M-Jeneration

Submitted by Vox Bikol on Fri, 07/03/2009 - 20:36

Nang mabalita sa Internet na patay na si Michael Jackson (MJ) noong Hunyo 25, 2009, mabilisan ang palitan ng mensahe, postings at tribute matapos. Marami ang nalungkot. Banggit ng kaibigang Sarah, yung kapatid ng kaibigan niya, yapos-yapos ang sanggol at bigla na lamang napahagulgol.

Hindi lamang purong imahinaryong bonding ang dahilan. Siya ay dumalo sa MJ concert nang mapadpad ito sa Pilipinas. Pati ang newscaster na si Arnold Clavio, dating reporter lamang noong panahon, ay superlatibo ang paggunita ng kanyang unang engkuwentro sa King of Pop. Banggit ni Sarah, tumigil daw ang paghinga nang unang masilayan ito, at nang makipagkamayan, napatanga sa pagkamangha.

Gusto pa nga ni Sarah mag-memorial run kami para kay MJ, sampung kilometro ng pagtakbo bilang taimtim na paggunita sa isa sa marka ng henerasyon namin. Na kahit pa magkahiwalay ng isang henerasyon ang pagitan namin, isa si MJ na nagtulay ng pagkakakilanlan namin. Pero hindi natuloy ang run, nabusog lamang ang aming alaala sa mga paggunita ng kay MJ noon at sa kanyang kamatayan ngayon.

Lehitimo naman ang kahalagahan ni MJ-isang Afrikano Amerikanong artista na naging mainstream, at matapos ng kanyang rurok na tagumpay, biglang naging exentriko, reklusibo, at sa kolokyal na usapin, isang weirdo. Biglang pumuti, tumangos ang ilong, nagka-cheek bone, umunat ang buhok, nag-asawa kay Priscilla Presley, nagkaanak sa isang nars, nabangkarote, at sa puntong uusad na muli ang career, biglang namatay.

Kami ang M-Jeneration. Ipinaghele at umindak sa kanyang musika, kinakaraoke ang kanyang mga kanta. Marami ang natutong mag-moonwalk. Patuloy pa rin akong nakakakita ng sequined na glove, aviator shades, kinulot na buhok sa mukha, at sash sa Amerikanang itim na ginagaya si MJ, kahit pa para na lamang itong costume na nakikilala ng maraming familiar sa asta ni MJ sa kanyang kasikatan.

Hindi ba't pati si Aga Muhlach ay hindi nahiyang kinopya ang hitsura at sayaw, kasama ng crotch-grabbing moment, ni MJ, lalo na sa "Billie Jean"? Isang kaibigan nga ang nagsabing ang "Ben" at "I Just Can't Stop Loving You" ay nagpapaalaala sa kanyang mga naging mahal sa buhay, infatuation stage o katumbas ng unang buwan ng pagkakakilala. Ano ang musika ni MJ sa buhay mo?

Nang makapagkwentuhan kami ni Sarah, nagtapatan kami kung umiyak ba kami sa pagkamatay ni MJ? Sabi ko ay hindi. Hindi rin umamin si Sarah. At tinanong niya ang mga kasamahan kung sino ba ang iiyakan niya kapag napabalitang namatay na? Hindi kasama si MJ sa binanggit ni Sarah.

Ang pagkamatay ni MJ ay nagbibigay-turing sa kabuuan nitong buhay. Talentado, at ilang beses ang banggit na "musical genius" nga ito, maagang nagtrabaho kasama ang pamilya, magaling sumayaw, lumikha ng awit, i-market ang sarili. Ito ang normal na trajektori na naging batayan ng pagka-alamat ni MJ. Ang sumunod na yugto ng exentrismo at kaweirdohan ang siya namang naging batayan ng pagkutya at kritisismo.

Na naabot na ni MJ ang kanyang glass ceiling bilang Afrikanong Amerikanong artista sa US ay maaring bahagi ng kabuuang kwento nito. Pero ang US at buong mundo ay mahilig sa dalawang magkaibang imahen ng kanyang mga ikonikong artista: young at fat Elvis Presley, virile at fat Marlon Brando, bata at reklusibong Greta Garbo, Beatles at post-Beatles na John Lennon, at ito ngang talentadong Afrikano Amerikanong hitsura o nagpipilit na maging puting si MJ.

Tanging sina James Dean, Marilyn Monroe at Heith Ledger ang iisa ang imahen-ang robustong kabataan at ikonograpikong nilalang na likha ng media. Pati sina Cher, Whitney Houston, Tina Turner, at Madonna ay inaalaala lamang sa kontemporaryong kabataan nila: na kahit tumatanda, ang retorika ng pagpapakilala sa kanila ay sa pamamagitan ng kapasidad nilang makapagpanatili nila ng kanilang kabataang hitsura, musika, at representasyon.

Na kahit na nga namatay sa marahas na overdose o aksidente, ang alaala ng purong kabataan na dulot ng sustenidong reproduceabilidad nito sa media sa iba't ibang panahon, sila ay nabubuhay sa imahinaryo ng naunang mahalagang yugto ng pagkakabataan. Transhistorikal at transkultural ang diwa ng kabataang ito.

