ay pagsagot sa mga general kundi man pointed na tanong, na kundi ginagamit ka lang bilang resource person ay gusto kang gamitin bilang taga-bigay ng soundbytes sa kanilang nabuo nang argumento.
Iba ang kulturang popular na dulot ng popularidad ni Cory. May Cory dolls na may marka ng personahe nito: nakadilaw na damit, nakasalaming malapad, naka-L ang daliri. May Australian television mini-series hinggil sa EDSA uprising, si Tessie Tomas ang gumanap na Imelda at si Laurice Guillen bilang Cory. Nang mag-Oscar awards ilang buwan matapos ang EDSA, binati ni Jane Fonda ang Pilipinas at nag-L sa harap ng bilyong manonood.
Parating pinagtatapat ang dalawang babae ng panahong ito, na tunay namang maa-outlive ang kanilang mga asawa. Labanan ng mga balo, at sila ang magpapahiwatig kung ano ba tayo bilang bansa. Sa figura ni Imelda, ang kultura ng amnesia na makakapanumbalik sa kapangyarihan kundi man sa limelight ang dating kalahating bahagi ng pinaka-corrupt na pamunuan sa mundo. Hindi ito masasakdal sa anumang krimen hinggil sa ill-gotten wealth, makakapag-party pa rin ito-bawas nga lang sa mga international celebrity well-wishers-na parang hindi ito naghihirap o nahihirapan.
Nananatili siyang "puta-puta" sa henerasyong nakatunghay sa diktadurya. Sa mga hindi, ang Marcoses ay si Imeldang ikonikong lumabas sa t-shirts na parang si Che Guevarra, o si Borgy Manotoc, ang bad-boy pero model na socialite (pwede pala itong identidad). Si Cory naman ay ang kultura ng pagpiling tignan lang siya sa isang dimesyon, bilang isang santa.
Na parang siya si Joan of Arc na hinango tayo sa diktadurya, at ibinalik ang demokrasya. O birhen na dinadambana dahil siya mismo ay isang relihiyosong Katoliko. Ang one-dimensional woman mode kay Cory ang nagpalabo ng mga detalyeng makapanghuhusga sa tunay niyang kontribusyon sa kasaysayan.
Hindi maaalaala si Cory sa kanyang mga kapalpakan sa mismong yugto ng kasaysayang ipinagkaloob sa kanya-hindi niya ito binago, pinaigting niya ang paghahari ng ibang faksyon ng namamayaning sistema, inihanda niya ang bansa sa "shock therapy" magja-jumpstart sa paglahok ng bansa sa imperialistang globalisasyon. Lalo na sa kanyang lamay at libing, pasiyam at 40th day, si Cory ay maalaala lamang sa kanyang one-dimensional na pagkatao.
Na isa pa ring uri ng pambansang amnesia-na ang mga santo at mandirigma nito, tulad din ni Manny Pacquiao, at mga sumikat sa ibang panig ng mundo, sina Lea Salonga, Arnel Pineda at Charice Pempengco, ay walang ginagawang masama. Tanging sa positibo lang sila piniling alalahanin sa kolektibong imahinasyon. Si Cory ang bayaning hindi pa napapanahong itumba. Kung si Marcos nga ay dinadakila na sa textbooks ng kasaysayan bilang modernizer ng bansa, paano pa ang negation ng katiwalian ng administrasyong Cory?
Hindi binabanggit ang paglipat ni Cory ng ekonomikong yaman na kinamkam ng Marcos sa dati nitong may-ari. Na kahit nga ang kontrobersyal na Meralco na inulat na naibenta naman daw bago pa man ideklara ni Marcos ang martial law ng 1972, ay muling nabalik sa mga Lopez. Dispalsipikado ang napasang agrarian reform law dahil sa napakalaking butas na nagpapahintulot ng land conversion (gawing subdivision, mall, golf course at special economic zone, at kung ganito, exempted na), at corporaticization (bigyan ng papel na shares ang magsasaka imbes na lupa).
Hindi binago ang ekonomikong sistema sa higit pang kabutihan nang nakararaming nasa abang lagay na nakibaka para sa kanyang tagumpay. Bagkus, maraming kalabisan sa pambansang kalagayan sa kanyang panunungkulan ang sinabing pamana kasi ng mahabang panahon ng diktadurya. Naalaala ko ang kalahating araw na brownouts araw-araw, kundi man gabi, dahil luma na ang turbines at nilusaw niya ang departamento ng enerhiya.
