Sunod-sunod silang tumutumba. Ito ang isang bersyon ng tiempo muerto, o ang patay na panahon. Nauna kong narinig ang gamit ng "tiempo muerto" sa kalakaran ng paggawa ng sakadas, ang pana-panahong manggagawa sa bukid. Bukod sa pakyawan ang bayad, sa panahon lamang sila ng tagtanim at tag-ani may kabuhayan. Mas mahaba ang panahon ng paghihikahos kaysa sa isang kahig, isang tuka.
Ang imahen ng mga sakadang nangangamatay o ang kanilang mga anak na wala nang makain, naglolobohan ang tiyan, halos kalansay na ang pangangatawan, ang nilalaman ng pahayagan. Sosyalistang realismo ang representasyon-ang abang lagay ng historikal na walang kapangyarihan, at ang paniningil sa sistemang nagdulot ng sistematikong pambubusabos sa mga nilalang.
Napaawit si Freddie Aguilar ukol sa mga bata sa Negros. Nagkaroon ng guni-guni ang ilang elitistang nabagabag ng mga imahen na magpa-We are the World concert para sa mga biktima ng malawakang malnutrisyon at paghihirap. Ang konsyerto ang naging paradigm ng pagtulong ng maykaya sa wala: ang antigin ang guilt sa pamamagitan ng pilantropong akto ng pagbibigay ng sobrang salapi para sa kagyat na causa.
Kaya nang tumumal ang imahen ng buto't balat na mga musmos, nang medyo gumaan ang buhay sa isla ng Negros matapos bumagsak ang industriya ng asukal, natransforma, at best, ang pilantropong proyekto sa livelihood programs: paggawa ng handicrafts, sweets, delicacies, at iba pang bagay na mamahaling maibebenta sa fair trade market at kamalayan. Kahit na malawakan pa rin ang paghihirap sa Negros at sa iba pang lugar sa bansa, nawala na ang imahen ng pambubusabos at ang kagyat na pangangailangang tumulong ng maykaya.
Nang mamatay si Ninoy Aquino, malay ang kanyang pamilya na irepresenta ang kanyang bangkay bilang martir na inaalay sa paanan ng sambayanan. Maraming litrato ang kanyang ina at asawa na halos niyayapos ng palad ang sugatang bangkay nito. At nang ilibing nga ito, natalo pa ang libing para kay Mahatma Gandhi, naging pinakamalaki at pinakamatagal na pagdadala ng bangkay sa hantungan nito.
Ang kamatayan ni Ninoy ay isang estetisadong kamatayan. Tunay na "the Filipino is worth dying for." Na siya ring ethos ng branded t-shirts na may paghalaw sa kamartiran ni Ninoy: bumibili ang parokyano ng t-shirt at tulad ng kay Che Guevarra na isa ring ikonikong imahen ng aktwal na pagkapaslang nito sa CIA operative, nabubura ng konsumerismo ang ugnayan ng kamatayan at pagtangkilik sa brand.
Noong Hunyo 2009, namatay ang King of Pop na si Michael Jackson, at ang isa sa television series na Charlie's Angels si Farah Fawcett. Biglaan ang kay Jackson kahit pa unti-unti na itong nirerepresenta ng media bilang pagbagsak mula sa kanyang maningning na estado ng kasikatan noong 1980s. Ang kay Fawcett naman ay inaasahan na, matapos ng mahabang paglaban sa kanyang kanser.
Edad medyang gitnang uri ang pangunahing naapektuhan ng dalawang pagkamatay. Kailangan ay nabuhay ng 1980s para maging lubos ang apresiasyon sa dalawang bituin ng US. Parehong bahagi ng kulturang popular ang dalawa: isang lumaktaw sa race barriers para tangilikin ng nasa labas ng kanyang lahi, magkaroon ng global na rekognisyon; at isang ang buhok at ngiti haggang tenga ang nakapagbenta ng pinakamalaking bilang ng posters sa kasaysayan.
Sa unang linggo ng Hulyo, dalawang kamatayan naman mula sa politikal na larangan ang nabalitaan, kalakhan sa internet. Una ay si Ka Wilson Baldonaza, Secretary-General ng Kilusang Mayo Uno (KMU), butihing organisador at edukador sa kilusang paggawa ang napabalitang nagkasakit at matapos ay yumao noong 30 Hunyo. Ang ikalawa ay ang singer at gurong si Susan Fernandez ay pumanaw ng 2 Hulyo.
Pareho silang nagsimulang maging prominente sa kanilang larangan noong 1980s. At patuloy silang yumabong sa kanilang mga larangan hanggang sa araw ng kanilang pagyao. Politikal ang kaibahan ng kamatayan nina Ka Wilson at Susan kina Jackson at Fawcett. Hindi sila produkto ng konsumerismong nagpasikat kina Jackson at Fawcett.