At ito ang henerasyong napakat sa kabataan ang imahen ng sarili. Youth worship na tila hindi tatanda. Ilang beses ko nang narinig ang ageist na remark na nagpapatingkad ng distinksyon ng bata at matanda, ng kabataan at adulthood, na pawang sentral na usapin sa mabuskang kabataan ang tila hindi pagtanda nito, ang pananatiling forever young.

Ang "forever young" (Peter Pan syndrome na pinakat din kay MJ) ang ethos ng kapital sa imperialistang globalisasyon. Ang imahen at ethos ng kabataan ang bumebenta para sa mismong kabataan at nakakatandang may higit na ekonomiyang kapital. Ilang beses akong nakakita ng matrona na ang bitbit na bag ay tulad ng kay Paris Hilton, o ang bersyon nito sa Greenhills, Divisoria at Market Market.

Walang gustong tumanda, at maging nakapako ang panlasa. Hindi ba't maging sa aktibismo ay dinamiko ang tingin sa mundo? Ang ipinagkaiba sa imperialistang globalisasyon ay ang reproduceabilidad ng panlasa ng kabataan sa iba't ibang henerasyon, pangunahing rason ang mapagbentahan at mapagkakitaan ang mga ito.

Na tulad ng nawawalang pagkamusmos at pagkabata ng maraming Filipinong napipilitang magtrabaho, kundi man isinadlak sa pinakamiserableng kondisyon ng buhay-mababang pondo para sa edukasyon, publiko serbisyo, walang sariling bahay, naghihikahos araw-araw-ang pagkakabataan din ay isang fantasya na lamang para sa nakararaming Filipino.

Ilang kabataan ang nakaranas na makapagbakasyon kasama ng pamilya at kaibigan sa Boracay at iba pang resort na lugar? Ilan ang nakakapaggimik, nakakapag-shopping, nakakapag-arcade? Ilan ang hindi nagdusa at kusang pinagkalooban ng cellphone, MP4 player at notebook, maging ng kotse, kahit pa segunda mano? Ilan ang kabataan, tulad nang komersyal at ads ng SM malls, Coke, at ng estado?

Habang nag-aantay sa isa pang kaibigan, nagkape kami sa Coffee, Tea and Bean sa Trinoma. Nagsisiksikan sa mesa ang establisyimento sa dami ng kabataan ang maliit na mesa ay pinagsisiksikan ng inorder na malamig na preparasyon ng kape (dessert lang talaga ang turing sa kape sa coffee shops) at gadgets. Wholesome, exklusibo at ginagastahan ang Sabado ng gabi para sa pagdanas ng pagiging kabataan.

Na tulad ng transisyon sa dalawang representasyon kay MJ, ginagawang perverse ang nosyon ng "wholesome," "exklusibo" at "ginagastahan." Wholesome nga ba ito sa malawakang sistema ng karahasan sa napakaraming kabataang walang akses sa pagdanas ng kanilang pagiging kasapi ng henerasyon? Exklusibo gayong bukas na bukas sa sinumang may finansyal na yaman na mapasama sa buklurang nagaganap? At ginagastahan? Sinasaad na sa may pera lamang ang karapatang maging kabataan.

Kaya si MJ ay mas matimbang na aalalahanin ang unang yugto ng may dignidad bilang artista: isang hindi puti na tinanggap ng kaputiang may ekonomikong kapangyarihan. Matapos, nang gustuhin nitong maging kalahi sa pagtamo ng sariling ekonomikong importasya, hindi ito pinahintulutan. Kinukutya pa sa pa pagnanais makalabas sa sariling lahi at kahon.

Umiyak at nagluksa ang mundo hindi sa ikahuling representasyon ni MJ. Sila man-aktwal at imahinaryong kahenerasyon ni MJ-ay nagdiriwang sa artistry ni MJ, at itong kasiningan ay sa yugto na pagkita ng kanyang musika at personahe. Walang nagdiriwang ng yugto ng pagkutya, kahit pa dati ay gabi-gabi itong pinupuntirya sa TMZ, at talk shows sa US. Ang pagiging sagradong nilalang ay mula sa pagiging komersyal na entidad ni MJ.

Kaya mangilin, mga kabataang namuhay sa yugto ni MJ at Farah Fawcett, o ipinaghele sa musika ni MJ at sa resureksyon ng "Charlie's Angels" sa pelikula. Hindi para sa lahat ang mundong inaalok ng mga imahen ng artista, at ng kanilang kamatayan. Ang mundo ay hindi sa inyo. Matagal na itong inaako para sa estado-ang perenyal na pagnanasang manatili sa kapangyarihan ni Marcos at ni Gloria Arroyo ay isa ring pagkakabataang agenda.

Ang mundo ay sa inyo lamang sa nais iparating na kakamit-kamit ng estado. Na tulad ng isda sa dulo ng fishing rod, matapos mapaniwala sa pagheheleng pumapalag-palag na bagong huling isda, ang kasunod ay ang sarili nitong kamatayan, at ang instamatikong shot na minsan ay naging kahali-halinang kabataan at estado ito. (Bulatlat.com)