Naalaala kong ilang ulit na nagpahukay, nagpakabit ng tubo, muling nagpahukay at nagpakabit ng bagong tubo ang nanay ko dahil sa kasalatan ng supply ng tubig. Kulang ang supply kahit may pambayad dahil sa lawak ng saklaw ng kawalan ng tubig. Marami sa mga batas ng pribatisasyon na maaproba sa panahon ni Fidel Ramos ay nakonseptwalisa sa panahon ni Cory.
Ang pagbuwag sa monopolyo ng PLDT, at pagpasok ng iba pang telecom companies ay nasimulan sa administrasyon ni Cory. Pero hindi nito binitiwan ang na-sequester na mga kompanya ni Marcos at cronies nito, malaki ang tubo rito. Ito ang shock therapy (na galing sa Shock Doctrine: The Rise of Disaster Capitalism, 2007, ni Naomi Klein) na sa panahon ng matinding pambansang ligalig ay nailulusot ng gobyerno ang pinakamatinding bigwas ng neoliberalisasyon.
Maraming pagbanggit sa Pilipinas sa panahon nina Marcos at Cory ang bahagi ng shock therapy. Sa pinakamatinding yugto ng panunupil sa mamamayan ni Marcos, higit nitong naipatupad ang mga polisiya ng IMF-World Bank. Imbes na baguhin ni Cory ang kalakaran, kahit nagkaroon ito ng pagkakataon sa maagang yugto ng panunungkulan, malinaw na ipapatupad niya at palalawakin pa ang mga kasunduan ni Marcos. Patuloy ang pagbabayad ng utang sa Bataan Nuclear Power Plant, isinabatas ang pag-peg ng debt-servicing sa pambansang budget, mga bagong taxes at utang na pagkukuhan ng pondo ng administrasyon ni Cory.
Dagdag pa rito, pinalawak ni Cory ang suporta sa naghaharing faksyon ng militar, pinolitisa rin ito, gaya ng gawa ni Marcos, para sa pagtataguyod ng politikal na interes ng bagong naghaharing elite sa kanyang administrasyon. Ang pagbe-baby sa militar ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan, lalo na sa termino ni Arroyo. Marami ring kaso ng paglabag sa karapatang-pantao sa administrasyon ni Cory, bigwas ng pag-"unleash" ng "sword of war" nito laban sa pambansang demokratikong kilusang sumuporta sa kanya.
Namutiktik ang kanayunan sa mga grupong vigilante na drinadramatisa sa pelikulang Orapronobis (Lino Brocka, 1989), na bahagi pa rin na supilin ang pangunahing daluyan ng militanteng pakikibaka sa bansa. Naging dilawan ang pambansang pamamalakad: dilawan na unyonismo, dilawan na peryodismo, dilawan na politika na ang pangunahing layunin ay pahinain ang kilusang masa at palaganapin ang neoliberalismo ng pambansang ekonomiya.
Ang sinasambit na kasalanan ni Cory sa kanyang panunungkulan ay ang pag-miss out sa kasaysayan, na pwede na sana niyang baguhin, pero hindi niya lubos na ginawa, kinabig muli sa pagpapanatili ng bangkaroteng sistema. Bahagi siya ng paglikha ng continuum ng disenyo ng paghahari ng Arroyo, ang matingkad na kaibahan nga lang, ang batayan ng paghahari ng huli sa lantarang tiraniya.
Sa kaso ni Cory, nag-comeback pa nga ang dispalsipikadong agrarian reform nito sa Hacienda Luisita massacre 2004. Sambit ng mga administrasyong politiko kay Arroyo, "history will be kind on her." Hindi ito totoo, kahit makapag-comeback pa ito, tulad ng Marcoses, hindi lubos ang pagbabalik. May naiiwan na hindi kasing ningning ang magiging comeback. Ang kasaysayang mapagpasya ay ang kasaysayang nakapagpabuti sa lagay ng nakararaming mamamayan. Na hindi sila ginamit lang para sa pagmimintina ng politika ng naghaharing faksyon, kundi na may sinseridad na iangat sila sa pangkasaysayang kinasasadlakan. Ito o ang dustpan ng kasaysayan. (Bulatlat.com)