A(H1N1)

Submitted by Vox Bikol on Sun, 06/21/2009 - 08:29

Naalaala ko nang huling gumamit ng ganitong formula, sa klase sa chemistry. Hindi nga ba't ang urban legend ay tinanong daw ni Eddie Ilarde, host ng noontime show na Student Canteen, ang kontestant, "Ano ang pangkaraniwang tawag sa NaCl?" At dahil hindi makasagot ang kontestant, nagbigay ito ng clue. "Ito ang binubudbot niyo sa itlog ng inyong Mister." Dali-daling sumagot ang kontestant, "Pulbos!" Namula si Ilarde, humagalpak ng tawa, pati ang mga audience sa studio. Nagtataka lamang ang kontestant kung bakit.

Masasabi na ganito rin ang reaksyon ng mga nabiktima ng swine flu virus, A(H1N1) o Influenza A subtype H1N1, na madalas makabiktima sa mga baboy at ibon. Isa itong uri ng lagnat. At kung lagnat lang, bakit nagkakagulo ang mundo, at maging ang World Health Organization (WHO) ay nagdeklara na ng status ng pandemiko ito. Ito ang unang deklarasyon ng WHO ng antas ng pandemiko sa loob ng 40 taon.

Tanging mga nabibiktima at pamilya nila ang nakadarama ng pagtataka-kung ano itong bagong virus na dumapo sa kanila. Na parang sila lang ang hindi nakakaintindi kahit sila lang ang direktang naapektuhan nitong low-risk na virus. Ayon sa WHO noong Hunyo 2009, may 27,737 ang may kaso ng H1N1 sa 74 na bansa, at 141 na ang namamatay resulta nito. Ang mga high risk sa H1N1 ay ang historikal na naisantabi: nakakatanda, nagdadalangtao, musmos, mga may sakit sa puso at baga. Tila sinasalamin ng virus ang mga aktwal na naeetsapwera sa kasaysayan.

Sa katunayan, ang mga nababalitaang may kaso ng H1N1 virus ay galing sa mga pribadong eskuwelahan: De La Salle University (DLSU)-Taft, DLSU-St. Benilde College, Ateneo de Manila high school, FEU-East Asia College, at St. Andrews School sa ParaƱaque. Ang narinig kong biro sa UP ay hindi raw kasi lubos na mayayaman ang mga estudyante, kakaunti lang ang nakakapagbiyahe sa labas ng bansa kaya wala pang insidente ng H1N1 virus sa kampus.

Ang hindi isinasaad ng mga kaso ay hindi naman talaga maykaya lamang ang may akses sa biyahe sa labas ng bansa. Hindi ba't ang migranteng manggagawa na bumubuo ng mga sampung porsyento ng populasyon, mga 12 hanggang 15 milyong Filipinong OCW ay nanggaling sa lampas pa sa 74 na bansang apektado ng virus? Dagdag sa matinding kondisyon ng paggawa sa ibayong-dagat, pati ang kalungkutan sa pagkawalay sa pamilya, ang H1N1 ang bagong risk factor ng pagiging migranteng manggagawa.

At kung isasaalang-alang din ang demographics ng OCWs, karamihan na nito ay mga babae, marami rin ang may sakit o lalong nagkakasakit sa pagtratrabaho sa ibang bansa. Samakatuwid, kasumpa-sumpang maging OCW sa kasalukuyang panahon. Itong idinadambana ng estado bilang "bagong bayani" ay dinadakila lamang sa kanilang kapasidad ng magremita ng foreign currencies sa bansa. Lampas pa rito, pambubusabos ang trato ng estado. May plano ba ito para sa mga OCW na naging biktima ng virus, o ang kanilang pamilya rito?

Kaya hindi mayamang sakit ang H1N1. Ito ay tumatabas sa lahat ng uring may kapasidad makapaglakbay dahil sa kanilang sobrang finansyal na yaman o lakas-paggawang naibebenta sa labas ng bansa. Na kahit hindi pangmayaman, ang minamarkahan ng mga bagong global na sakit-swine flu, bird blue, SARS-ay ang kapasidad ng katawang uminog sa globalisasyon dahil sa angking finansyal at lakas-paggawang yaman.

Mabilis-bilis ang pag-akyat ng insidente ng kaso ng H1N1: noong 11 Hunyo, 92 pa lamang ang kaso; noong 12 Hunyo, 111 na ang bilang. At nadaragdagan din ang mga bilang nang nakakaligtas sa pagkasakit. Sa katunayan, mas mapanganib pa ang insidente ng dengue kaysa H1N1 sa bansa. Na masasabi ring 'great equalizer" dahil walang pinipiling biktimahin, mayaman man o mahirap.

Ang hindi sinasaad nito ay ang mas maraming rekurso ng maykaya kaysa wala sa dengue, maging sa H1N1. Marahil, sa pagkakaraon ng tsansang magkasakit, pantay ang mayaman at mahirap. Pero sa tsansang gumaling sa mga sakit, mas nakalalamang ang mayaman sa mahirap. At ito ang kwento ng pagkakasakit sa bansa. Hindi patas ang laban.

