Alam nang marami na bahagi na ang isang bagay ng popular at lehitimong kaalaman kung ito ay may entry sa Wikipedia, ang interaktibong encyclopedia sa internet. Dahil nga sa flexibilidad at interaktibidad ng entries sa Wikipedia, ang kalakaran sa akademya ay hindi ito pwedeng gamitin bilang source sa mga pag-aaral at pananaliksik. Guide lang kumbaga, dahil may links pa nga ito sa iba't iba pang maaring tunguhin sa paksa.
Ang charter change ay instrumento ng politikal na kalakaran sa bansa. Parati itong ginagamit, bilang huling baraha para manatili sa kapangyarihan ang wala na dapat kapangyarihan. Ginawa ito sa postwar constitution, at isiningit ang lahat ng di pantay at makatarungang probisyon ng US para manatili ang bansa sa kanyang politikal, ekonomiya at kultural na supremadad.
Kung bansang malaya na ang Pilipinas, gaya ng ipinapahayag ng pagkakaroon ng sariling konstitusyon, bakit pinakialaman ng US ang saligang batas ng Pilipinas? Wala nang lehitimong kapangyarihan, ang US ay nakatipid pa sa di pagtustos sa rekonstruksyon ng bansa matapos ng World War II. Ang ikalawang pagkakataong pinakialaman ang konstitusyon ay sa pagtataguyod ng diktaduryang Marcos.
May Constitutional Commission na binuo noon, at kasama sa probisyon na itinalaga ay ang pagbabawal ng pagtakbo ng presidente lampas sa ikalawang termino. Hindi sang-ayon si Marcos, at hayok pa ito sa higit pang kapangyarihan. Sinuhulan niya ang mga kasapi ng komisyon, pinangakuan na ikakansela ang eleksyon sa susunod na taon, 1972, at ang sasang-ayon sa konstitusyong ito ay otomatikong magiging bahagi ng Interim National Assembly.
Ang kapalit, extra-ordinaryong kapangyarihan para sa presidente. Kahit pa masasabing si Fidel Ramos ang mentor ni Gloria Arroyo, kay Marcos naman kumukuha ng leksyon ang huli. Hindi nga ba't idineklara niya ang state of national emergency noong Pebrero 2006? O ang pinakafasistang pamahalaang kumitil ng buhay ng 1,000 aktibista sa pinakamasahol na politikal na pagpaslang?
Gunita nga raw ni Vicente Paterno, komisyoner ng Consultative Commission (Concom), sa plenary session nito ng Disyembre 2005, na pareho lamang ang isinasagawa ni Arroyo noong 2006 at si Marcos noong 1972. Heto ang ilang probisyon sa Concom ni Arroyo:
- Immediately upon the charter's ratification, a unicameral assembly to be called an "interim parliament" would be formed.
- The interim parliament will choose an interim prime minister among themselves. But the interim prime minister would be a mere member of the Cabinet of the "incumbent president" (i.e. Arroyo)
- Incumbent president Arroyo will immediately wear two hats by exercising the powers of both the "head of government" (the prime minister) and the ceremonial president (head of state). The only power of the prime minister denied her is the power to dissolve parliament.
- Incumbent president Arroyo will have exclusive "control and direction" of the Cabinet.
- Incumbent president Arroyo can insert one-third of her Cabinet, plus 30 new members of her choosing, into the interim parliament.
- Only members of her Cabinet can propose bills of national application in the interim parliament, relegating everyone else into filing local bills. ()
Hindi pa ba kuntento si Arroyo sa sampung taong pagkapangulo na nagnanais pa nitong manatili sa kapangyarihan? O mayroon ba itong prinoprotektahang interes lampas sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2010, at napakaigting na lamang ng kanyang pagpupursigi para sa pagbabago ng saligang batas?
Ang pinakamasahol na presidente ay yaong di lamang nagsasaalang-alang ng lehitimo-kahit pa nga sa napakaraming pagkakataong ay imoral-na politikal na kalakaran, kundi binabaluktot ang mali para maging tama. Hindi nga ba't sa mga public service na komersyal ng Nestle tungkol sa pagsunod sa batas-mula sa guilty complex na ang bata ng tumutunghay sa kamalian ng nakakatanda-ay umaalingawngaw sa ginagawa ring pagkabaluktot ng may kapangyarihan sa mismong prinoproyekto nila?
Naging kabahagi ng kulturang popular ang pagbabago ng saligang batas. Malinaw ang interes ng estado rito. Walang egalitaryong misyon sa pagbabago kundi ang mapanatili ang binakabaluktot na interes ng naghaharing paksyon ng estado. Ang sinasabing mas makakatugon ang imumungkahing charter sa global na krisis at globalisasyon ay hindi lubos na akma.
Ang totoo, ang adhikain ay mapanatili ang naghaharing paksyon ni Arroyo. Na ang kadahilanan din naman ng kanilang gahamang pagnanais makapaghari ay sarili rin naman nilang kagagawan-ang pinakamasibo at sistematikong pangungurakot sa kaban ng yaman ng bansa, ang pinakamalawak na politikal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao matapos ang mga Marcos.
Kaya ang sayaw ng pagkabulok, ang cha-cha ang kinahahantungan. Na hindi naman nabibigyan-katarungan ang Cubanong sayaw, maliban sa pag-indak ng balakang, footwork, at sinkronisadong pares na nagsasayaw. Inaasahang umindak ang mamamayan sa sinkronisadong pagsayaw ng cha-cha. Tunay na nabago ang saligang batas noong 1986, inaprobahan ng 1987. Kahit pa maraming depekto ang konstitusyong ito, marami rin itong makabayang probisyon, tulad ng pagmamay-ari ng negosyo sa bansa na kalakhan ay sa kamay ng Filipino, maging sa good governance, tulad ng pagtakda ng termino sa halal na ofisyal.