Ang ugnayan nila sa mga batayang sektor at kababaihan ang siyang nagpatingkad ng kanilang papel sa buhay. Direkta ang pakikisangkot ni Ka Wilson sa kilusang paggawa-bilang manggagawa sa Mabuhay Textile hanggang sa pagiging pangkalahatang kalihim niya ng KMU. Si Susan naman ay mahaba rin ang kasaysayan ng pakikisangkot sa kilusang kababaihan, kultural at kaguruan. Ilang beses namin siyang nahilingang umawit sa book launching ng CONTEND at ACT, at parati siyang magiliw kahit pa libro lang ang talent fee.
Ang kamatayan ay isinasaad sa kulturang popular bilang hantungan ng inaakalang anyo ng kamartiran. Nagdusa para at dahil sa kanilang sining sina Jackson at Fawcett, at ang kamatayan ang kanilang natural na rekurso sa pagkadambana sa magkaibang ikonograpikong status ng pagkabituin. Maganda pa rin ang representasyonal na kamatayan kahit na sa aktwal ay siempre, masakit itong pagkalagot ng huling hininga.
Hindi nga ba't si Fawcett ay gumawa pa ng dokumentaryo hinggil sa kanyang paglaban sa sakit na kumuha ng kanyang buhay? Mataas ang ratings nito, at nagplano pa ng sequel. Ang kamatayan naman ni Jackson ay tila inaasahan sa kanyang roller coaster na buhay-exentriko, nakakabighani, paligoy-ligoy kahit pa papalubog na. Na sa kapitalistang kalakaran, para na ring patay at walang reli (relevance) ang mga biglang naghirap na nilalang.
Kailangan ay may kapital na rekuperasyon na magaganap: si Mickey Rourke matapos maging down-and-out na machong bida ay nanumbalik bilang kinikilalang artista; si Whitney Houston ay nawala lang naman sa pagkanta hindi sa mas malaking kita ng pagproprodyus; si Britney Spears ay nagrehab, nag-apila sa korte at umakting na mabuting ina, kaya pinatawad ng kanyang fans at nakapag-world concert tour pa; at sana nga ay nakasama sa listahan na ito ang nabangkaroteng si Jackson.
Kung hindi, ay consigned na lamang sa reality television ang mga talunan at nag-aabang ng comeback. Para itong kamatayan na nasa freezer lamang na variety. Inaamag na pero hindi pa lubos na nabubulok, kaya hindi pa itinatapon. Ang kamatayan sa kulturang popular ay kamatayang mabilisan at may timing. Kaya kawawa rin si Fawcett dahil naging matagalan ang kanyang pag-aabang, at ang timing ay kaagad pang naisantabi ng mas kagyat at prominenteng pagkamatay ni Jackson.
At kapag pinag-uusapan sa ganitong bagay-ang kaangkupan at halaga ng kamatayan-tila gustong maduwal. Pero ganito naman talaga ang paninimbang sa konsumeristang kapitalismo, na ang halaga ng buhay ay nakabatay sa sirkulasyon ng nauna at after-life na buhay sa poder ng kapital-batay sa kapasidad nitong muli't muling kumita.
Ito ang pinagkaiba ng kamatayan sa kapital at sa pakikibaka. Sa kapital, lantaran ang pagkapakat ng buhay, bangkay, kamatayan at resureksyon sa kapasidad nitong makapag-attract muli't muli ng kita. Ang kaningningan ng buhay ay tinutumbasan ng karangyaan at individual na pagkasagip sa katiyakan ng kapital-maari itong masaid, dumami, mawala, matalo. Naging objek ng kapital ang katawan.
Sa pakikibaka, ang pangako ay ang realisasyon ng pagkatao. Itong pagkatao ay hindi tali sa narsisistikong proyekto ng individualismo at individualidad, kundi sa relasyonal na antas ng individual sa kapwa. Nilulusaw ng pakikibaka ang relasyon ng objektifikasyon ng mga tao at ng relasyon sa kapwa at kapital. Pinapatunghay na kahit said sa kapital, mayaman naman sa mga bagay na may substansya sa buhay: nabuhay na di para lamang sa sarili, nabuhay na binuhay ang kapwa, na nakipagkapwa para bigyan-buhay ang sarili.
Ito ang aral sa post-1980s na mamamayan, lalo na ng kabataang ni hindi man lang pinag-alagwa ng EDSA 2, o Con Ass nitong huling mga taon. Na ang buhay na nagma-matter ay ang buhay na may pagtatangkang materialisasyon para sa kapwa at sambayanan. Ang kamatayan sa kulturang popular ay disimuladong politika, ang simulakrum ng ahensya ng individualidad na kaya nitong angkinin ang mundo para sa sarili at kagyat na familya at kaibigan.
Ang kamatayan sa politikal na larangan ay ang realisasyon ng potensyal na maging tao nang lampas pa sarili.
Mabuhay sina Ka Wilson at Susan! (Bulatlat.com)