Hindi nga ba't si Manny Pacquiao, nang makabalik sa bansa pagkatapos ng laban sa Las Vegas, ay hindi nagpapigil. Tinatwa ang self-quarantine policy na magkukulong sa balikbayan sa kanyang tirahan sa loob ng sampung araw para lamang tamasain ang pag-ambon ng papuri at parade ng mga politikong tagasuporta?

Sa global na antas, hindi rin patas ang labanan. Ang deklarasyon ng pandemikong antas ng H1N1 ng WHO ay nagpapaalarma sa dami ng gitnang uri na nagnanais maprotektahan ang sarili laban sa sakit na ito. Ang patent para sa Tamiflu, gamot para sa maraming uri ng influenza, kabilang ang avian flu ay pinanghahawakan ng Gilead Sciences. Noong 1997, si Donald Rumsfeld, ang magiging Defense Secretary ng US sa ilalim ng pagkapresidente ni George Bush, Jr., ang chairman of the Board ng kompanya.

Mapapapayag niya ang gobyerno ng US na mag-stockpile ng Tamiflu na nagkakahalaga ng $2 bilyon. Si Rumsfeld din ay kaduda-duda ang koneksyon sa pharmaceutical industry. Kumita raw ito ng $10 milyon sa pagbebenta ng isang pinaghihinalaang carcinogenic na sweetener, ang Nutrasweet.

Noon pa man, pinagsamantalahan na niya ang paggamot laban sa swine flu nang magpamalawakang bakuna si Gerard Ford noong 1976. May 50 katao ang namatay rito. Noong 2006, humingi ang administrasyong Bush ng $7.1 bilyong budget para pondohan ang pananaliksik sa sakit at gamot nito.

Malaking negosyo ang epidemiko sa US. Ito ang pagkakataon na ang sabwatan ng negosyo at politika ng bansa ay natutunghayan. Sa Pilipinas, ito ang pagkakataong preprente at magpapapogi ang mga ofisyales ng kalusugan. Hindi nga ba't sa monitoring lang ng salmonella sa peanut butter, cocaine sa energy booster drinks, prevensyon ng dengue, melamine sa imported na gatas ay buzing-buzy ang mga ito?

Kaya nakakapagtaka na hindi gaanong pumapapel si Gloria Arroyo. Low-profile pa rin, katulad ng pagtahimik nito sa Constitutional Assemly (Con Ass) na itinataguyod ng Lower House. Noong nagka-SARS sa 2003, si Arroyo ang prumonta sa pagdeklara ng unang biktima ng sakit sa bansa, maging ng ofisyal na polisiya ng kanyang pamahalaan sa sakit na ito. Pero sa pagkakataong ito, na pwedeng-pwedeng pumapel si Arroyo, nananahimik ito at pinagkakaabalahan lamang ang simpleng operasyon ng kanyang opisina.

Na ang mga sakit ay ibinabaling muli kay Arroyo ng cause-oriented groups ay hindi naman bago. Sa panahon ng SARS, inakusahan ni Robert de Castro, deputy secretary-general ng Bayan-Muna na si Arroyo ay mayroong exklusibong strain ng SARS (Severe, Acute Recollection Syndrome) nang banggitin ng pangulo na magpapadala ito ng Philippine contingent sa humanitarian mission sa Iraq. Nakalimutan na raw ni Arroyo na US mismo ang may kagagawan ng humanitarian crisis sa Iraq nang bombahin at makidigma ang US.

Sa nakaraang anti-Con Ass, anti-Arroyo rally sa Ayala Avenue noong 10 Hunyo, heto ang referensya sa pangulo sa isang poster ng Bayan-Southern Tagalog: "Mag-ingat: Baboy ng Malacanang, nagtataglay ng Influenza G (C-H-A-2) 'Gloria Forever Virus'." At ito ang kontraryong edukasyon sa mga global na epidemiko. Lampas sa pagtuturo sa mamamayan na maghugas ng kamay, o magsuot ng surgical mask, sa pagpapapogi ng mga opisyales ng kalusugan, ang self-reflexive gesture na kuntsabahan ni Arroyo sa global na negosyo at imperialismo ay pumapaling muli para bigwasan ang kanyang pagkapangulo.

Na hindi siya pogi at kaya ng ganda powers nitong gawing shield of protection ang mga pandemiko para manatili sa kapangyarihan. At ang araw-araw na operasyon ng pagkabangkaroteng nanlilimas ng yaman ng bansa, nagyuyurak sa karapatang pantao, nagpro-promote ng malamang ay pinakamaraming retiradong heneral bilang ambassador at ofisyales ng bansa, ginagawang katawa-tawa ang rule of law ay hindi lubos na swabeng gumugulong.

Natitinag ito ilang saglit at oras ng protesta. Para sabihin nga na ang pinakamalaking sakit na umaapekto sa bansa ay hindi naman talaga H1N1 o dengue, kundi si Arroyo mismo.