Maging sina Ramos at Joseph Estrada ay nilaro ang cha-cha. Sa kasagsagan ng kagyat na pambansang pag-angat sa administrasyon ni Ramos, lumaro sa isipan nito na manatili sa kapangyarihan. Pero hinadlangan ang "People's Initiative" ng Korte Suprema, at ng pandaigdigang krisis ng 1997. Naunsyami ang limitadong bisyon ng First World na Philippines 2000.
Si Estrada naman ay nagtatag ng Concord (Constitutional Correction for Development) na nilalayong baguhin ang restriktibong probisyon ng 1987 na Konstitusyon. Inudlot naman ng People Power 2 ang kanyang fantasya. Pero ang pinasustenido ay ang tatlong malawakang pagpupursigi ni Arroyo: una, ang Sigaw ng Bayan na People's Initiative ng 2005-06 na ibinasura ng Korte Suprema; ikalawa, ang Constituent Assembly sa ilalim ni Jose De Venecia, na nabasura sa paghihiwalay ng landas ng dalawang politiko; at ikatlo, ang Constituent Assembly sa ilalim nina Prospero Nograles, ang pumalit na Speaker of the House matapos si De Venecia, at ang pangunahing tagapagtaguyod nito sa Senado, si Aquilino Pimentel.
Isang taon matapos ang inisyatiba nina De Venecia at Pimentel, sumunod at naipasa ang HR 1109 nitong Mayo 2009. Mabilisan, halos patago sa kinagabihan, inaprubahan ang resolusyon ng mayoryang konggresista bigla na lamang in-attendance sa plenary hall. Kabilang sa mga probisyon na inaakalang mababago ay ang 100 porsyentong pag-aari para sa dayuhan ng mga lupain at korporasyon sa bansa; formalisasyon ng Visitng Forces Agreement at US military bases; immunity para kay Arroyo; ang pagpapalit ng anyo ng gobyerno mula presidential tungo sa parliamentaryong anyo; at ang pagtanggal ng anti-nukleyar na mga probisyon sa 1987 na Konstitusyon.
Sa politikal na imahinasyon ng may aktwal na politikal na kapangyarihan ng gabi ng boto, ang Con-ass (Constitutional Assembly) ay nagpapahiwatig ng kapangyarihang mag-etsapwera ng natitirang simulacrum ng liberal na demokrasya. Walang pagtatangka ang administrasyong Arroyo na ikubli ang agenda at interes nito-ang manatili sa kapangyarihan lampas ng 2010.
Na hindi rin naman hiwalay sa pandarambong ng malalaking negosyo na nag-aastang may panlipunang kamalayan. Ang Nestle na propaganda ukol sa gawain ng matanda na tinutularan ng bata ay nagsasantabi sa rekord nito ng union-busting, maging ang trail ng pagpaslang kay Ka Fort, ang lider ng unyon ng manggagawa sa Nestle. Namamayagpag pa rin si Henry Sy sa di na mabilang na mall na itinatayo. Dumadalo ito sa sariling helicopter para sa pagbubukas ng mall, gaano man ito kalayo.
At ang hindi isinasaad, ang union-busting at subcontractual labor practices nito. Si Mother Lily Monteverde, ang nagmana ng matriarch na namamahala at nagmamay-ari ng studio system sa bansa, ay dinadakila sa kanyang mangilan-ngilan na makabuluhang pelikula, o ang pagpapanatiling buhay ng industriya ng pelikula, gayong di lubos na binibigkas ang exploitatibong kalakaran ng studio system, at ang urban legend ng ilang gives na postdated checks imbes na instant bayaran matapos magawa ang trabaho, ex-deals, paboritismo, at inkorporasyon ng mga panaginip sa mga pelikulang ginagawa nito.
Ang cha-cha ay hindi naman hiwalay sa manipulasyon ng estado para lubos pang maipasok ang neoliberalismo kahit sa pinakamatinding pagdanas ng pandarambong, korapsyon at paglabag sa karapatang pantao sa administrasyong nagtataguyod ng higit pang pagkiling ng bansa sa imperialistang globalisasyon. Walang pinipili ang neoliberalismo at imperialistang globalisasyon kundi ang kagyat na pamunuang makakapaghatid sa bansa sa dambana ng merkado nito.
At sa kawalan-konsyensya ng imperialistang globalisasyon ng yugto ng kapitalismo, nawawalan din ng accountability, transparency at tunay na publiko serbisyo ang pambansang pamahalaan. Bakit pa nila gagawin ito nang lubos kung pwede naman ang pinakabatayan lamang para mabuhay nang walang dangal ang maraming mamamayan?
Sa mamamayan, isinanla na nila ang kanilang kaluluwa sa estadong una nang nagsanla sa kanilang interes sa imperialismo. Ito ang krisis ng mamamayan-kakakurampot na nga lang ang kanilang aktwal na halaga at turing na isinasanla pa ito ng pambansang pamahalaan ni Arroyo sa imperialismo di naman talaga handang magpikit-mata at kibit-balikat sa pagkabangkarote nito. Walang konsyensya at kaluluwa ang imperialismo.
Kung mayroon, nag-self destruct na ito. At dahil hindi pa ito nagse-self-destruct, ang mamamayan ang pinapa-self-destruct: isanla ang kanilang panaginip, at kondisyon ng posibilidad ng mobilidad sa anumang niluluto ni Arroyo. Kaya ang cha-cha at Con-ass ay dapat tutulan. Ninanakaw nito ang panaginip at dignidad ng walang kalaban-labang mamamayan. (Bulatlat.com)